Karamihan ng mga first-time na magulang ay nabibigla kapag nakakakita ng mga rashes sa katawan ni baby. Kaya mahalagang malaman ng mga magulang kung anong mga rashes ba ang normal lang at nawawala, at kung alin ang dapat ipatingin sa doktor. Sa article na ito, ating pag-uusapan ang karaniwang mga rashes sa baby, at kung paano ito dapat gamutin.
Baby Acne
Ayon sa mga ulat, tinatayang 20% hanggang 30% ng mga newborns at infants ay nagkakaroon ng acne. Ibig sabihin, isa ito sa pinaka-karaniwang rashes sa katawan ni baby. Medically, tinatawag itong “neonatal acne,” at mukha itong putio mapulang pimple sa noo, ilong, pisngi, at baba ni baby.
Onset: Nagkakaroon ng baby acne mula 2 hanggang 4 weeks, at maaaring tumagal ng hanggang 4 to 6 months.
Cause: Nangyayari ito dahil sa exposure sa hormones kapag sila ay ipinanganak.
Remedy: Nawawala rin ang baby acne pagtagal, kaya’t hindi ito kailangang gamutin. Maaari mo itong linisin ng dahan-dahan gamit ang mild soap o kaya baby cleanser. Kung ito ay hindi agad nawala, o kaya ay kumakalat, huwag mag-atubiling magpakonsulta sa doktor.
Cradle Cap
Kung ikaw ay makakita ng madilaw na patsi-patsi sa balat ni baby na parang balakubak, posible itong “seborrheic dermatitis.” Tinatawag rin itong cradle cap dahil madalas itong nakikita sa ulo ni baby. Pero maaari rin itong makita sa mukha at diaper area ni baby.
Onset: Isa ito sa karaniwang rashes sa katawan ni baby, at maaaring lumabas simula 2 weeks hanggang 12 months.
Cause: Hindi pa rin sigurado kung bakit nagkakaroon ng ganito ang mga baby pero pinaniniwalaang ito ay mula sa dead skin cells at oils sa balat ni baby.
Remedy: Tulad ng baby acne, nawawala ng kusa ang cradle cap. Nakakatulong rin dito ang paghugas ng dahan-dahan sa lugar kung nasaan ito. Maaari rin gumamit ng baby shampoo at malambot na brush upang matanggal ang cradle cap. Minsan, nakakatulong ang pagpahid ng baby oil bago paliguan si baby upang mas madaling matanggal ito.
Milia
Alam mo ba na ang milia ay nakikita sa 40% to 50% ng mga sanggol? Isa ito sa mga karaniwang rashes sa baby, at mukha itong dilaw o puting maliliit na bukol sa balat. Karaniwan itong lumalabas sa noo, ilong, pisngi, at baba, pero minsan ay nakikita rin ito sa braso at binti.
Onset: Maraming sanggol ang ipinapanganak na mayroong milia. Nawawala ito sa first week o kaya month ng sanggol, pero minsan tumatagal rin ng 2-3 na buwan.
Cause: Baradong pores o oil glands ang karaniwang sanhi ng milia.
Remedy: Pagtagal ay bumubukas rin ang mga pores at oil glands. Katulad rin ng ibang rashes sa baby, nakakatulong ang panatilihing malinis ito gamit ang baby soap at tubig.
Prickly Heat Rash
Ang bungang araw ay isa sa karaniwang rashes sa katawan ni baby. Tinatawag rin itong “Miliaria rubra,” at ang hitsura nito ay mga maliliit na butlig butlig sa balat. Kadalasang mayroon nito ang mga bata sa leeg, dibdib, at likod.
Onset: Ang prickly heat o bungang araw ay panandalian lamang na skin rash. Lumalabas ito kapag mainit at humid ang panahon.
Cause: Nangyayari ang bungang araw dahil sa blocked na sweat glands. Ayon sa mga eksperto, ito ay dahil maliit ang sweat glands ng mga baby, kaya’t madali itong ma-block gawa ng irritation. Sa bungang araw, galing sa init ng panahon ang irritation, at minsan pati na rin sa damit na suot ng baby.
