Bilang magulang ng isang bata, naranasan mo na marahil ang pagta-tantrums gaya ng paghahampas ng mga braso, pag-iiyak, at pagsisigaw. Maaaring nag-ta-tantrums ang bata upang ipahayag ang kanilang saloobin. Isa sa paraan nila ng pagpapahayag ng galit, pagkabigo, o pagkabagot ay ang inuuntog ang kanilang ulo. Karaniwan lamang ang batang inuuntog ang ulo. Dalawa sa sampung malulusog na bata na nasa pagitan ng edad na 6 buwan at 4 taong gulang ay inuuntog ang kanilang ulo. Alamin ang mga sanhi ng pag-uuntog ng ulo ng mga bata.
Mga Sanhi ng Batang Inuuntog ang Ulo
Ang posibleng sanhi ng batang inuuntog ang ulo ay ang sariling pagpapakalma upang aliwin ang kaniyang sarili. Ang pag-uuntog ng ulo ay maaaring tumagal ng 15 minuto hanggang mahigit sa isang oras. Narito ang ilang sanhi ng pag-uuntog ng ulo ng isang bata:
Para pakalmahin ang sarili
Bagama’t tila kakaiba ito, maraming batang inuuntog ang ulo bilang isang paraan upang makapag-relax. Inuuntog ng bata ang kanilang ulo sa iba’t ibang sitwasyon: kapag inaantok, habang sila ay natutulog, o sa kalagitnaan ng gabi kapag sila ay aksidenteng nagising. Nagpapatuloy ang pag-uuntog ng ulo sa rhythmic na pormat at nararamdaman ng bata na siya ay pinapakalma nito tulad ng paghehele mo o ng iyong asawa sa kanya.
Para maibsan ang sakit
Ang mga bata ay karaniwang inuuntog ang ulo upang maibsan ang sakit. Maaaring dahilan ng pananakit ay ang pagngingipin, impeksyon sa tainga, o anumang iba pang sanhi. Para sa mga bata, mas madali ang sakit sa ulo kaysa sa kasalukuyang sakit na kanilang nararamdaman mula sa impeksyon.
Para ilabas ang galit
Kung iyong oobserbahan ang pag-uugali ng iyong anak kapag siya ay galit o nabigo, maaari mong mapagtanto na sinusubukan lamang ng iyong anak na ipahayag ang kanyang matinding emosyon ng galit at pagkabigo. Hindi alam ng mga bata kung paano ipahahayag ang kanilang saloobin at nararamdaman sa pamamagitan ng salita. Samakatuwid, ang pisikal na kilos lamang ang pinipili nilang paraan ng pagpapahayag.
Para makakuha ng atensyon
Madalas, inuuntog ng bata ang kanilang ulo para makakuha ng atensyon mula sa iba. Sapat ang talinong taglay ng mga bata upang malaman nilang ang ganitong uri ng self-destructive na pag-uugali ay makatutulong upang maging epektibo ang pagkuha nila ng atensyon.
Iba pang mga sanhi
Bukod sa mga nasabing sanhi ng pag-uuntog ng ulo ng bata, maaaring sanhi rin ang mga problema sa developmental milestones ng bata. Ito ay maaaring pahiwatig ng autism o ilang mga developmental disorders.
Magiging problema ang pag-uuntog ng ulo ng isang bata kung patuloy itong ginagawa kahit siya ay nasasaktan na. Kung sa palagay mo ay lumalala ang pag-uuntog ng ulo ng iyong anak at nag-aalala ka tungkol dito, kumonsulta kaagad sa pediatrician. Bagama’t bihira lamang, itinuturing na senyales ang pag-uuntog ng ulo, ng autism o iba pang developmental disorder.
Ang batang may autism ay kakikitaan ng sumusunod:
- May posibilidad na problema pagdating sa sosyal na ugnayan.
- Walang interes sa pisikal na ugnayan kahit sa kaniyang mga magulang.
- Pagbaba ng mga pisikal na kakayahan tulad ng pagsasalita, pagbabasa o pagkatuto.
- Pagiging mahiyain at introvert.
- Pagpapakita ng antala sa development sa panahon ng pagkabata.
Key Takeaways
Kung nag-aalala ka tungkol sa pag-uuntog ng ulo ng iyong anak, huwag mag-atubiling kumonsulta sa doktor. Makatutulong ang pagkuha ng bidyo ng pag-uugali ng iyong anak upang may maipakita sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Toddler at Preschooler Growth at Development dito.