Nabutas ang condom, ano na ang gagawin mo? Ito ang isa pinaka masaklap na maaari mong maranasan lalo na kapag hindi ka pa handa sa kahihinatnan nito. Maraming pangarap ang hindi natupad dahil din dito. Hindi ito kathang-isip lamang o pananakot. Posible talagang masira ang condom. Mainam kung nakita mo ito bago ginamit. Posibleng masira ang condom nang hindi mo namamalayan. Ang good news ay, ayon naman sa mga kumpanyang gumagawa nito, bihira itong mangyari lalo na kung ginagamit mo at iniimbak nang tama ang condom.
Nangyayari ang pagka-sira ng condom sa totoong buhay. Hindi lang ikaw ang nakaranas ng condom break. Sa isang pag-aaral 7.3% sa mga lalaking na-survey ay nagsabing nakaranas sila ng pagkasira ng condom sa loob ng isang taon. Sa ibang pananaliksik, 29% ng mga lalaking naglalagay ng condom at 19% ng mga babaeng naglagay ang nakakaranas ng hindi bababa sa isang sirang condom sa nakaraang 3 buwan. At dahil nangyari na, mas mabuting alam mo ang susunod mong gagawin upang matugunan ang problema.
Siguraduhin muna kung sira o may butas ang condom bago gamitin
Bago mag-panic at mag-isip ng kung ano-ano, magandang ideya na mabilis na suriin ang condom kapag isinuot mo ito. Minsan nasisira ang condom sa packaging o habang isinusuot ito. Kung ikaw ang nagsusuot ay malamang na mararamdaman mo na nasira ito. Magkakaroon ng agarang pagbabago sa sensasyon. Kung mangyari iyon, sabihin sa iyong kapareha, bunutin, at suriin ang condom. Dapat ay laging sinusuri bago gamitin at habang ginagamit ang condom kung may sira ito.
Gayunpaman, hindi napapansin ng karamihan na nabutas ang condom hanggang matapos silang makipagtalik. Iyon ang dahilan kung bakit mahalagang suriin mo muna ito kapag tinanggal mo sa plastic para sa anumang halatang butas. Sa ilang mga kaso, ang maliit na punit ay maaaring isang manufacturing defect. Isinasailalim ang condom sa serye ng quality checks ng mga kompanya upang masubaybayan ang mga sira at depekto bago ibenta ang mga ito.
Pwede bang mabuntis kapag nabutas ang condom?
Hindi gumagana sa lahat ng oras ang condom. Masira man ito o hindi ay mayroon pa ding tsansa na magbuntis ang babae. Kung ginamit nang tama, ang mga condom na sinusuot sa ari ng lalaki ay 98% na epektibo sa pagpigil sa pagbubuntis. Kapag may pagkakamali sa paggamit, ang pagiging epektibo nito ay bumaba sa humigit-kumulang 85%. Ang internal condoms ay 95% epektibo kapag ginamit nang perpekto. Ngunit maaari itong bumaba sa 79% kung ginamit nang hindi tama.
May posibilidad na mabuntis ka anumang oras na makipagtalik ka. Kung nasira ang condom, maaaring pumasok pa rin ang sperm sa vagina. Para mabawasan ang pag-aalala, mas mabuting kumuha ng pregnancy test o makipag-ugnayan sa isang health care professional. Kung maagap na malalaman na may sira ang condom na ginamit, maaaring i-consider ang emergency contraception. Ang emergency contraception o EC ay isang paraan ng birth control na pumipigil sa pagbubuntis. Hindi ito nilalayong gamitin bilang isang pangunahing paraan ng birth control—kaya tinawag na emergency contraception.
Mga pwedeng gawin kapag nabutas ang condom
Uminom ng emergency contraception
Maaari kang uminom ng emergency pill hanggang limang araw pagkatapos makipagtalik. Ito ay naghahatid ng mataas na dosage ng mga hormones upang maantala ang obulasyon at maiwasan ang pagtatanim ng fertilized na itlog sa iyong matris. Ang mga ito ay hanggang sa 95% epektibo sa pagpigil sa pagbubuntis kung ginamit sa loob ng limang araw. Bagama’t mahalagang tandaan na ang emergency pill ay pinakamahusay na gumagana kapag mas maaga mong ininom ito. Marapat na sumangguni sa iyong doktor kung nag-iisip kang gumamit ng emergency contraception. Ilan sa mga maaaring iconsider ay:
- Plan B o levonorgestrel na isang progestin-only pill. Ito ay emergency contraceptive pill na iniinom pagkatapos ng unprotected sex upang mapigilan ang pagbubuntis.
- Ella o ulipristal acetate na isang selective progesterone receptor modulator na humaharang sa progesterone, isang hormone na naghahanda uterus sa pagbubuntis
- Birth control pills ngunit na mas mabuting inumin matapos kumunsulta sa doktor
Paano ang panganib ng STD at HIV kapag nabutas ang condom?
Hindi lang ang pagbubuntis ang dapat ikabahala kapag nasira ang condom. Ito ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang mga sexually transmitted diseases kabilang ang HIV. Ngunit hindi ito 100% epektibo. Makipag-usap sa iyong kapareha kung kailan siya huling nagpasuri para sa HIV. Kung siya ay nasuri kamakailan, ang panganib ng pagkahawa ay maaaring mas mababa. Gayunpaman, kinakailangan ang maraming pagsusuri upang tumpak na ma-detect ang HIV. Ang post-exposure prophylaxis ay isang pang-iwas na gamot na maaaring makatulong mabawasan ang panganib na magkaroon ng HIV. Kung sa tingin mo ay na-expose ka sa HIV, kausapin ang iyong doktor tungkol dito sa lalong madaling panahon. Dapat magsimula ang PEP sa loob ng 72 oras ng potensyal na pagkakalantad.