backup og meta

Gamot Sa HPV: Anu-Ano Ang Maaaring Gamitin Na Gamot?

Gamot Sa HPV: Anu-Ano Ang Maaaring Gamitin Na Gamot?

Ang HPV ay isang karaniwang sexually transmitted disease. Kung nais mong matuto ng higit pa tungkol sa HPV at mga health concerns na dulot nito, maging ang mga posibleng opsyon ng panggagamot sa bansa, narito ang mga dapat mong malaman.

Mga Uri ng Gamot sa HPV 

Sa kasalukuyan, wala pang nag-iisang paraan ng panggagamot para sa HPV. Gayunpaman, mayroong mga opsyon para sa gamot sa mga health concerns na maaaring umusbong kapag nahawa ang isa ng HPV. Ang mga karaniwang health concerns na dulot ng HPV at ang mga lunas sa mga ito ay ang sumusunod: 

Cervical Precancer

  • Excision (pagtanggal ng bahaging apektado sa pamamagitan ng operasyon) 
  • Laser 
  • Cryosurgery

Iba Pang Cancer (vulva, pagkababae, pwet, at iba pa) 

  • Radiation 
  • Chemotherapy 
  • Operasyon 
  • Hormonal Therapy 
  • Immunotherapy 

Genital Warts 

  • Topical na gamot sa HPV Warts (trichloroacetic acid, podophyllin, imiquimod, at iba pa) 
  • Cryosurgery (pagpi-freeze ng mga warts) 
  • Electrocautery (paggamit ng elektrisidad para sunugin ang mga warts) 
  • Excision (pagputol sa mga warts) 
  • Laser Treatments

Pagpapabakuna 

Ang HPV Vaccine ay hindi nagbibigay ng kabuoang proteksyon mula sa sakit ngunit may dahilan ang mga doktor kung bakit nila iminumungkahing magpabakuna. Ang bakuna laban sa HPV ay nakatutulong para maagapan ang pagdami ng HPV strains na nagdudulot ng cancer. 

Halimbawa, maraming mga strains ng HPV ang kilala na nagdudulot ng cervical cancer. Ang pagpapabakuna bago pa man ma-expose sa ganitong virus ay makatutulong para maiwasan ang pagkakaroon ng cervical cancer, isa sa mga karaniwang cancer sa mga kababaihan. 

Hindi lamang iyan, ang bakuna laban sa HPV ay maaari ding magbigay sa mga kababaihan ng proteksyon laban sa HPV strains na nagdudulot ng vulvar at vaginal cancers. Sa parehong lalaki at babae, ang bakuna ay maaaring makapigil sa pagkakaroon ng anal cancer at genital warts. 

Karagdagan pa, ang mga tiyak na HPV strains ay naiuugnay sa cancer sa lalamunan at bibig. Kaya naman, ang pagpapabakuna laban sa HPV ay kapaki-pakinabang sa parehong kasarian at sa kanilang magiging sekswal na kapareha sa hinaharap. 

Kailan Ibinibigay ang Bakuna? 

Ang bakuna laban sa HPV ay karaniwang ibinibigay kapag ang bata ay nasa edad 11-12 taong gulang. Gayunpaman, posible rin na ang bata ay makatanggap nito kapag siya ay 9 na taong gulang pa lamang. 

Ang dosis ng bakuna laban sa HPV ay nakadepende sa edad ng pasyente. Iyong mga ang edad ay mababa sa 15 taon ay makatatanggap ng dalawang dosis na may tinatayang 6-12 buwang pagitan. Kung ang dosis na ibinigay ay may 5 buwan pababang pagitan, kakailanganin nila ng ikatlong dosis. 

Para naman sa mga mas matatandang edad na nasa 15 hanggang 26 taong gulang, gayundin para sa mga immunocompromised, sila ay inaasahang sumunod sa tinatawag na three-dose schedule. Sa kasalukuyan, hindi ito inirerekomenda para sa mga taong mataas sa 26 taong gulang ang edad. 

Ang mga nagdadalantao at mga taong may hindi gaanong malala hanggang sa malalang karamdaman ay kadalasang hindi mga kandidato para sa pagtanggap ng bakuna laban sa HPV. 

