Ngayong isang buwan na mula nang ipanganak ang iyong sanggol, narito ang ilang mga bagay na dapat mong tandaan. Asahan na ang marami pang nakasasabik na mga pagbabago ngayong ikaapat na linggo ng growth spurt ng sanggol.
Paglaki Ng Iyong Sanggol
Growth Spurt Ng Sanggol Sa Ika-4 Na Linggo
Marami kang aasahang pagbabago sa growth spurt ng sanggol sa ika-4 na linggo. Maaaring ang paglaki ng iyong sanggol sa darating na ilang buwan ay hindi regular o hindi madaling mahulaan. Gayunpaman, ang average na pagdagdag ng timbang sa mga unang buwan ay naglalaro sa 4-7 ounces bawat linggo. Kung pinadedede ng formulated milk ang iyong sanggol, mas magiging mabigat siya kumpara kung breastfed.
Pagdating naman sa height, maaaring mas mahaba na sila ng isang inch kumpara noong ipinanganak sila. Nagkakaiba-iba ito depende sa kaso, kaya naman ito ang dahilan kung bakit sinusukat ng mga doktor ang mga sanggol batay sa kanilang sariling growth curve. Ang growth curve na ito ay nakadepende sa kung gaano na katanda, kahaba, at kabigat noong sila ay ipanganak.
Developmental Milestones
Isang malaking milestone ang communication sa linggong ito. Sa growth spurt ng sanggol sa ika-4 na linggo, mapapansin mo ang magkakaibang klase ng kanyang pag-iyak para sa magkakaibang pangangailangan. Matutulungan ka nitong matukoy kung ano ang nais na sabihin sa iyo ng sanggol — kung gutom ba siya, hindi komportable, o basa na ang kanyang diaper.
Higit pa rito, maaari ding magsimulang magulat ang sanggol nang dahil sa malakas na tunog at maging tahimik o magsimulang umiyak kapag nakakarinig sila ng anumang maingay.
Maaari na ring magsimulang ngumiti o magsalita (murmur) ang iyong sanggol ngayong nasa ikaapat na linggo pa lang siya. Sa ngayon, nakikipag-usap sa iyo ang sanggol sa pamamagitan ng pag-iyak at isa itong hamon sa bawat magulang kung paano nila maiintindihan ang gustong sabihin ng kanilang anak.
Ngayong ikaapat na linggo, dapat na nagagawa nang magpokus ng iyong bagong silang na sanggol sa mga bagay nang matagal. Hinihikayat ng mga eksperto na paligiran ng mga tao ang sanggol upang makapagpokus ito sa kanilang mga mukha.
Pagpapakain At Nutrisyon
Paiba-iba rin ang pagpapakain sa sanggol tulad rin ng kanyang paglaki. Dahil sa growth spurt ng sanggol sa ikaapat na linggo, maaari siyang magutom nang mas madalas.
Schedule Ng Pagpapakain Sa Sanggol
Karamihan sa mga sitwasyon, kailangang pakainin ang mga breastfed na sanggol tuwing magugutom sila. Huwag nang ma-stress sa posibilidad na masobrahan sila sa pagdede kapag nagugutom sila nang sobra. Sa average, ang mga sanggol na pinasususo ng ina ay dapat na kumonsumo ng 12-32 ounces bawat araw, habang ang mga sanggol na pinadedede ng formula milk ay kailangang kumonsumo ng 16-32 ounces kada araw.
Tiyaking palaging napapa-burp ang sanggol matapos padedehin. Kung may anumang komplikasyon o problema sa pagpapakain, puwede mong palitan ang formula milk o ang bote ng dede ng iyong sanggol.
Tips Sa Pag-aalaga Ng Bata
Pag-Aalaga Ng Kuko
Sa ikaapat na linggo ng growth spurt ng sanggol, mas madalas nang inaabot ng sanggol ang kanyang mukha, kaya’t maganda kung matitiyak mong malinis ang kanyang mga kuko at nagupit na ito upang maiwasan ang anumang posibleng maging problema.
