Para sa karamihan sa atin, ang pakikipagrelasyon ay pagkakaroon ng matalik na ugnayan sa isang tao. Bagama’t hindi lahat ng mga relasyon ay nagtatagal nang panghabambuhay, ginagawa pa rin natin ang lahat ng ating makakaya upang magkaroon ng isang karelasyon sa isang pagkakataon. Gayunpaman, may ilang sinisimulan nang tanggapin ang ideya na ang pagkakaroon ng isang karelasyon o ang pagiging monogamist ay hindi para sa kanila. Subalit paano tiyak na nabuo ang konseptong ito? Ano ang polyamory o polyamorist? Ano ang monogamist? Paano mo malalaman kung ikaw ay polyamorist o monogamist? Sa artikulong ito, alamin ang mga kasagutan sa mga katanungang ito.
Ano Ang Monogamist?
Ano ang monogamist? Ang monogamist ay isang taong nagsasagawa ng monogamy. Ibig sabihin, isa lamang ang kanyang pinakasalan o karelasyon sa isang pagkakataon. Isa sa mga benepisyo ng monogamy ay hinahayaan nito ang mga magkarelasyon na alagaan nang mas mabuti ang kanilang mga anak. Ang pagkakaroon ng parehong mga magulang ay nangangahulugang mas napoprotektahan ang mga anak, at naibibigay ang kanilang mga pangangailangan.
Sa pamamagitan ng monogamy, nakararamdam ng seguridad ang isang tao sa kanyang relasyon, bagama’t syempre nangyayari pa rin ang pagtataksil at panloloko. Ito rin ang dahilan kung bakit nagpapakasal ang ibang tao, upang mapatatag ang relasyon ng mag-asawa.
Ang monogamy ay umiiral din sa mga mundo ng mga hayop. Ang ilang mga ibon at mammals ay mayroon lamang isang karelasyon. Gayunpaman, kumpara sa mga tao, bihira ang monogamy sa mga hayop.
Ang mga tao ay hindi laging may monogamous na mga relasyon. Sa katunayan, mayroon pa ring ilang mga kulturang nagsasagawa ng polyamory. Ayon sa isang pananaliksik, natuklasan na sa mga lugar na kakaunti ang bilang ng mga kababaihan, ang mga kalalakihan ay nagiging mas monogamist. Sa kabilang banda, sa mga lugar kung saan marami ang mga kababaihan, ang mga kalalakihan ay nagiging polyamorist.
Ano ang Polyamory: ang Polyamorist?
Ano ang polyamorist? Ang pagiging polyamorist ay nangangahulugang ang isang tao ay may matalik na relasyon sa maraming mga tao. Ito ay hindi lamang nangangahulugang pagsiping o pakikipagtalik sa maraming karelasyon. Ang polyamory ay pakikipagtalik at pagkakaroon ng romantikong relasyon sa maraming tao.
Bagama’t ang konseptong ito ay nananatiling kakaiba sa modernong panahon, parami nang parami ang mga taong nagiging bukas sa kung ano ang polyamorist, o aktibong nagsasagawa ng polyamory. Sinasabi ring ang mga taong kabilang sa ganitong uri ng relasyon ay nakaramdam ng parehong kasiyahan, pagmamahal, at relasyon na tulad ng sa monogamy.
Ang mga relasyong polyamorous ay maaaring maging mabuti, taliwas sa pinaniniwalaan ng iba. Ang polyamorists ay nakararamdam din ng seguridad sa kanilang relasyon, tulad ng mga monogamists. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ganitong uri ng relasyon ay hindi angkop sa lahat.
May ibang mga taong hindi kabilang sa monogamy, kaya’t sinusubukan nilang alamin kung ano ang polyamory. At marahil ay mapagtatanto nilang hindi ito angkop sa kanila. Gayundin naman, ang ilang polyamorists ay maaaring subukan ang pagiging monogamist. Subalit napagtatanto rin nilang hindi ito bagay sa kanila.
Key Takeaways
Sa huli, mahalagang tandaan na ang bawat isa sa atin ay magkakaiba. Ito ay lubos na totoo sa usapin ng ating mga personal na relasyon. May ibang naniniwalang mas angkop sa kanilang paraan ng pamumuhay ang monogamy. Habang may iba namang mas nais ang polyamory. Anuman ang iyong pinili, dapat mo ring isaalang-alang ang nararamdaman ng iba. Ang pagpilit ng relasyong polyamorous sa taong hindi bukas ang isipan sa konseptong ito ay maaaring makasira ng mga relasyon, gayundin sa monogamy. Kaya mahalaga ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa isang relasyon. Gayundin ang pagiging tiyak sa nais mangyari sa inyong relasyon. Matuto pa tungkol sa Sexual Wellness dito.
[embed-health-tool-bmi]