Tandaan na ang bakuna laban sa HPV ay isang anyo ng pag-iwas, at hindi panggagamot. Kung mayroon ka nang HPV, hindi ito magagamot ng bakuna. Sa ganitong lagay, ang kahalagahan ng bakuna laban sa HPV ay nakatuon sa potensyal na kakayahan nitong protektahan ang isang tao laban sa mga impeksyon at sakit na may kaugnayan sa HPV. Makipag-usap sa iyong doktor para sa pagtanggap ng bakuna laban sa HPV kung hindi ka pa nakatatanggap nito. 

Gaano Kahabang Panahon Nananatili ang Impeksyon? 

Magandang malaman na 90% ng mga bagong impeksyon ng HPV ay maaaring maalis nang kusa. Ang mga kaso ay maaari ding hindi madiskubre hanggang sa dalawang taon. 

Gayunpaman, kung mananatili sa katawan ang impeksyon na HPV, maaari itong magdulot ng ibang mga isyung pangkalusugan gaya ng genital warts at kanser. 

Ito muli ay nagtuturo ng kahalagahan ng hindi lamang pagsasagawa ng ligtas na pagtatalik kundi maging ng pangangalaga sa sarili mula sa mga seryosong sakit gaya ng kanser sa pamamagitan ng pagpapabakuna. 

Kailan ka Dapat Kumunsulta sa Doktor? 

Kabilang sa mga sintomas ng HPV na dapat mong bantayan ay ang sumusunod: 

  • Abnormal na discharge mula sa pagkalalaki at pagkababae
  • Genital warts na lumalabas sa iyo o sa iyong kapareha
  • Pagdurugo, pananakit, o nagbabagang pakiramdam tuwing nagtatalik o umiihi

Kung pinaghihinalaan mong mayroon kang HPV, palaging mainam ang humanap ng medikal na atensyon mula sa isang doktor. 

Sa pamamagitan ng konsultasyon at eksaminasyon, ang doktor mo ang makapagsasabi kung ikaw ay mayroong HPV infection o wala. Para sa mga kababaihang edad 30 pataas, isang mas masusing HPV test ang maaaring isagawa para makita kung mayroong cervical cancer. Ang pagsusuring ito ay hindi ipinapayo para sa mga kalalakihan. 

Mga Paraan ng Panggagamot sa HPV na Mayroon sa Pilipinas 

Karamihan sa mga ospital at klinika ay may kakayahang magbigay ng basikong paraan ng panggagamot para sa mga health concerns na dulot ng HPV. Halimbawa, ang isang basikong klinika ay inaasahang may kakayahang maglapat ng topical na mga lunas sa mga genital warts. 

Gayunpaman, baka kailanganin mong pumunta sa isang ospital para sa mga mas seryosong usaping pangkalusugan na may kaugnayan sa HPV. Halimbawa, kakailanganin mong pumunta sa ospital kung kailangan mo ng operasyon o chemotherapy para sa kanser mula sa HPV. 

Karamihan sa mga health centers sa mga barangay at mga ospital ng pamahalaan ay nagbibigay ng bakuna laban sa HPV. Maaari din namang magbayad ang mga tao para sa bakuna laban sa HPV sa ibang mga ospital at klinika. 

Tandaan

Ang HPV ay isang karaniwang STI ngunit ang pagpapabakuna ay makatutulong para maiwasan ang mga usaping pangkalusugan na dulot ng HPV at ang pagsasagawa ng ligtas na pakikipagtalik ay kapaki-pakinabang para sa lahat. 

Matuto ng higit pa tungkol sa HPV dito. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

HPV Treatment,  https://www.cdc.gov/std/hpv/treatment.htm#:~:text=There%20is%20no%20treatment%20for,grow%20in%20size%20or%20number. Accessed January 20, 2021

HPV vaccine: Who needs it, how it works,  https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hpv-infection/in-depth/hpv-vaccine/art-20047292 Accessed January 20, 2021

Types of Human Papillomavirus,  https://nyulangone.org/conditions/human-papillomavirus-in-adults/. Accessed January 20, 2021

STD Facts,  https://www.cdc.gov/std/hpv/stdfact-hpv.htm#:~:text=HPV%20can%20cause%20cervical%20and,after%20a%20person%20gets%20HPV. Accessed January 20, 2021

HPV Vaccine Recommendations, https://www.cdc.gov/vaccines/vpd/hpv/hcp/recommendations.html Accessed January 20, 2021

Kasalukuyang Version

10/16/2024

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Bakuna sa HPV: Mga Dapat Mong Malaman

Paano Nahahawa Ng HPV? Maaari Mo Ba Itong Makuha Sa Pamamagitan Ng Paghahalikan?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement