Bagaman magkakaiba ang milestones sa unang taon ng isang sanggol, may ilang tiyak na guidelines na pwedeng tingnan ng magulang upang malaman kung nakakasabay ba ang kanyang anak.
Ang mga guidelines na ito na nakabatay sa tipikal na growth at development ng karamihan sa mga bata ay makatutulong sa magulang upang masukat kung naaabot ba ng kanilang anak ang milestones nito sa tamang panahon. Kung nahuhuli sila, makatutulong ito sa mga magulang na humingi ng medical guidance na kailangan ng kanilang anak upang makahabol.
Itinala namin dito ang mga dapat asahan sa unang taon ng iyong anak.
Development Milestones Sa Unang Taon Ng Iyong Anak
Ang developmental milestones ay ang physical skills at behavior na ipinapakita ng mga sanggol at bata habang lumalaki sila buwan-buwan.
Magkakaiba ang milestones na ito sa bawat saklaw na edad, at kabilang dito ang paggapang, pagngiti, pagkaway, paggulong, pagbaliktad, paglalakad, pagtalon, at pagsasalita. Tumutukoy ito sa anumang nagpapakita kung paano sila magsalita, matuto, kumilos, maglaro at gumalaw.
Nagsisilbing gabay o checklists ang developmental milestones. Para sa bawat milestone sa unang taon ng sanggol, mayroon itong normal range. Hangga’t nasa normal range ang iyong anak, wala kang dapat ikataranta o ipangamba.
Ginagawa ang monthly wellness visit sa pediatrician upang masubaybayan ang milestones sa unang taon ng sanggol. Kung mayroon kang concerns, pinakamainam na kausapin ang pediatrician ng iyong anak upang malaman kung may dapat ka bang ipag-alala.
Lumalabas sa pag-aaral na kung mas maagang mabibigyan ng intervention ang delayed development milestones, mas maganda rin ang kalalabasan nito. Kabilang dito ang speech therapy at physical therapy.
Ano ngayon ang developmental milestones na dapat bantayan ng mga magulang sa bawat buwan?
Milestones Sa Unang Taon Ng Sanggol
Napakaraming dapat bantayan ng magulang sa milestones sa unang taon ng sanggol. Sa unang taon, matututo na ang iyong sanggol na patuloy na tumuklas, kaya’t kailangan mo palaging magtuon ng pansin dito.
Matututunan din ng iyong anak na magtuon ng kanyang paningin sa mga bagay at makita ito sa unang pagkakataon. Matututunan na rin niyang abutin ang mga bagay sa kanyang paligid, kaya’t tiyaking nasa ligtas na lugar at hindi maaabot ang mga bagay na pwedeng aksidenteng masubo o malulon niya.
Nasa proseso na rin ng pag-unlad ang cognitive development ng iyong anak. Dito, matututunan niyang tandaan ang mga bagay, magsalita, mag-isip, at magdahilan. Natututunan na rin ng iyong anak ang kaugnayan ng tiwala at pagmamahal para sa kanyang social at emotional development.
Nagsisilbing halimbawa rin para sa iyong anak ang playtime, cuddle time, at pagyakap sa kanya kung paano siya makikisalamuha sa iba sa hinaharap.
Bagong Silang Na Sanggol
Nagagawa lamang sabihin ng isang bagong silang na sanggol ang kanyang kailangan sa pamamagitan ng pag-iyak. Natutulog man ang iyong anak, nagugutom, naiirita dahil sa punong diaper, o masama ang pakiramdam, ang tanging paraan upang maipaalam niya ito sa iyo ay sa pamamagitan ng pag-iyak.
1 Buwan
Sa unang buwan pagkapanganak, nakakakita na ang iyong sanggol sa malapitan. Nakakakita na rin siya ng mga kulay, ngunit tanging itim at puti lamang at matingkad na pula. Hindi pa niya kayang sundan ng tingin ang mga gumagalaw na bagay dahil nakakakita lang siya sa malapitan. Ngunit mapapansin mong kaya niyang tumitig sa iyo nang matagal kapag malapit ang mukha mo sa kanya.
Ang startle reflex (Moro reflex) ay makikita pa rin sa edad na ito, ngunit magsisimula nang mawala. Ang startle reflex ay kanyang reaksyon kapag nakaririnig ng malakas na ingay o kung pakiramdam niya ay nahuhulog siya pabalik. Iniuunat niya ang kanyang mga braso at binti. Normal itong mawawala pagdating niya sa edad na dalawa hanggang tatlong buwan.
2 Buwan
Kabilang sa milestones sa ikalawang buwan ng unang taon ng iyong sanggol ay ang kakayahang makarinig nang lubos. Maaaring magsimula na siyang tumugon o mag-react sa mga pamilyar na tunog at kaya nang makatukoy ng matamis na amoy. Matututunan na rin niyang ngumiti tuwing makakakita ng pamilyar na mukha at gumawa ng mga ingay na makatatawag ng iyong pansin. Mahalagang matumbasan mo ito ng tugon dahil makatutulong ito sa pag-unlad ng kanyang language reception at expression sa mga susunod na buwan.
3 Buwan
Kaya na ngayong buhatin ng iyong sanggol ang kanyang ulo kapag nakaupo, ngunit maaaring lumaylay pa rin ito paharap dahil hindi pa gaanong matibay ang buto niya sa leeg. Matutukoy na rin niya kung saan nanggagaling ang tunog na kanyang naririnig at igalaw ang kanyang ulo patungo rito.
Isa sa mga dapat abangan sa ikatlong buwan ng sanggol ang pagsigaw, pagsasalitang hindi pa maintindihan, at pagtawa. Susubukan niya na ring makipag-usap sa iyo kapag kinausap mo siya. Nagsisimula na rin ang facial recognition sa buwang ito, at magsisimula na siyang makipaglaro sa iyo at makipag-ugnayan kapag nakakita siya ng mga pamilyar na mukha.
4 Buwan
Magsisimula na ang iyong anak na gumawa ng mini push ups sa ikaapat na buwan, dahil kaya na niyang umikot mula sa kanyang likod papunta sa gilid. Kaya na rin niyang hawakan ang mga bagay. Kaya na rin niyang buhatin ang sariling bigat gamit ang mga paa, at buhatin ang kanyang ulo nang tuloy-tuloy.
Para sa ilang sanggol, maaari na silang tubuan ng ngipin, at nagsisimula na rin silang manggaya ng tunog.
5 Buwan
Sa kanyang ikalimang buwan, magsisimula na ang iyong sanggol na umikot sa magkabilang side, at gumapang. Maglalaro na rin siya gamit ang kanyang mga kamay at paa. Kaya na rin niyang ilipat ang mga bagay mula sa isang kamay papunta sa kabila.