Binibigay ng family planning ang kakayahan sa mga tao na magpasya kung gaano kalaki ang pamilyang ninanais nila. Kabilang dito ang pagpaplano kung kailan nila nais simulan ang pagbuo ng pamilya, at hanggang kailan nila gustong magpatuloy na lumaki ang kanilang pamilya. Ano ang kahalagahan ng Family Planning?
Maaaring may sari-sariling dahilan ang mga mag-asawa sa pag-family planning. May kontrol sila sa kung ilang anak ang gusto nila, kailan nila gustong magkaanak, at kung ilan ang agwat ng edad ng mga bata. May kalayaan din ang mga mag-asawang hindi mag-anak.
Kabilang sa layunin ng family planning ang panahon ng unang pagbubuntis, ang pagpaplano ng agwat ng pag-aanak, at ang paglilimita sa laki ng pamilya. Mayroong iba’t ibang paraan ng pagpigil sa pagbubuntis at paggamot ng infertility na maaaring makatulong na maisakatuparan ang layunin ng family planning.
Hindi lamang para sa mga bagong kasal ang layunin ng family planning. Mahalaga at naaangkop ito para sa lahat ng mag-asawa, mayroon o wala mang anak.
Bago natin alamin ang kahalagahan ng family planning, mainam din na malaman ang kasaysayan ng family planning at kung paano ito nabuo.
Ano ang kasaysayan at kahalagahan ng family planning?
Matagal nang pagsubok para sa kababaihan ang pagsisikap na magplano, maiwasan, at maantala ang pagbubuntis. Sa kabutihang palad, natuldukan ang laban na ito dahil sa 1968 International Conference of Human Rights. Kinilala ng conference na ito ang family planning bilang obligasyon sa karapatang pantao ng lahat ng bansa, pamahalaan, at mga gumagawa ng batas.
Nabuo ang Teheran Proclamation dahil sa conference na nagsabing “Mayroong pangunahing karapatang pantao ang mga magulang na malayang matukoy ang dami at agwat ng pag-aanak”. Nangangahulugang may karapatang pumili ang tao kung gusto o hindi nila gusto maging magulang. Kung nanaisin naman nila, may kalayaan din silang piliin kung kailan at paano nila ito gagampanan. Kinilala din ng proclamation ang karapatan ng bawat indibidwal na tukuyin ang direksyon ng kanilang kinabukasan at kung ano ang gusto nilang ipagpatuloy.
Napakahalaga ng pagkakabuo ng Teheran Proclamation sa kasaysayan ng family planning, lalo na sa kababaihan. Ipinakita ng proclamation ang karapatan nilang piliing iwasan ang pagod at panganib ng sunod-sunod na pagbubuntis na nagbibigay lamang ng kaunting oras sa kanila para magpagaling.
Nakalulungkot lamang na patuloy pa ring nahahadlangan ang kahalagahan ng family planning at ang mga layunin nito sa kabila ng 50 taong pag-iral ng Teheran Proclamation. Limitado pa rin ang impormasyon tungkol sa contraception at reproductive health. Pinagkakaitan pa rin ng access ang mga kababaihan sa mga contraceptive method sa maraming bansa.
Ano ang kahalagahan ng family planning?
Kabilang sa kahalagahan ng family planning ang buong pamilya, hindi lamang ang mag-asawa. Makikinabang din sa family planning ang mga isisilang pa lamang na bata at mga susunod pang anak.
Ang kahalagahan ng family planning para sa kababaihan
- Maaari siyang magpasuso nang mas mahabang panahon.
- Mas mababa ang posibilidad ng mga komplikasyon sa panahon ng pagbubuntis at panganganak.
- Mas mababa rin ang panganib mula sa miscarriage, stillbirth, preterm delivery, at panganganak sa batang mababa ang timbang.
- Makakakuha siya ng mas mahabang oras ng pagpapagaling mula sa pagbubuntis at panganganak.
- Mas marami ang oras ng nanay upang alagaan ang sarili, pamilya, partner, at (mga) anak.
- Magkakaroon din siya ng oras upang ipagpatuloy ang kanyang mga interes at oportunidad para sa sariling kabutihan.
- Makakakuha rin siya ng mas maraming oras upang ihanda ang sarili sa pisikal, pinansyal, at emosyonal na pangangailangan para sa susunod na pagbubuntis.
Ang kahalagahan ng family planning para sa mga bata
- Mas mataas ang posibilidad na ipanganak silang malakas at malusog.
- Makakakuha ng mas higit pang pangangalaga at atensyon ang mga bata mula sa kanilang mga magulang.
- Mas matagal silang (bata) mapapasuso. Mas makukuha nila ang benepisyo nito kabilang na ang mas maayos na nutrisyon at mas malakas na immunity.
Ang kahalagahan ng family planning para sa kalalakihan
- Mas marami siyang oras para pangalagaan ang kalusugan at maibigay ang mga pangangailangan ng kanyang asawa at mga anak.
- Mas may oras ang tatay na maghanda ng pinansyal na pangangailangan para sa susunod na anak.
- Mabibigyan niya ng mas maraming oras at atensyon ang kanyang asawa at mga anak.
Ang kahalagahan ng family planning para sa buong pamilya
- Natutugunan ang mga pangangailangan ng bawat miyembro ng pamilya.
- Tumutulong sa pamilya na mapalaki ang kanilang ipon.
- Tumutulong sa pamilya na mas pagtuunan ang edukasyon ng bata at iba pa niyang pangangailangan.
