Ano ang HPV Test? Ang Human Papillomavirus (HPV) ay isa sa mga common sexually transmitted infections sa buong mundo. Ito ang virus na responsable para sa pagdebelop ng abnormal cervical cells. Na kalaunan ay humahantong sa cervical cancer. Ang mga kababaihan, especially ang mga edad na lagpas sa 30, ay inirerekomenda na magkaroon ng isang regular na HPV test. At kadalasang ginagawa ito kasama ng pap-smear (co-testing). Ang pagkakaiba sa pagitan ng HPV test at pap smear ay nakasalalay sa kung ano ang sinusuri sa panahon ng procedure.
Ano ang HPV Test at ang sinusuri nito?
Ang HPV test ay isang screening para sa high-risk strains ng human papillomavirus na maaaring magdulot ng kanser. Ito’y hindi isang test kung ang isang tao ay may cervical cancer. Ang ilang uri ng HPV ay naglalagay sa isang tao sa risk na magkaroon ng kanser. Kaya naman mahalaga ang maagang detection at monitoring.
Ang HPV ay hindi palaging nagiging sanhi ng cervical cancer. Mayroong 100 strains ng virus at karamihan sa mga ito ay hindi humahantong sa mas malubhang kondisyon.
Sa mga kabataang wala pang 30 taong gulang, ang HPV ay pangkaraniwan. At ang pag-screen para sa virus ay kadalasang nakakukuha ng positibong resulta. Gayunpaman, usually hindi ito dahilan para sa pag-aalala. Sapagkat ang immune system ay maaaring alisin ito.
Karamihan sa HPV infections ay nawawala pagkatapos ng isang taon o dalawa. At hindi nagdudulot ng anumang pinsala. Ngunit para sa mga kababaihan na higit sa 30 taong gulang, ang ilang mga strain ng HPV ay maaaring mapanganib. Kung nagpositibo ang isang tao para sa alinman sa mga high-risk strains. Susubaybayan sila at iiskedyul para sa pag-follow up sa kanilang doktor.
Ano ang Sinusuri ng Pap Smear?
Ang Pap Smear, na kilala rin bilang Papanicolaou test, ay isang procedure na ginagawa para suriin kung mayroong anumang abnormal na pagbabago sa cell sa cervix. Sinusuri ng test ang anumang pagbabago sa cells ng cervix na maaaring humantong sa kanser.
Ang abnormal findings ay hindi nangangahulugang na ang tao ay may kanser. Ang pap smear ay maaari ring makakita ng pamamaga at iba pang mga impeksiyon.
Ang Pap Smear ay maaari ring gawin kasama ng pelvic exam. Sa panahon ng pelvic exam, susuriin ng doktor ang mga bahagi ng reproductive system ng pasyente kabilang ang ari, fallopian tubes, at ovaries.
HPV Test vs Pap Smear
Pagdating sa kung paano ginagawa ang procedure, walang gaanong pagkakaiba sa pagitan ng HPV Test kumpara sa Pap Smear.
Hihilingin sa pasyente na humiga sa isang exam table na nakabaluktot ang mga tuhod at magkahiwalay ang mga binti. Ang doktor ay dahan-dahang magdadausdos ng speculum sa ari. Ang speculum ay isang metal o plastik na instrumento na ginagamit upang buksan ang mga walls ng ari.
Ang brush o spatula ay ginagamit para malumanay na kumuha ng ilang sample ng mga cell mula sa cervix. Ang mga cell mula sa cervix ay dadalhin sa laboratoryo para suriin sa ilalim ng mikroskopyo.
Sa Pap Smear, ang mga abnormalidad sa mga cell ng cervix ay sinusuri habang ang HPV Test ay nagsusuri kung ang pasyente ay positibo sa anumang mga strain ng HPV na maaaring magdulot ng cervical cancer.
Additional Diagnostic Test para sa Kababaihan
Ang pagkuha ng Pap Smear vs HPV test ay hindi lamang desisyon na dapat gawin ng babae sa kanilang doktor. Maaari rin nilang pag-usapan ang tungkol sa iba pang mga diagnostic test.
Habang tumatanda ang mga babae, mas malamang na magkaroon sila ng mga sakit sa kanilang reproductive system. Ang pagkuha ng prescribed routine test para sa’yong edad ay maaaring bawasan ang risk na magkaroon ng mga impeksyon at sakit.
Narito ang iba pang mga test na dapat isaalang-alang ng mga kababaihan:
Mammography
Ang low-dose x-ray ay ginagamit para makita ang kanser sa suso. Maaaring matukoy ng mammography ang early and subtle signs ng kanser sa suso bago pa man makaramdam ng anumang bukol o magpakita ang pasyente ng anumang mga palatandaan o sintomas ng sakit.
Ovarian Reserve Test
Isa itong test na sumusuri sa potensyal na bilang ng mga itlog ng isang babae sa kanyang mga ovary.
Sonogram ng pelvic area
Ultrasound imaging ay ginagamit para suriin ang mga abnormalidad sa sinapupunan at fallopian tube. Tinitingnan din ng pagsusuring ito kung ang pasyente ay may polycystic ovarian syndrome (PCOS). Isang karaniwang kondisyon na sanhi ng kawalan ng balanse sa hormones na kung minsan ay humahantong sa pagkabaog.
Test para sa Sexually Transmitted Diseases (STDs)
Kung ang isang babae ay sexually active pinapayuhan na siya ay magkaroon ng full panel STD test kahit isang beses sa isang taon. Maraming mga STD ang hindi nagpapakita ng mga palatandaan at sintomas na nagpapahirap na ma-detect nang maaga. Karaniwang kinabibilangan ng full-panel STD test ang mga pagsusuri para sa chlamydia, gonorrhea, HIV, hepatitis, herpes, at syphilis. Kinukuha ang mga sample ng dugo at ihi para sa mga pagsusuring ito.
Key Takeaways
Ito’y tumatagal ng mga taon o dekada bago ang HPV ay maging dahilan ng kanser. Kaya ang pagkuha ng isang HPV test ay mahalaga para sa early detection. Lalo na para sa mga kababaihan na higit sa edad na 30. Ang isang HPV test ay karaniwang ginagawa kasama ng Pap Smear. Ang mga regular na diagnostic test ay kadalasang nakadepende sa edad at risk factors ng pasyente. Kasama sa mga diagnostic test para sa mga kababaihan ang mammography, sonogram ng pelvic area, ovarian reserve test, at full-panel STD test.
Matuto pa tungkol sa Sekswal na Kalusugan at HPV dito.