backup og meta

19 Taong Gulang Na Lalake Mayroong HPV — Ano Ang Itsura Ng HPV?

19 Taong Gulang Na Lalake Mayroong HPV — Ano Ang Itsura Ng HPV?

Isa ang sekswal na kaayusan sa mga paksa na hindi karaniwang pinag-uusapan ng mga tao dahil itinuturing itong sensitibong bagay. Ngunit, nilakasan ng isang 19 taong gulang ang kanyang loob upang kumatok sa GMA Kapuso Foundation tungkol sa kanyang pagkakaroon ng human papillomavirus (HPV) infection. Alamin ang kwento niya at kung ano ang itsura ng HPV sa artikulong ito. 

Ang Balita Mula Sa 24 Oras Tungkol Sa 19 Taong Gulang Na May HPV

Bago tayo tumungo sa pangunahing paksa tungkol sa kung ano ang itsura ng HPV, atin munang alamin ang karanasan at kwento ng isang 19 taong gulang na napag-alamang mayroon ng naturang sakit.

Noong Lunes (Agosto 15, 2022), iniulat sa 24 Oras tungkol ang kwento ni Louie, (hindi niya tunay na pangalan), at ang pagkakaroon niya ng human papillomavirus o HPV infection. Binanggit niya na mayroon siyang hinala na ito ay nag-ugat sa kanyang pagiging sexually active sa kanyang dating kaparehang nakilala lamang niya sa social media. 

“Dati po akong sexually active pero nag-iisang boyfriend ko po nun. Seventeen years old lang po ako nun. ‘Yung isip ko po noon, mapusok pa,” batid niya.

“Sobrang sisi po ako kasi parang ‘di ko naisip ‘yung mga consequences,” dagdag niya. 

Bagaman naghiwalay na sila, nag-iwan ng mga marka ang kanilang relasyon sa kanyang katawan. Siya ngayon ay may mga kulugo sa buong binti at isang bukol na kasing laki ng dalawang kamao sa kanyang likuran.

Dahil dito, gumawa si Louie ng paraan upang makadulog sa GMA Kapuso Foundation at humingi ng tulong sa kanyang nakakabahalang kondisyon. 

Hindi naman nag-atubiling bumisita ang mga kawani ng Foundation sa kanyang bahay at binigyan siya ng mga gamot, bitamina, maging ang hygiene kit. Bukod pa rito, napagkalooban din siya ng libreng medical assistance mula sa isang dermatologist sa San Lazaro Hospital, si Dr. Dianna Sia. 

Ayon sa doktor, ang mga pinakikitang sintomas ay nagpapahiwatig kung ano ang itsura ng HPV.

“Meron siyang tinatawag na human papillomavirus infection. Base sa sensitibong parte ng katawan, ang mas tamang tawag ay condyloma acuminata. Ooperahan na para i-debulk siya,” sabi niya.

Nagpositibo rin si Louie para sa HIV (human immunodeficiency virus). Katulad ng karamihan sa ibang uri ng virus, pinahihina nito ang immune system ng katawan, dahilan para magkaroon ng ilang mga kaakibat na pisikal na sintomas.

Mga Karagdagang Impormasyon Tungkol Sa Kondisyon

Ang HPV ay tumutukoy sa pangkaraniwang virus na maaaring magkaroon ng epekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Para sa mga nagtatanong kung ano ang itsura ng HPV, mayroong itong higit sa 100 na uri at kabilang dito ang mga strain na nagdudulot ng kulugo (warts) sa mga ilang mga karaniwang parte ng katawan tulad ng kamay, paa, at mukha. Bilang karagdagan, mayroon ding humigit-kumulang na 30 HPV strain ang maaaring makaapekto sa ari, kabilang ang mga sumusunod:

  • Vulva
  • Vagina
  • Cervix
  • Penis
  • Scrotum 
  • Rectum 
  • Anus

Kapag naapektuhan na ang mga genitals, ito ay itinuturing na sexually transmitted infection (STI). Ito ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng skin-to-skin contact. 

Ano Ang Itsura Ng HPV Symptoms

Karaniwan sa mga kaso, nagiging matagumpay naman ang immune system ng isang indibidwal upang labanan ang impeksyon bago pa man ito makagawa ng warts. Ngunit, kung ang mga ito ay tuluyang lumabas na, maaaring maging iba’t iba kung ano ang itsura ng HPV depende sa sangkot na bahagi ng katawan. 

  • Genital warts. Ang mga ito ay lumilitaw bilang mga flat lesion, maliliit na cauliflower-like bumps o maliliit na parang mga tangkay. Sa mga kababaihan, ang genital warts ay kadalasang lumilitaw sa vulva ngunit maaari ring makita ang mga ito malapit sa anus, cervix o sa vagina. Sa kabilang banda, ang mga kalalakihan naman ay nakararanas ng mga genital warts sa penis at scrotum, o sa paligid ng anus. Bihira naman itong magdulot ng pananakit o discomfort, ngunit maaari itong maging makati o makaramdam ng kakaibang gaspang.
  • Common warts. Lumilitaw naman ang mga ito bilang magagaspang na naka-angat na mga bukol. Kadalasang itong nangyayari sa mga kamay at daliri. Bukod sa hindi kaaaya-ayang tignan ang mga kulugo, maaari rin maging masakit o madaling kapitan ng pinsala, sugat o pagdurugo. 

ano ang itsura ng hpv

  • Plantar warts. Kung tatanungin ano ang itsura ng HPV plantar warts, maaari itong mailarawan bilang matitigas at grainy na bukol. Karaniwan itong lumalabas sa mga sakong o talampakan ng mga paa, dahilan para maging sanhi ng discomfort. 
  • Flat warts. Kabilang din ang flat warts sa mga maaaring makita bilang na sintomas ng HPV. Karaniwang makikita ang mga ito sa mukha ng mga bata, sa lugar naman ng balbas para sa mga lalaki, at sa binti naman sa mga babae.

Key Takeaways

Bagaman maraming tao ang naiilang talakayin ito, nararapat na maging pamilyar sila sa kung ano ang itsura ng HPV infection. Ito ay marahil maaari itong humantong sa pagkakaroon ng cancer, tulad na lamang ng cervical cancer. Kung gayon, malaki ang maitutulong ng early detection at treatment na pinangungunahan ng doktor upang maiwasan ang mga posibleng komplikasyon.
Inihihikayat din ni Dr. Sia na magpa check-up ang mga tao dahil marami namang mga pasyente ang namumuhay naman nang normal.

Alamin ang iba pa tungkol sa HPV dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

19-year-old with warts, lump on sensitive area due to HPV asks for help from GMA Kapuso Foundation, https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/healthandwellness/841655/19-year-old-with-warts-lump-on-sensitive-area-due-to-hpv-asks-for-help-from-gma-kapuso-founda/story/, Accessed August 16, 2022

HPV, https://medlineplus.gov/hpv.html, Accessed August 16, 2022

HPV, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/11901-hpv-human-papilloma-virus, Accessed August 16, 2022

HPV Infection, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hpv-infection/symptoms-causes/syc-20351596,  Accessed August 16, 2022

HPV (human papillomavirus), https://www.fda.gov/consumers/women/hpv-human-papillomavirus, Accessed August 16, 2022

Kasalukuyang Version

05/25/2023

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Bakuna sa HPV: Mga Dapat Mong Malaman

Gamot Sa HPV: Anu-Ano Ang Maaaring Gamitin Na Gamot?


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement