Madaling makahawa ang Human Immunodeficiency Virus (HIV). Ngunit nakadepende sa mga senyales at sintomas ng HIV kung gaano ito kabilis na kumalat. Ang paglala ng sakit na ito ay naka-base sa timeline ng mga senyales at sintomas ng HIV.
Mahalaga ang pagiging malay sa timeline ng mga senyales at sintomas ng HIV sapagkat nabibigyan nito ang pasyente ng kaalaman sa mga epekto ng sakit sa partikular ng panahon. Kung mapansin na naging mabilis ang paglala ng iyong karamdaman, kaagad ka ding makatutungo sa iyong doktor para sa karampatang lunas.
Timeline ng mga Senyales at Sintomas ng HIV
Ang timeline ng mga senyales at sintomas ng HIV ay maaaring mag-iba-iba batay sa bawat tao. Sa pangkalahatan, ang timeline ay nahahati sa tatlong yugto. Ito ay ang sumusunod:
- Acute HIV Infection
- Clinical Latency
- AIDS
Narito ang pag-iisa-isa ng mga pangyayari habang lumalala ang sakit:
2-4 na Linggo Pagkatapos ng Impeksyon
Ang yugtong ito, na kilala rin sa tawag na infection stage, ay maaaring may mga sintomas na nagsisimula 2-4 na linggo matapos na maapektuhan ng impeksyon ang isang tao. Ang mga sintomas ay hindi malala at maaaring mapagkamalan lamang bilang trangkaso.
Narito ang ilan sa mga posibleng sintomas sa yugtong ito:
- Lagnat
- Panginginig
- Pamamaga ng lalamunan
- Pananakit ng kalamnan
- Sobrang pagkapagod
Posible rin para sa mga taong apektado ng impeksyon na hindi makaranas ng anumang sintomas. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng HIV testing para matukoy sa mas maagang panahon ang sakit.
Chronic HIV Infection
Ang yugtong ito ay tinatawag ding asymptomatic HIV infection o clinical latency.
Asymptomatic Stage
Pagkatapos mahawaan ng impeksyon, ang mga pasyenteng may HIV ay maaaring humantong sa asymptomatic stage. Ito ay nangangahulugang mayroon na silang HIV ngunit hindi sila talagang nakararanas ng anumang sintomas na maiuugnay sa sakit.
Ang puntong ito ay maaaring magtagal sa loob ng ilang taon. Ang ilan pa nga ay umaabot ng 10-15 taon nang walang nararanasang sintomas.
Gayunpaman, ang virus ay unti-unti nang nagpaparami sa loob ng kanilang katawan. Ito rin ay nangangahulugan na maaari silang makahawa sa pamamagitan ng hindi protektadong pakikipagtalik.
Kung hindi masisimulan ang panggagamot sa yugtong ito, sa paglipas ng panahon, ang impeksyon ay lalala at maaaring magdulot ng mas seryosong problemang pangkalusugan.
Pagsisimula ng Sintomas ng HIV sa Dulo ng Asymptomatic Stage
Sa dulo ng spectrum, iyong mga may chronic HIV infection ay maaaring makaranas ng mga sintomas ng sakit.
Patungo sa huling bahagi ng yugtong ito, ang kanilang immune system ay nasira na. Para naman sa mga hindi nakapagpapagamot, ang viral load ay may tendensiyang tumaas at ang bilang ng selulang CD4 (CD4 cells) ay bababa. Ang mga selulang CD4 ay ang mga puting selula ng dugo (white blood cells), na tinatawag na T-cells. Umiikot ang mga T cells sa buong katawan para hanapin at patayin ang mga impeksyon.
Ang isang tao ay maaaring makaranas ng sintomas habang tumataas ang virus level sa katawan na patungo sa stage 3 o AIDS (Acquired Immunodeficiency Syndrome). Ito ay nangangahulugan na ang kanilang katawan ay wala nang kakayahang labanan ang impeksyon gaya ng dati at ginagawang mas hantad ang katawan sa mga impeksyon. Ang mga sintomas ay nagsisimula sa hindi malala ngunit mabilis na lumalala.
Narito ang ilan sa mga posibleng sintomas ng chronic HIV infection:
- Biglang pagpayat
- Chronic diarrhea
- Lagnat
- Tuloy-tuloy na ubo
- Pamamaga ng bibig at problema sa balat
- Mabilis magkasakit
Napakahalaga para sa mga pasyenteng may chronic HIV infection na uminom ng gamot. Hindi “napagagaling” ng medikasyon ang sakit, ngunit malaki ang maitutulong nito para makontrol ang impeksyon.
Sa katunayan, mas maagang makaiinom ng gamot ang isang tao, mas magiging madaling makontrol ang sakit. Posible pa nga para sa mga may HIV na magkaroon ng sobrang babang viral load, na nangangahulugang hindi sila makapanghahawa.
Gayunpaman, magagawa lamang ito sa pamamagitan ng pananatiling malusog, pagtitiyak na nakakukuha ng tamang medikasyon para sa HIV.
AIDS (Acquired Immunodeficiency Syndrome)
Kung hindi makokontrol ang HIV, at ang immune system ng isang tao ay seryosong naapektuhan, maaari itong humantong sa AIDS.
Kung walang panggagamot, ang mga taong may AIDS ay mabilis na mahahawa ng sakit. Maging ang isang sakit na gaya ng karaniwang sipon ay napatunayang nakamamatay para sa isang taong may AIDS. Gayunpaman, mapamamahalaan pa rin naman ang AIDS. Kung ang gamutan ay naisagawa sa tamang oras, ang mga pasyente ay maaaring bumuti-buti ang kalagayan.
Mas mainam kung hindi na maghintay na ang HIV ay maging AIDS bago pa ito lapatan ng lunas. Ito ay dahil mas madaling makontrol ang HIV kung maaagapan, hindi kagaya ng kapag ang immune system ng isang tao ay labis nang naapektuhan.
Tandaan
Bukod sa pagiging malay tungkol sa timeline ng mga senyales at sintomas ng HIV, mahalaga rin para sa bawat isa na ugaliin ang ligtas na pagtatalik para maiwasan ang hawaan at pagkalat ng sakit. Kumunsulta sa iyong doktor kung pinaghihinalaan mong mayroon kang ganitong kondisyon.
Matuto ng higit pa ukol sa HIV at AIDS dito.