Karamihan sa mga magkakapatid ay may 2 hanggang 3 taon agwat. Ang pagitang ito ay sapat na upang magkaroon ng malapit na relasyon, subalit kulang upang magkaroon ng seniority. Ngunit paano ang magkapatid na malaki ang agwat, tulad ng 5 taon o higit pa? Sa artikulong ito, alamin ang mga benepisyo at hamon sa pagpapalaki ng magkapatid na malaki ang agwat.
Mayroon Nga Bang “Pinakaangkop” Na Agwat Ng Edad Sa Mga Magkakapatid?
Sa pagpaplano ng pamilya, madalas iisipin ng mga magulang ang tungkol sa agwat ng kanilang mga anak.
Gusto ng ilang magkaroon kaagad ng mga anak nang mas maaga, kaya maikli ang kanilang interpregnancy interval. Gusto naman ng iba na bigyan ng lubos na atensyon ang kanilang bawat anak, kaya sinisikap nila malaki ang agwat ng edad ng mga ito.
Ngunit, mayroon nga ba talagang “pinakamahusay” na agwat ng edad sa mga magkakapatid?
Kung naghahanap ka ng one-size-fits-all na sagot, wala talagang tiyak na sagot. Ang pinakamagandang agwat ng edad ay nakasalalay sa maraming mga bagay:
- Ayos ba sa pisikal at mental na aspeto ng ina na siya ay muling magbuntis?
- Handa ba sa aspetong pampinansyal at emosyonal para sa isa pang sanggol ang mga magulang?
- Ano ang kanilang kagustuhan pagdating sa agwat ng kanilang mga anak?
Sa isang ulat na pinamagatang, Effect of interpregnancy interval on birth outcomes: findings from three recent US studies, natuklasan sa tatlong pag-aaral na ang mga bata ay dapat may 18 hanggang 23 buwan na pagitan. Ito ay dahil ang agwat na ito ay kung kailan ang pagkakaroon ng mga masasamang resulta sa panganaganak ay nasa pinakamababa. Sa isa pang pananaliksik na may pamagat na, Birth spacing and risk of adverse perinatal outcomes: a meta-analysis, binanggit na ang tyansa ng masamang resulta ng perinatal ay tumataas kung ang agwat ay mas maikli sa 18 buwan o mas matagal kaysa sa 59 na buwan. Gayunpaman, ang mga ito ay mga ulat na ito ay nakatuon sa mga resulta ng kapanganakan at dapat ding isaalang-alang ang kahandaan at kagustuhan ng mga magulang.
Posibleng Benepisyo Ng Pagpapalaki Ng Magkapatid Na Malaki Ang Agwat
Mayroon bang benepisyo ang pagpapalaki ng magkapatid na malaki ang agwat? Narito ang mga kasagutan:
Dagdag Na Oras Upang Makapagpahinga
Isipin ang isang magulang na may 3 anak: 1 taon, 2 taon, at 3 taong gulang. Ang isa ay nangangailangan ng palagiang pagpapalit ng lampin, ang isa ay maaaring nasa ilalim pa rin ng potty training, at ang pinakamatanda ay marahil nangangailangan pa rin ng tulong sa paggamit ng banyo. Paano kung kailan sabay-sabay na kailanganin ng tatlong batang ito ang kanilang ina o ama? Tiyak na ito ay nakapapagod.
Kapag ang magkapatid ay may mas malaking agwat sa edad, ang pinakamatanda ay kadalasang nakapaglalaro nang may kaunting pagbabantay lamang, habang inaasikaso ang nanay o tatay ang pangangailangan ng kanilang sanggol na anak.
Maraming One-On-One Na Oras Sa Mas Batang Anak
Isa pang benepisyo ng pagpapalaki ng magkapatid na may malaking agwat ay ang kakayahang magkaroon ng marami pang one-on-one na oras kasama ang mas batang anak.
Kung nag-aaral nna ang panganay na anak, maaaring magpokus ang mga magulang sa kanilang mas batang anak. Maaari silang mas makipaglaro at gumawa ng mga bagay na susuporta sa paglaki at pag-unlad ng kanilang bunsong anak.
Maliit Na Tyansa Ng Pagseselos
Ayon sa mga eksperto, karaniwan ang selos sa pagitan ng magkakapatid. Maaari itong magsimula sa pagdating ng bagong sanggol at magpapatuloy hanggang sa paglaki nila.
Kung ang magkapatid ay may malaking agwat, maaaring lumiit ang tyansa ng pagseselos. Ito ay dahil ang panganay na kapatid ay maaaring nasa sapat na gulang na upang maunawaang normal sa mga pamilya ang magkaroon ng higit sa isang anak. Sa katunayan, sa pamamagitan ng pagtitiyaga at paggabay, maaaring makatulong ang nakatatandang anak sa pag-aalaga sa sanggol.
Dagdag pa rito, kung ang mga bata ay mas magkalayo ang edad, mas mababa ang tyansang makaramdam sila ng kompetisyon sa isa’t isa.
Mga Posibleng Hamon Sa Pagpapalaki Ng Magkapatid Na May Malaking Agwat
Kung may mga benepisyo sa pagpapalaki ng magkapatid na may malaking agwat, mayroon din itong mga hamon.
Una, maaaring kailanganin mong muling matutuhan ang ilang baby skills na maaaring nakalimutan na. Kabilang dito ang pagpapaligo sa sanggol o pagpapalit ng lampin. At tulad ng nabanggit kanina, ang agwat na higit sa 59 na buwan ay maaaring maiugnay sa mga masasamang resulta.
At sa huli, ang magkapatid na may malaking agwat ay maaaring hindi maging malapit sa isa’t isa hanggang sa sila ay medyo mas matanda na.
Key Takeaways
Ang pagpapalaki ng magkapatid na may malaking agwat ay parehong may mga benepisyo at hamon. Kaya naman, pinakamainam na isaalang-alang ang mga mahahalagang bagay, tulad ng pisikal na kakayahan ng ina na muling manganak, mental, emosyonal, at pinansyal na kahandaan, pati na rin ang mga kagustuhan. Syempre, ang ama at ang mga kapatid, kung mayroon man, ay dapat ding isaalang-alang.
Matuto nang higit pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.