Diaper Tips
Ito na rin ang panahon na dapat mong palitan nang mas madalas ang kanyang diaper at puwede na ring gumamit ng diaper rash cream kung naiirita na ang kanyang balat o madalas magkaroon ng rashes. Tiyaking tingnan ang diaper brand kung akma pa ring gamitin kasabay ng rash cream. Kung may rashes na ang iyong sanggol at nangangailangan na gamutan, hayaan munang sumingaw ang balat ng sanggol ng ilang minuto bago suotan ulit ng bagong diaper at gawin ito tuwing magpapalit.
Pagtulog
Tulad sa nagdaang mga linggo, madalas pa ring tulog ang iyong sanggol sa buong araw. Natutulog nang 16-18 oras kada araw ang mga sanggol sa ganitong edad. Hindi ito dapat ipangamba basta’t walang anumang isyung medikal. Regular ang pagpapakain at inaasahan na ang kanyang paglaki sa ikaapat na linggo ng growth spurt ng sanggol.
Bed-Sharing
Hindi rin option ang bed-sharing sa puntong ito, ngunit pinapayagan naman ang room sharing upang mas madali ring masubaybayan ang iyong sanggol. Kung gusto mong ilipat ang iyong sanggol sa hiwalay na kuwarto, pwede itong gawin basta’t mayroon kayong baby monitor.
Kaligtasan at Kalusugan ng Sanggol
Mga Bakuna
Ang first-month mark ay kapag nabigyan na ang iyong sanggol ng second dose sa tatlong doses ng bakuna para sa hepatitis B. Dito na rin isinasagawa ng doktor ang physical check-up kung saan titingnan ang reflexes ng iyong sanggol.
Umbilical Site
Bilang bahagi ng check-up, maaaring linisin din ng doktor ang umbilical site ng bata. Sa ngayon, dapat natanggal na ang nakausling bahagi nito.
Pag-Iingat Laban Sa Sudden Death Syndrome
Kailangan mo pa ring umiwas sa paninigarilyo o ang lumapit sa mga naninigarilyo dahil nilalagay nito ang iyong sanggol sa panganib ng mas matinding komplikasyon o kahit sa SIDS (sudden infant death syndrome).
Paglabas Ng Bahay
Kapag sasakay sa sasakyan, dapat na nasa rear-facing infant seat ang sanggol upang maging ligtas siya at komportable.
Ano Ang Gagawin Ko Upang Matulungang Lumaki Ang Aking Sanggol?
Isa sa puwede mong gawin upang matulungang lumaki ang iyong sanggol ay sa pamamagitan ng tummy time. Nakatutulong ito upang maihanda sila sa paggapang. Ligtas ang pagpapadapa sa sanggol basta’t nababantayan.
Sa mga unang araw ng paggawa nito, tatagal lang dapat ng ilang minuto o mas mabilis pa dahil hindi pa masyadong kaya ng iyong sanggol na iangat ang kanyang ulo nang matagal. Paglaon, puwede nang gawin ang tummy time sa loob ng 15-20 minuto habang nagpapalakas ang iyong sanggol.
Ano Ang Dapat Bantayan? Kailan Dapat Magpunta Sa Doktor?
Kapag nagpa-check up para sa second dose ng hepatitis B vaccine, tanungin sa iyong doktor kung anong immunization methods ang dapat matanggap ng sanggol sa mga susunod pang mga buwan. At tanungin rin kung kailangan mong magpatingin para sa postpartum depression.
Dapat mo ring bantayan ang mga warning signs ng colic o reflux. Kabilang dito ang:
- Sobrang hangin sa tiyan
- Projectile vomiting (matinding pagsusuka)
- Mas matagal na pag-iyak
- Pagiging iritable lalo na sa gabi
- Problema sa pagpapadede gaya ng nabubulunan o ayaw dumede
- Tuloy-tuloy na pag-ubo
Basta’t nakahihingi ka ng tulong kapag kailangan at nakapaglalaan ka ng oras para sa sarili at sa iyong sanggol, masasanay ka rin sa pag-aalaga sa iyong anak. Pagkatapos ng ikaapat na linggong growth spurt ng sanggol, magiging madali na para sa iyo ito.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.