Sa tuwing naiisip ng mga tao ang tungkol sa mga STD, kadalasan na naiisip ay ang mga sakit na nakaapekto sa ari. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag na sakit na nakukuha sa pakikipagtalik ang mga ito. Ngunit may ilang mga kaso tulad ng chlamydia sa bibig, kung saan maaaring mahawaan ang bibig at lalamunan.
Magbasa pa upang matuto nang higit pa tungkol sa ganitong uri ng STD. Kung paano nahahawa ang isang tao, paano ginagamot, at kung paano maiiwasan.
Ano ang Oral Chlamydia?
Bago natin pag-usapan ang tungkol sa oral chlamydia, kailangan muna natin pag-usapan kung ano ang chlamydia. Ang chlamydia ay isang STD o sakit na nakukuha sa pakikipagtalik na sanhi ng isang bakterya. Kilala ito sa tawag na Chlamydia trachomatis.
Karaniwang nakakaapekto ang bakterya na ito sa ari, kung saan maaari itong magdulot ng masakit na pag-ihi. Pagkakaroon ng dilaw hanggang dilaw-berdeng discharge mula sa ari ng babae o lalaki at maging masakit na pakikipagtalik. Ang isang tao ay maaari ding magkaroon ng chlamydia at hindi magpakita ng anumang sintomas. Maaari rin itong mangyari para sa oral chlamydia.
Gayunpaman, kung ang isang tao ay nahawaan sa pamamagitan ng pamamaraang bibig, isa sa posibleng sintomas ay namamagang lalamunan.
Paano Nahahawa ang Isang Tao?
Ang hindi protektadong pakikipagtalik sa isang taong may chlamydia ay pangunahing sanhi ng pagkahawa. Sa tuwing ang ari o bibig ng isang tao ay nadikit sa mga nahawaang likido, sila mismo ay maaaring mahawaan ng mismong bakterya.
Sa kaso naman ng oral chlamydia, ang hindi protektadong oral sex naman ang pangunahing sanhi ng impeksyon.
Ang isang pang tanong ng tao ay paano kung mayroon kang impeksyon sa iyong lalamunan? Kung ikaw ay nagkaroon ng oral sex, maipapasa mo ba ang bakterya sa ibang tao?
Ang sagot ay oo, ngunit ito ay bibihira lamang. Mas gusto ng bakterya na nagdudulot ng chlamydia na makahawa sa ari kaysa lalamunan. Kaya mababa ang tyansa na makahawa mula sa bakterya sa lalamunan. Ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi ka na gagamit ng proteksyon.
Hindi rin maipapasa ang oral chlamydia sa pamamagitan ng paghalik, pagbabahagi ng inumin o maging mga kagamitan.
Paano mo ito Gagamutin?
Kung ikaw ay nakakaranas ng pananakit o tuyong lalamunan, lagnat at pag-ubo matapos ang oral sex, mabuting magpasuri kaagad. Ang karaniwang paraan ng pagsusuri para sa oral chlamydia ay swab test. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung mayroon kang oral chlamydia o wala; kung mayroon man, kailangan mo itong gamutin kaagad. Maigi rin na magpasuri para sa STD kung nagkaroon ng hindi protektadong pakikipagtalik.
Ang panggamot para sa oral chlamydia ay kapareho ng iba pang anyo ng chlamydia. Nagrereseta ng mga antibiotic ang doktor upang labanan ang bacterial infection. Ang mga antibiotic na ito ay reseta lamang, at hindi mo dapat subukang gawing sariling gamutan lalo na sa mga antibiotic.
Siguraduhing mahigpit na sundin ang reseta ng iyong doktor, at huwag baguhin ang mga dosis o dalas ng gamot. Sa ganitong paraan, binibigyan mo ang iyong sarili ng pinakamahusay na pagkakataon na gamutin ang sakit na ito. Iwasan din ang pakikipagtalik habang ikaw ay sumasailalim sa panggagamot.
Ano ang mga Maaari mong Gawin upang Maiwasan Ito?
Ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang oral chlamydia, at chlamydia sa pangkalahatan, ay ang pagsasanay ng ligtas na pakikipagtalik. Nangangahulugan ito ng paggamit ng condom sa panahon ng vaginal o anal sex, at paggamit ng dental dam sa panahon ng oral sex.
Ang ilang mga tao ay maaaring hindi kumportable sa paggamit ng mga produktong ito, ngunit ito ay mas maigi kaysa sa ilagay ang iyong sarili sa panganib para sa mga STD, lalo na kung marami kang nakakatalik na mga tao.
Ang mga produktong ito ay hindi lamang nagpoprotekta mula sa chlamydia, kundi pati na rin sa iba pang mga STD tulad ng HIV, herpes, syphilis, o kahit gonorrhea. Kaya siguraduhing laging magsuot ng proteksyon.
Matuto pa tungkol sa Chlamydia dito.