Remedy: Simple lang ang gamot sa bungang araw. Kailangan lang siguraduhin na presko at nakakahinga ang balat ni baby upang hindi ma-irritate sa init ng panahon. Nakakatulong rin ang paglagay ng soothing na lotion upang makaiwas sa irritation.
Erythema Toxicum
Sinasabi ng mga eksperto na ang erythema toxicum ay isa sa mga karaniwang rashes sa katawan ni baby; ito ay normal at minsan pa nga ay inaasahan na mangyari sa mga baby. Tinatayang nas 40%-70% ng mga sanggol ay nagkakaroon nito. Mukha itong kagat ng insekto, pero hindi dapat ipag-alala at hindi rin ito nagiging sanhi ng infection.
Ang mga rashes na ito ay parang mapupulang pantal sa balat. Minsan ay may puti o dilaw na dot sa gitna na mukhang pimple. Nahahanap ito sa buong katawan ni baby bukod sa palad at talampakan.
Onset: Lumalabas ito sa unang linggo matapos ipanganak, at nawawala rin agad.
Causes: Ito ay epekto ng imbalance ng fetal at maternal na hormones.
Remedy: Hindi ito kinakailangang gamutin dahil nawawala rin ito ng kusa.
Diaper Rash
Ang diaper rash ay uri ng rashes na karaniwang nakikita sa ari at puwit ni baby. Madalas itong dahilan ng pag-iyak dahil nagdudulot ito ng irritation at masakit rin para sa baby.
Onset and Cause: Nangyayari ito kapag matagal na suot ni baby ang maduming diaper.
Remedy: Nakakatulong dito ang paglalagay ng diaper rash cream o ointment. Maraming nabibili na ganito sa mga tindahan, pero mainam kung magpakonsulta muna sa doktor kung aling brands ang safe at epektibo para kay baby.
Upang gamutin ang diaper rash, siguraduhing tuyo ang puwit at ari ni baby, at pahiran ito ng ointment. Para makaiwas sa rash, ugaliing palitan palagi ang kanilang diaper. Nakakatulong rin ang hayaan lang sila na walang diaper upang makahinga ang balat.
Iwasan ang paggamit ng powder o kaya cornstarch dahil baka nila masinghot ito at ma-irritate ang kanilang lungs.
Eczema
Ang isa pang type ng karaniwang rashes sa baby ay ang eczema. Ang mga rashes na ito ay parang tuyong balat, at makati. Lumalabas ito kahit saan sa katawan, pero madalas ay nakikita sa gitna ng mga daliri, siko, at kili-kili..
Onset: Lumalabas ang eczema ilang linggo matapos ipanganak ang sanggol. Para sa ibang mga sanggol, nawawala ito kapag sila ay nasa edad 6 pataas, pero may pagkakataon na nananatili ito hanggang sa pagtanda.
Cause: Ang sanhi ng eczema ay genetics, at pagiging mas prone sa mga allergy. Kung may allergy ang mga magulang, mataas ang posibilidad na maipasa nila ito sa kanilang anak.
Remedy: Upang makatulong sa eczema, paliguan ang iyong baby kada 2-3 na araw at hindi araw araw. Nakakatulong rin ang paggamit ng moisturizer para makaiwas sa irritation. Minsan ay kinakailangan din ng steroids, pero depende na ito sa rekomendasyon ng doktor.
Karagdagang Kaalaman
Alam ng mga magulang na sadyang sensitive ang balat ng mga baby, kaya’t nakaka-alarma kapag nakikita nating may rashes ito. Pero kung alam ng mga magulang kung anu-ano ang karaniwang rashes sa baby, mas hindi sila agad kakabahan at malalaman kung ano ang dapat gawin sa mga rashes na ito.
Kung sakaling hindi nawawala o gumagaling ang rashes ni baby, mabuting magpakonsulta sa doktor.
Alamin ang tungkol sa Baby Care dito.