backup og meta

Paano Gumagana Ang Antiretroviral Therapy Para Sa HIV At AIDS?

Paano Gumagana Ang Antiretroviral Therapy Para Sa HIV At AIDS?

Isang global health concern ang pagkalat ng Human Immunodeficiency Virus (HIV). Sa tala nitong 2018, mayroon nang tinatayang 77,000 bata at matanda na ikinukunsiderang nabubuhay na may HIV (PLHIV) sa Pilipinas. Bagaman lumalabas sa mga bagong pag-aaral ang magandang resulta, wala pa ring tiyak na gamutan para sa HIV o AIDS.  Nakatutulong sa pag-manage ng HIV/AIDS ang ilang available treatment gaya ng antiretroviral therapy, ngunit hindi nito kayang tuluyang alisin sa sistema ng katawan ng tao ang virus. Pero paano gumagana ang antiretroviral therapy?

Ang Pagkakaiba Ng HIV At AIDS 

Pinahihina ng HIV ang immune system at ang kakayahan nitong protektahan ang katawan sa mga sakit. Kapag napabayaang hindi ginagamot, dumarami ang virus at pinabababa ang bilang ng CD4 cells ng katawan, na dahilan kung bakit hindi magawang labanan ng katawan ang mga impeksyon at ilang uri ng cancers. Ang tawag sa paglala ng sakit na ito ay Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) na tumutukoy sa pinaka-advance na yugto ng HIV infection. 

Hindi maikukunsiderang may AIDS ang isang taong may HIV maliban na lang kung mas mababa na sa 200 ang bilang ng kanyang CD4 cells. Bagaman walang gamot, isang chronic ngunit manageable na kondisyon ang AIDS. Pareho lamang ang sinusundang paraan ng gamutan ng AIDS at HIV sa Pilipinas, at ito nga ang tinatawag na antiretroviral therapy. 

Paano Gumagana Ang Antiretroviral Therapy?

Ang mga taong may HIV positive results ay pinapayuhang magpagamot sa lalong madaling panahon upang magkaroon sila ng mas magandang tsansang ma-manage ang kanilang kondisyon. Ang antiretroviral therapy (ART) ay gumagamit ng HIV treatment upang pigilan ang virus na magparami sa katawan ng pasyente.

Paano gumagana ang antiretroviral therapy? Kung kontrolado ang viral load sa katawan, makagagawa ng maraming CD4 cells ang immune system. At ito’y magbibigay ng mas magandang tsansang malabanan ang impeksyon at mapanatiling malusog ang katawan. 

Sumusunod ang ART sa personalized treatment plan para sa pasyente batay sa yugto ng impeksyon at iba pang nakaaapektong salik. Kailangang sunding maigi ng mga pasyente ang inirerekomendang HIV medication araw-araw upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpigil sa virus, mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng drug resistance, at maiwasang maipasa pa ang virus sa ibang mga tao. 

Antiretroviral Therapy Drugs

Paano gumagana ang antiretroviral therapy at ano ang iba’t ibang klase ng gamot na ito? Inuuri ang ART drugs batay kung gaano nila kinokontrol ang dami ng HIV sa katawan:

  • Hinaharang ng Nucleoside Reverse Transcriptase Inhibitors (NRTI) ang enzyme upang pigilan ang virus sa kakayahan nitong magparami. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang Lamivudine at Tenofovir. Gamit ang kombinasyon ng NRTIs, puwede ring bawasan ang dosage nang hindi nababawasan ang bisa.
  • Pinipigilan naman ng Non-Nucleoside Reverse Transcriptase Inhibitors (NNRTIs) ang virus na bumuo ng bagong DNA upang gumawa ng bagong virus cells. Mga halimbawa nito ang Efavirenz at Delvaridine. 
  • Ang Protease Inhibitors (PI) ay pumipigil sa bagong virus cells na mag-mature upang hindi na nito magawang dumami at kumalat pa sa ibang cells. Ang Atazanavir at Indinavir ang ilan sa mga halimbawa nito.
  • Pinipigilan naman ng Fusion Inhibitors ang virus na makapasok sa CD4 cells at humalo rito. Ang Enfuvirtide ang isang halimbawa. 
  • Iniiwasan naman ng Integrase Inhibitors ang virus na makapaglagay ng genetic material sa CD4 cells. Kadalasan itong pinagsasama upang ang Elvitegravir at Dolutegravir ay parehong kasama sa isang pill.

Sa ibang mga kaso, inirerekomenda ang highly active antiretroviral therapy (HAART). Sa uri ng gamutang ito, pinagsasama ang paggamit ng ilang mga gamot upang higit na makontrol ang pagkalat ng virus na mahalaga lalo na sa mga taong umabot na sa AIDS ang yugto ng impeksyon.

