Palaging hangad ng mga magulang na maging malusog ang kanilang anak pagkasilang. At kahit malusog talaga ang baby, may pagkakataong nagkakaroon agad ito ng kaunting problema sa balat. Ito ang nangyayari sa cradle cap. Isa itong kondisyon na nagdudulot ng flakes o kaliskis sa anit o balat ng sanggol.
Kilala rin bilang pityriasis capitis o infantile seborrheic dermatitis (ISD), isa itong kondisyon na mayroon ang baby pagkasilang pa lang. Mayroon namang sanggol na nagkakaroon nito matapos maisilang. Kung may cradle cap ang iyong baby, maaaring hindi na kailangan ng gamot sa cradle cap. Gayunpaman, mahalagang malaman kung paano matatanggal ito sa ulo ng bata.
Ano ang Cradle Cap?
“Cradle cap” ang tawag kapag lumitaw ang magagaspang o malangis at makaliskis na patch sa anit ng bagong silang na sanggol. Maswerte ang mga sanggol dahil hindi ito makati o masakit. Gayunpaman, maaari itong magdulot ng makapal na puti o dilaw na kaliskis sa ulo. At maaaring mahirap itong tanggalin.
Hindi pa rin natutukoy ng mga doktor ang sanhi ng cradle cap. Ngunit maaaring dahilan ang mga hormone na naipapasa ng ina sa baby bago manganak. Ang mga hormone na ito ang maaaring sanhi ng sobrang produksyon ng langis o sebum sa oil glands at mga hair follicle.
Isa pa sa posibleng salik ang yeast o fungus na kilala bilang Malassezia na nabubuhay sa sebum kasama ng bacteria. Gayunpaman, dahil hindi nakahahawa ang cradle cap, hindi poor hygiene ang sanhi nito.
Mga Sintomas ng Cradle Cap
Kabilang sa mga karaniwang senyales ng infantile seborrheic dermatitis ang tumpok ng kaliskis o makapal na crust sa anit at skin flakes. Ang iba pang sintomas ay malangis o tuyong balat na nababalutan ng natutuklap na puti o dilaw na kaliskis, at may kaunting pamumula. Maaari ding lumitaw ang kaliskis sa talukap ng mata, kilay, tainga, ilong at singit.
Nagkakaroon ng cradle cap ang mga sanggol anuman ang kanilang kinabibilangang lahi o bansa. Umaabot ng 71% ng mga sanggol ang nagkakaroon ng cradle cap sa unang tatlong buwan ng kanilang buhay.
Gamot sa Cradle Cap
Kadalasang gumagaling nang kusa ang cradle cap sa loob ng ilang linggo o ilang buwan. Hindi ito delikado at maaaring mawala ng kusa.
Kabilang sa pwedeng gawin sa bahay ay ang paghuhugas ng anit ng baby araw-araw gamit ang mild na shampoo. Makatutulong ito upang mapalambot at matanggal ang mga kaliskis. Ang marahan na paghuhugas o paggamit ng emollient na may pag-brush upang matanggal ang kaliskis ang pangunahing gamot sa cradle cap. Huwag na huwag kakaskasin ng mga magulang ang cradle cap kapag tuyo ito.
Napatunayang epektibo ang antifungal na gamutan tulad ng ketoconazole bilang gamot sa cradle cap. Ito ang sumusuporta sa teoryang yeast nga ang dahilan ng pagkakaroon ng cradle cap. Gayunpaman, may argumento na ang ketoconazole ay 2% shampoo at hydrocortisone 1% cream, bagaman epektibo ay hindi kasing bisa ng plasebo.
Ang iba pang gamutan para sa cradle cap ay softening agents at mga gamot para sa seborrheic dermatitis ng matatanda. Kabilang dito ang mga topical antifungal at corticosteroid. Gayunman, hindi pa rin tiyak ang kaligtasan at bisa ng mga gamot para sa cradle cap habang hindi pa sapat ang mga pag-aaral ukol dito.
Ang Olive Oil at mga Pag-aaral sa Hinaharap
Ang olive oil na ginagamit upang gamutin ang seborrheic dermatitis sa matatanda, ay sinusubukan ding gamitin bilang gamot sa cradle cap. Bagaman walang panganib, lumilitaw ang ilang alalahanin kapag ikinokonsidera ang nabanggit na kaninang Malassezia yeast.
Maaari ding mapatunayang counterproductive ang paggamit ng olive oil bilang gamot sa cradle cap. Nabubuhay pang lalo ang Malassezia sa olive oil. Kaya naman, ipinapayong huwag gagamitin ang olive oil at iba pang organic oil sa paggamot ng mga ganitong uri ng inflammatory skin diseases.
Sa isang nailathalang pag-aaral noong 2019, naitalang dapat isagawa ang mga pag-aaral gamit ang mga treatment tulad ng mineral o vegetable oil, emollients, shampooing at brushing upang matanggal ang mga kaliskis, antifungal agents tulad ng azole, steroids, o salicylic acid topical treatments.
Key Takeaways
Ang cradle cap ay namumuo o malangis at makaliskis na flakes na lumilitaw sa ulo ng bagong silang na sanggol. Hindi ito delikado at hindi rin makati o masakit para sa sanggol. Kilala rin bilang infantile seborrheic dermatitis o pityriasis capitis, kadalasang nawawala nang kusa ang cradle cap sa loob ng ilang linggo o ilang buwan. Wala pang tiyak na gamot ang mga doktor para dito, ngunit maaaring subukan ang marahang paghuhugas at paggamit ng emollient habang tinatanggal ang mga kaliskis.
Matuto pa tungkol sa unang taon ng sanggol dito.