Penile fracture ang medical term para sa nabaling ari ng lalake, at nangyayari ito kapag tumama ang ari sa matigas na bagay, habang nakikipagtalik o iba pang paraan. May pangmatagalang epekto ba ito sa sexual performance at fertility? Matuto pa dito.
Paano Nababali ang Ari ng Lalake?
Bagaman bihira lang itong mangyari, nasa ibaba ang listahan ng maraming kaso at insidente na maaaring magresulta sa nabaling ari ng lalake:
- Maaaring mabali ang ari ng lalaki dahil sa mga aksidente sa oras ng pakikipagtalik. Halibawa, mababali ang ari ng lalaki kapag inilabas niya ito habang nakikipagtalik at ipinasok ito sa maling lugar, at tumama ito sa pelvic bone o perineum (bahaging malapit sa anus). Sapat na ang malakas na puwersa sa pagpasok at pagtama nito sa bahaging iyon para maging sanhi ng penile fracture.
- Maaari din mauwi sa baling ari ang energetic masturbation. Hindi dapat masyadong nagbibigay ng pwersa o pressure sa ari tuwing masturbation dahil maaari itong mabali.
- May partikular na kasanayan na ginagawa ang mga lalaki sa Middle East at Central Asia, at tinatawag itong Taqaandan. Binabaluktot nila ang nakatayong ari ng lalaki para mawala ang nakatayong ari o mabago ang laki at hugis nito. Maaaring mabali ang ari dahil sa kasanayang ito dahil may direktang puwersa na ibinibigay para mabaluktot ang nakatayong ari.
- Maaari ding maging dahilan ang pagkahulog o pagkatumba pabagsak sa nakatayong ari para mabali ito. Kabilang sa iba pang mga aksidente ang pagdagan sa nakatayong ari tuwing natutulog, o pagtama ng ari sa matigas na bagay gaya ng pader, mesa, o pinto. Karaniwan itong nangyayari kapag madilim ang kwarto.
Madali lamang mabali ang ari ng lalaki dahil isa itong bahagi ng katawan na walang buto sa loob. Kaya kapag nagbigay ng matinding puwersa dito, maaaring mapinsala ang outer lining (tunica albuginea) ng dalawang cylinder ng ari. Tinatawag na corpora cavernosa ang dalawang cylinder na ito, at napupuno ito ng dugo kapag tumatayo ang ari.
Mga Senyales at Sintomas
Madalas na mukhang namamaga at kulay lila ang penile fracture. May iba pang sintomas ang nabaling ari ng lalake, gaya ng:
- Masakit na ari
- Pag-iiba ng kulay ng ari
- Pamamaga ng ari
- Makaririnig ng pag-pop o crack na tunog mula sa ari ng lalake
- Mabilis mawala ang erection
Dagdag pa rito, maaaring magdulot ng pinsala sa urethra (ang duct o tube kung saan dumadaloy ang ihi) ang nabaling ari ng lalaki, at maaari din lumabas ang dugo sa butas ng ari.
Maaayos ba ang nabaling ari ng lalake?
Oo, maaari pa rin maayos ang nabaling ari ng lalaki basta mabilis itong naaksyunan. Sa oras na malaman mong nabali ang iyong ari, kailangan mong pumunta kaagad sa doktor, at ipatingin ito. Karaniwang naaayos ang nabaling ari ng lalaki sa tulong ng operasyon.
Nakadepende sa tindi ng bali ang uri ng operasyon na gagawin sa nabaling ari ng lalaki. Halimbawa, kapag nabali ang ari dahil sa mga sexual activity, maaaring gawin ang operasyon sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Paglalagay ng anesthesia
- Maghihiwa sa paligid ng ulo ng ari ng lalake, at sunod na hihilahin ang balat para makita ang loob.
- Sunod na tatanggalin ng doktor ang mga namuong dugo, na makatutulong para mahanap ang mga punit na posibleng nasa tunica albuginea.
- Kapag nakita na ang punit o ang mga nasira, aayusin ito, at tatahiin ang balat pagkatapos.
- Karamihan sa mga kaso ang pansamantalang gumagamit ng catheter para mailabas ang ihi mula sa pantog. Ginagawa ito para magkaroon ng panahon ang ari na gumaling.
- Pagkatapos ng operasyon, mananatiling may benda ang ari. Gayundin, posibleng manatili muna ang tao sa ospital sa loob ng dalawang araw.
- At panghuli, maaaring umuwi ang taong sumailalim sa operasyon nang may catheter o puwede ring wala. Depende ito sa kalagayan ng kanilang pagpapagaling. Bibigyan din sila ng mga gamot para sa pananakit.
Matinding Kaso
Para sa mga mas matinding kaso ng nabaling ari ng lalaki kung saan may bahagi ng ari na naputol, ibabalot sa gasa ang naputol na bahagi, at ibababad ito sa malinis na salt solution. Sunod na ilalagay ang ari sa isang plastik. Sa ilang mga kaso, kinakabit muli ang ari. Nakadepende sa tindi ng injury ang posibilidad na maayos muli ang naputol na ari ng lalaki.
Makakaapekto ba sa Performance at Fertility ang Nabaling Ari ng Lalake?
Hindi nakakaapekto sa fertility ang karamihan sa mga kaso ng nabaling ari, ngunit para lamang ito sa mga ari na hindi tuluyang naputol. Hindi maaapektuhan ang fertility dahil nasa loob ng testicle ang sperm, ngunit maaaring mangailangan ng tulong ang mga lalaki.
Pagdating sa performance, may epekto dito ang nabaling ari ng lalaki. Kabilang sa maraming komplikasyon na makakaapekto sa performance ang mga sumusunod:
- Impeksyon
- Priapism (masakit erection)
- Kurbado o baluktot na ari
- Erectile dysfunction
- Fistulas
Key Takeaways
Sa kaso ng nabaling ari ng lalaki, kailangan mo agad humingi ng medikal na tulong. Kapag mas maaga itong magamot, mas mabuti. Maiiwasan mong mangyari ang mga mas malalang komplikasyon. Ituring na emergency ang mga penile fracture, at huwag ito hayaang gumaling nang kusa.
Matuto pa tungkol sa Ligtas na Sex dito.