Ang monitoring ay importanteng bahagi ng kung paaano gumagana ang antiretroviral therapy. Sinusubaybayan ang viral load at dami ng CD4 cells ng mga pasyenteng sumasailalim sa antiretroviral therapy upang masuri ang bisa ng gamutang ito. Napabababa ng epektibong ART ang dami ng viral load hanggang sa hindi na ito makita sa viral load test. Ngunit patuloy pa ring may HIV sa katawan ng pasyente.

Side Effects Ng Antiretroviral Therapy

May ilang mga pasyenteng maaaring makaranas ng side effects mula sa HIV medication. At ito’y nagdudulot ng hamon sa pagkakaroon ng epektibong gamutan. Kabilang sa mga karaniwang side effects ang:

  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Diarrhea (pagtatae)
  • Mga pantal
  • Pagkapagod
  • Kawalan ng ganang kumain
  • Bloating
  • Abdominal pain

May mga mas seryoso ring epekto ang ART. Pag minsan, ito’y nauuwi sa sakit sa puso, atay, at pagkasira ng kidney, o makaapekto sa mental health.

Bagaman posible ang side effects sa paggamit ng ART, mas matimbang naman ang naidudulot nitong benepisyo kaysa sa panganib. Pinalalakas ng antiretroviral treatment ang immune system. At ito ang dahilan kung bakit nagiging mas malakas ang pasyente laban sa mga impeksyon at HIV related cancers. Napabababa rin nito ang panganib ng treatment-resistant HIV at ang pagpapasa ng virus.

Drug Interactions

Kailangan ikonsidera ang drug interactions ng mga pasyenteng gustong kumuha ng medication para sa mga usaping walang kinalaman sa HIV. Mahalagang walang itinatagong medical history, drug use, at ang iba pang salik na maaaring makaapekto sa kalusugan. Makakatulong ito sa mga doktor na makabuo ng tamang antiretroviral therapy at mapalitan ang gamutang nagdudulot ng side effects.

Pagkuha Ng Antiretroviral Therapy 

Noong 2018, naipasa ang Philippine HIV and AIDS Act of 2018 (Republic Act 11166) upang mapigilan ang lumolobong bilang ng kaso ng HIV sa bansa. Kasama rito ang libreng HIV testing para sa mga taong nasa edad 15 pataas. At kasama rin ang access sa prophylactics na nakababawas sa sexual transmission, at prenatal testing para sa HIV.

Nakatutulong din ang batas na ito upang lalong maging accessible ang HIV/AIDS treatment sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nagbibigay ng Outpatient HIV/AIDS Treatment package. Binabawasan nito ang bigat ng gastos ng pagsunod sa antiretroviral therapy na panghabambuhay na gamutan para sa mga taong may HIV. 

Naglagay na rin ang Department of Health ng mga HIV Treatment Hubs at Primary HIV Care Facilities sa buong bansa kung saan puwedeng bumili ang mga pasyenteng may HIV ng gamot para sa ART at makatanggap ng specialized medical support para sa kanilang partikular na kondisyon.

Bago pa maisabatas ang RA 11166, naitala ng World Health Organization na may 36% lamang ng mga Filipino na may HIV ang nakatatanggap ng treatment. 

Mahalagang Tandaan

Paano gumagana ang antiretroviral therapy para sa HIV at AIDS?

Bagaman ang AIDS ay advanced stage na ng HIV, ang antiretroviral therapy ay nagbibigay ng pagkakataong mapanatiling malusog ang katawan. May pag-asa pa ang pasyenteng may AIDS na magkaroon ng masaya at kaiga-igayang buhay. Mahalaga ang maagang pagkakatuklas sa sakit at gamutan para sa HIV upang maiwasang lumala ito at maging AIDS. Ngunit kahit sa mga kaso ng may AIDS, ang tamang treatment ay makatutulong upang gumanda ang kalidad at humaba ang buhay. 

Matuto pa tungkol sa HIV at AIDS dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

AIDS in the Philippines, https://www.unaids.org/en/regionscountries/countries/philippines, Accessed Jan 5, 2020

AIDS treatment, https://www.ucsfhealth.org/conditions/aids/treatment, Accessed Jan 5, 2020

HIV Treatment: The Basics, https://aidsinfo.nih.gov/understanding-hiv-aids/fact-sheets/21/51/hiv-treatment–the-basics, Accessed Jan 5, 2020

HIV/ AIDS Diagnosis and Treatment, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hiv-aids/diagnosis-treatment/drc-20373531, Accessed Jan 5, 2020

Republic Act 11166, https://www.senate.gov.ph/republic_acts/ra%2011166.pdf, Accessed Jan 5, 2020

Updated list of DOH designated HIV treatments hubs and HIV Care Facilities; https://www.aidsdatahub.org/updated-list-doh-designated-hiv-treatment-hubs-and-primary-hiv-care-facilities-department-health, Accessed Jan 5, 2020

Kasalukuyang Version

03/03/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Sex Education sa Pilipinas: Mga Tama at Dapat Baguhin na Paniniwala

Pagkakaiba ng HIV at AIDS: Heto ang Dapat Mong Malaman


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement