Alam ng mga magulang na kasama sa pag-aalaga ng bagong silang na sanggol ang pagpapanatiling malinis at tuyo ng umbilical cord stump. Paano ba ang tamang pag-aalaga sa pusod ng baby? Alamin ‘yan dito.
Pasilip Sa Umbilical Cord Stump Ng Iyong Baby
Bago namin ipaliwanag ang mga hakbang sa pag-aalaga ng pusod ng baby, talakayin muna natin kung bakit nga ba nandoon ang umbilical cord stump.
Habang nasa sinapupunan, nakakukuha ng nourishment at oxygen ang mga sanggol sa kanilang inunan (placenta), isang organ na nabuo habang nagbubuntis. Ngayon, ang inunan na nagsasagawa rin ng metabolic processes ay nakakonekta sa tiyan ng sanggol sa pamamagitan ng kanyang umbilical cord.
Sa oras na maipanganak na ang sanggol, makakaya na niyang kumain, huminga, at mag-produce ng oxygenated blood sa sariling paraan. Ibig sabihin, hindi na niya kailangan ng inunan, kaya’t pinuputol na ang umbilical cord.
Simpleng proseso lang ang pagputol ng cord. Upang putulin ang cord, kailangan mong gumamit ng dalawang clamps upang maiwasan ang sobrang pagdurugo. Ang isang clamp ay ilalagay ilang inches lang ang layo mula sa pusod, at ang isa naman ay nasa malapit lang ng unang clamp. Maghintay ng 1-3 minuto hanggang sa hindi mo na maramdaman ang pagpintig (upang maiwasan ang anemia). Pagkatapos, gamit ang sterile scissors, gupitin mo na ang cord na nasa pagitan ng dalawang clamps.
Tandaang hindi nasasaktan ang sanggol sa pagputol ng cord, ngunit dahil ang sobrang bahagi ng cord na tinatawag na stump ay nakakabit pa sa buhay na tissue ng tiyan, kailangang maging maingat ka rito.
Paano Alagaan Ang Umbilical Cord Stump?
Matutuyo at mahuhulog nang kusa ang umbilical cord stump ng baby. Kadalasan, nangyayari ito sa loob ng 1 hanggang 3 linggo matapos siyang isilang. Ang pinakamainam na paraan upang alagaan ang pusod ng baby ay sa pamamagitan ng pagpapanatili nitong tuyo at malinis. Gayunpaman, tandaan ang mga sumusunod na gawain:
Manatili Sa Pagpapaligo Gamit Ang Sponge Hanggang Sa Mahulog Ang Cord Stump
Upang mapanatiling tuyo ang cord ni baby, huwag siyang bibigyan ng full baths hanggang sa mahulog ang kanyang stump at tuluyang matuyo. Pansamantala, manatili sa sponge baths.
Huwag Lilinisin Ang Stump Gamit Ang Alcohol
Noon, ipinapayo ng mga doktor sa mga magulang na linisin ang umbilical cord stump ng baby gamit ang alcohol. Ngunit nang malaman nila na pinapatay ng alcohol ang bacteria na nakatutulong upang matuyo ang cord, ipinayo na nilang itigil ito.
Huwag mag-alala kung hindi malinis ang stump ni baby gamit ang sabon, tubig o alcohol. Ayon sa mga eksperto, upang mapanatili itong malinis, ang pinakamabuting paraan ay iwasan itong marumihan.
Kung napansin mong basa ang stump ni baby, huwag mong kalimutang patuyuin ito nang lubos dahil nakapagdudulot ng bacterial contamination ang moisture.
Mag-Ingat Sa Paggamit Ng Diapers
Upang mapanatiling malinis at tuyo ang pusod ng baby, itupi pababa ang ibabaw ng diaper upang hindi madikit sa kanyang stump. Pwede ka ring bumili ng mga diaper na may scoop sa ibabaw kaya’t hindi tumatama sa pusod ni baby.
Piliin Ang Magaan At Maluwag Na Cotton Na Damit
Hindi mo na kailangang itupi ang laylayan ng damit ni baby upang hindi matakpan ang pusod niya. Gayunpaman, makatutulong kung pipili ka ng magagaan at gawa sa cotton na mga damit. Bukod pa dyan, iwasan ang pagpili ng masisikip na damit na maaaaring makairita sa stump ni baby.
Kapag Nadumihan, Linisin Ang Stump Gamit Ang Tubig
Sakaling maging madumi ang pusod ng baby, gumamit ng malambot at basang tela upang linisin ito nang dahan-dahan. Huwag gumamit ng sabon o alcohol, sapat na ang tubig. Pagkatapos nito, patuyuin gamit ang malinis at malambot na tela.
Hayaang Mahulog Nang Kusa Ang Stump
Gaya ng nabanggit kanina, matutuyo at mahuhulog nang kusa ang stump ni baby. Kahit na mapansin mong manipis na lang ang nagkokonekta sa stump at pusod ng baby, huwag mo itong hahatakin. Maaaring magdugo ito kapag pinilit na tanggalin.
Sa oras na humiwalay na ang stump, may mapapansin kang pagdurugo at makakakita ng kaunting pamumula. Hindi ito kadalasang dapat ipag-alala. Gayunpaman, kapag hindi gumaling at natuyo ang sugat sa loob ng dalawang linggo, dalhin na ang iyong baby sa doktor.
Kailan Dapat Humingi Ng Tulong Medikal
Sa pangkalahatan, gumagaling ang pusod ni baby nang hindi nagkakaproblema. Gayunpaman, kailangan mo pa ring bantayan ang mga warning sign na iyong kailangan sa paghingi ng medikal na tulong:
- Lumalabas na nana o anumang masangsang na amoy sa loob o paligid ng stump
- Umbok na may lamang fluid malapit o nasa mismong stump
- Pamumula at pamamaga
- Pagdurugo sa pusod, bagaman normal lang ang kaunting dugo
- Lagnat
- Kapag umiiyak ang baby mo tuwing mahahawakan ang stump o ang paligid nito
Bilang pagtatapos, kontakin ang inyong pediatrician kung hindi natanggal ang cord stump paglipas ng tatlong linggo.
Matuto pa tungkol sa Pag-Aalaga ng Sanggol dito.