Walang duda na malaking bahagi ng buhay ng mga Pilipinong mag-aaral ang panonood ng telebisyon. Gayunpaman, dalawang oras lamang ng screen time bawat araw ang inirerekomenda ng American Association of Pediatrics para sa mga batang mahigit sa dalawang taon na ang edad.
Pakitandaan na ang artikulong ito ay para lamang sa mga magulang ng mga batang nag-aaral na, lalo na sa mga nasa grade school. Ang tinutukoy rin nating mga pantelebisyong palabas ay yaong may educational content.
Ang mga sumusunod ay mga mabuting epekto ng TV sa bata:
Mabuting Epekto ng TV sa Bata
Nagsusulong ng pagkatuto at saya ang telebisyon
Pwedeng manood ang mga mag-aaral ng educational at informative programs na makadaragdag sa kanilang pagkatuto. Bukod dyan, nagbibigay rin ito sa kanila ng kawili-wiling pahinga paminsan-minsan.
Ayon sa isang pag-aaral na may pamagat na “Impact of Television on the Language Development of Young Children”, binanggit ng mga mananaliksik na ang mga batang nakapapanood ng ilang programang pantelebisyon ay mas mahusay na nakaaalala ng mga letra sa alpabeto. Bukod dito, nagagawa rin nilang sabihin ang magkakaugnay na kuwento habang sinusubukang magbasa. May isa pang pag-aaral na nagsabing ang mga batang nanood ng isang partikular na palabas sa telebisyon ay may magandang vocabulary scores.
Isa sa mabuting epekto ng TV sa bata ay nagagawa nitong ilahad ang karamihan sa mga aralin sa masaya at kawili-wiling paraan na nagugustuhan ng mga bata.
Nagsusulong din ito ng values education
Bukod sa pagkatuto ng mga letra, numero, at hugis, alam mo bang ginagaya rin ng mga bata ang “prosocial” na pag-uugali mula sa panonood ng piling mga programang pantelebisyon?
Ang prosocial na pag-uugali ay tumutukoy sa damdamin at mga pagkilos na may layuning tumulong sa iba. Ang mga batang may prosocial na pag-uugali ay nagpapakita ng pag-aalala para sa kapakanan, nararamdaman, at karapatan ng ibang tao.
Binanggit sa isa pang pag-aaral na kayang ilapat ng isang bata ang kanyang natutunan mula sa panonood ng prosocial na programang pantelebisyon sa tunay na buhay.
Maaari silang makakuha ng ilang self-regulation habits
Isa pang mabuting epekto ng TV sa bata ay nakakukuha sila ng self-regulation habits mula sa mga tauhan ng palabas.
Tumutukoy ang self-regulation sa kakayahan ng tao na tingnan at kontrolin ang mga emosyon, nararamdaman, iniisip, at ikinikilos niya ayon sa hinihingi ng sitwasyon.
Halimbawa, sa isang educational TV show na nagtatampok sa tauhang nahihirapan sa paglutas ng math problem, hindi lamang ito nagtuturo sa mga bata kung paano sosolusyunan ang problema sa math, ipinapakita rin dito ang mga positibong pag-uugali gaya ng pagiging kalmado, paghingi ng tulong, at pagbibigay tuon sa gawain.
Tips para sa good viewing habits
Ngayong natutunan na natin ang ilan sa mabuting epekto ng TV sa bata, pag-usapan naman natin ang pagtatakda ng good viewing habits.
Mahalaga ang good viewing habits dahil may negatibong epekto sa pag-unlad ng bata ang sobra at hindi naaangkop na screen time.
Upang lubos na makuha ang mabubuting epekto ng panonood ng telebisyon, inirerekomenda ng mga eksperto ang mga sumusunod:
Sundin ang inirerekomendang screen time
Gustuhin mo mang samantalahin ng iyong anak ang mga benepisyo ng panonood ng telebisyon, huwag kalimutang sundin ang inirekomendanmg screen time.
Pwedeng makaapekto ang sobrang screen time sa development ng utak, makapagdulot ng eyestrain, at makapagpataas ng panganib ng obesity dahil sa kakulangan sa pisikal na aktibidad.