Paano makakamit ang mga layunin ng family planning
Maaaring may iba’t ibang dahilan para sa family planning ang bawat mag-asawa. Posibleng kabilang dito kung kailan nila gustong unang magkaanak, kung gaano kalaki ang agwat ng edad sa pagitan ng bawat bata, at kung ilang anak ang gusto nila.
Makakatulong sa mga mag-asawa ang paggamit ng contraceptive upang makamit ang kanilang mga rason at mga layunin para sa family planning.
Ano ang iba’t ibang paraan ng contraceptive?
Maraming puwedeng magamit na contraceptive methods. Kabilang sa mga modernong pamamaraan ang:
- Condom ng mga lalaki
- Condom ng mga babae
- Intrauterine devices (IUDs)
- Contraceptive injectables
- Oral contraceptive pills
- Implants
- Hormonal patch
- Vaginal rings
- Male sterilization (vasectomy)
- Female sterilization (tubal ligation)
Mabisa ang lahat ng modernong paraan ng contraceptive at maaasahang makatutulong sa mga mag-asawa na maisakatuparan ang layunin ng family planning. Nakaayon sa lifestyle, kondisyon ng kalusugan, at mga rason ng family planning ang pinakamabuting contraceptive para sa mga mag-asawa.
Ano ang ilang mga tip para sa family planning?
Lubos na nakasalalay sa mag-asawa ang rason nila para mag-family planning. Ngunit mahalaga rin para sa kanila na mag-ingat sa ilang mga bagay kapag iniisip ang mga rason para mag-family planning upang maisakatuparan ang layunin nito sa pinakamahusay na posibleng paraan.
Narito ang ilang bagay na dapat tandaan ng mag-asawa kung iniisip ang mag-family planning.
Mahalaga ang edad
Hindi inirerekomenda para sa mga babaeng wala pang 20 taong gulang ang kanyang unang pagbubuntis. Sapgakat, hindi pa fully-developed ang katawan ng mga babaeng nasa edad 18 pababa. Maaaring hindi nila mapangasiwaan nang maayos ang mga pagbabago at pagsubok na dala ng pagbubuntis.
Mas mataas din ang panganib ng ina at ng bata mula sa ilang komplikasyon kung wala pang 20 taong gulang ang pagbubuntis. Ganoon din para sa mga babaeng nagdadalang-tao sa edad 35 pataas.
Isipin ang agwat
Maaaring magdulot din ng panganib para sa ina at anak ang masyadong malapit o malayong agwat ng pagbubuntis.
Sinasabi ng pag-aaral na maaaring mapataas ng pagbubuntis sa loob ng anim na buwan matapos ang isang panganganak ang posibilidad ng mga sumusunod:
- Premature birth
- Placental abruption
- Mababang timbang ng bagong panganak
- Congenital disorders
- Schizophrenia
- Maternal anemia
- Autism
Walang sapat na oras upang magpagaling ang isang ina kung masyadong malapit ang agwat ng kanyang mga pagbubuntis. Maaaring maapektuhan ang kanyang breastmilk dahil nauubos ang supply ng kanyang nutrients, lalo na ang folate.
Sinasabi din ng ilang pag-aaral na maaaring may panganib din mula sa mahabang agwat ng pagbubuntis, tulad ng preeclampsia.
Inirerekomenda ng mga eksperto ang pagkakaroon ng 18 hanggang 24 na buwang pagitan ngunit hindi lalagpas ng limang taon ang agwat ng panganganak bago muling magbuntis.
Alamin ang iyong mga limitasyon
Nangangailangan ng malaking halaga at commitment ang pagbubuntis at pagiging magulang upang matiyak na maayos na lalaki ang bata. Nasa mag-asawa ang desisyon kung kailan nila gustong magkaanak at kung ilang anak ang gusto nila.
Habang pinag-uusapan ng mga mag-asawa ang kanilang mga layunin sa family planning, mahalagang isaalang-alang din ang mga sariling limitasyon at kakayahan. Mahalaga ang pag-uusap tungkol sa mga pinansyal na pangangailangan, maturity, layunin, at maging ang kanilang mga pisikal at mental na kalusugan.
Key Takeaways
Nagmula pa ang layunin ng family planning sa Teheran Proclamation. Ang proclamation at ang 1968 International Conference on Human Rights ang pangunahing elemento at kasaysayan ng family planning.
Nabigyan din ng halaga at pansin sa wakas ang mga karapatan ng bawat indibidwal—lalo na ang kababaihan—na piliin kung gusto nilang yakapin ang pagiging magulang at pagpasyahan ang takbo ng kanilang kinabukasan.
Sa buong mundo, hindi pa tapos ang laban tungkol sa kahalagahan ng family planning. Gayunpaman, karamihan sa mga mag-asawa ang may karapatang mamili kung gagawin nila ang family planning.
Nakaaapekto na ang mga benepisyo at kahalagahan ng family planning maging sa mga buhay ng mga batang isisilang pa lamang. Kaya naman mahalagang pag-usapan ng mga mag-asawa ang tungkol sa family planning.
Maaaring may kanya-kanyang dahilan ang bawat mag-asawa para mag-family planning. Anuman ang mga dahilan na mayroon sila, ang pag-uusap tungkol sa contraception at mga paraan ng family planning ang pinakamabuting paraan upang makamit at mapakinabangan ang mga benepisyo at layunin ng family planning.
Walang perpektong edad o panahon sa mag-asawa para magsimula ng sariling pamilya. Nasa pinakatamang panahon na sila para magkaroon ng mga anak kapag pareho na silang handa at parehong nang ganap na nakatuon sa pagsasakatuparan ng mga responsibilidad na kasama sa pagkakaroon ng sariling pamilya.