Bilang mga magulang, ang tanging hangad natin ay para sa ikabubuti ng ating mga anak, lalo na para sa maganda at masaganang kinabukasan. Gayunpaman, alam natin na hindi tayo laging nasa kanilang tabi. Kaya naman, mahalagang turuan sila kung paano alagaan ang kanilang sarili. Kabilang dito ang mga kasanayan na kakailanganin nila sa sandaling mamuhay na sila ng sarili. Isa na dito ang kung paano turuan mag-ipon ang bata.
Paano turuan mag-ipon ang bata: Tungkol sa Pananalapi
Una: ituro sa kanila na ang pera ay hindi lamang para sa paggastos at ang pag-iipon ay mahalaga rin. Turuan sila at hikayatin na maging marunong sa pananalapi habang bata pa sa pamamagitan ng tips na ito:
Ituro ang pagkakaiba ng wants at needs
Ang mga gusto o “wants” ay mga bagay na interesado ang isang tao, hinahangad, o gustong maging pag-aari. Pero ang mga ito ay hindi naman nila palaging kailangan. Ang “needs” naman o mga pangangailangan ay mga mahahalagang bagay na kailangan ng tao para mabuhay. Maaaring makatulong sa kanila na malaman ang pagkakaiba ng dalawang ito. At turuan din magpasya kung kailangan nga ba ng paggastos o hindi. Ituro sa iyong anak ang mga konseptong ito at magbigay ng mga halimbawang madaling maunawaan nila: ang mga karagdagang laruan ay kabilang sa “mga gusto” habang ang pagkain ay “mga pangangailangan.”
Bigyan sila ng tools
Hindi mahalaga kung ₱5 lang bawat linggo o piso araw-araw. Ang mahalaga ay naitanim mo sa kanila ang ugali ng pag-iipon. Bilhan ang iyong anak ng sarili niyang money bank o at turuan sila kung paano ito gamitin.
Ang isa pang maaaring gawin ay magbukas ng bank account para sa kanila. Tingnan ang mga mapagpipilian na savings account para sa iyong anak.
Maging modelo sa kanila
Palaging titingin sa iyo at oobserbahan ka ng iyong anak kung paano mo ginagawa ang mga bagay. Lagi ka ba nilang nakikitang bumibili ng isang bagay at hindi mo pa rin ginagamit? O sa halip ay bumibili ka ba ng magagandang secondhand na mga item para makatipid ng kaunti? Ang mga gawi mo sa pera ay isa ring uri ng edukasyon para sa iyong mga anak kaya siguraduhing kumilos bilang isang karapat-dapat na huwaran para sa kanila.
Hayaang maranasan nila na kumita ng sarili nilang pera
Yes, puede mo namang bigyan na lang ng pera ang iyong anak. Pero ang pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na kumita ng pera ay magtuturo sa kanya ng higit tungkol sa pagsusumikap at halaga ng bawat piso. Maaari siyang magsimulang gumawa ng cupcake at tulungan mo siyang ibenta ang mga ito sa iyong mga kapitbahay. Pwede rin ang mga items na maaari niyang ibenta online. Kapag ang mga maliliit na batang ito ay nagsisikap na “kumita” ng pera, mas mahihikayat silang gumamit ng pera nang matalino—at sa halip ay pipiliin nilang mag-save.
Gumamit ng games para maging creative kung paano turuan mag-ipon ang bata
Mayroong ilang mga laro na nagtuturo ng halaga ng pag-save ng pera. Hindi lamang sila pang-edukasyon, ngunit ginagawa din nilang mas masaya ang buong konsepto. Ang board game na Monopoly ay nagtuturo sa mga bata na magtipid at kung kailan gagastos. Maaari ka ring gumawa ng mga kunwaring laro, gaya ng pagma-manage ng grocery kung saan sangkot ang felt money.
Turuan sila kung paano maglista ng kanilang mga gastos
Kung marunong nang sumulat ang iyong anak, heto ang isa pang paraan kung paano turuan mag-ipon ang bata. Sa isang maliit na kwaderno, turuan siyang isulat niya ang lahat ng kanilang mga gastusin, gaano man kaliit. Sa pamamagitan ng paggawa niya ng spending tracker habang bata pa, madali niyang maipagpapatuloy ang kasanayang ito habang tumatanda siya. Mahusay ang spending tracker kung gusto mong makita kung saan napupunta ang lahat ng iyong pera at i-assess kung mas makakatipid ka sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga gastos.
Magkaroon ng open communication tungkol sa pera at pag-iipon
Hindi ibig sabihin na bata pa sila ay hindi dapat pag-usapan ang mga usapin ng pera sa kanila. Ipaalam sa iyong anak na kung mayroon silang mga tanong tungkol dito, maaari silang lumapit sa iyo para sa payo. Ito ay lalong kapaki-pakinabang kapag nagsimula silang kumita ng sarili nila at nangangailangan ng ilang gabay sa kung paano maayos na mag-budget at makatipid.
Ang kwentong ito ay orihinal na lumabas sa Edamama at muling ginamit nang may pahintulot:
https://www.edamama.ph/discover/play-learn/teach-your-kid-money-saving-habits
[embed-health-tool-bmi]