Matapos manganak, ang isang nanay na nagtatrabaho sa Pilipinas – sa gobyerno man o sa pribadong institusyon – ay may karapatang mag-apply ng 105 araw ng maternity leave. Parang matagal ito, pero kapag nag-aalaga ka na ng bagong silang na sanggol, mabilis lang na lilipas ang mga araw. Kung malapit ka na sa recovery period, pwede mo nang simulan ang pag-iisip kung paano paghahandaan ang pagtatapos ng iyong maternity leave. Patapos na maternity leave? Ito ang kailangan mong gawin.
Ano ang maternity leave?
Ang maternity leave ay ipinagkakaloob ng isang kompanya sa babaeng empleyado na kapapanganak pa lang. Sa Pilipinas, Inaprubahan ang Republic Act No. 11210 o ang 105-day Expanded Maternity Leave Law upang magbigay ng dagdag na mga araw sa kuwalipikadong mga empleyado upang makapagpagaling at maalagaan ang bagong silang na sanggol.
Maaari itong i-apply ng isang manggagawang buntis 30 araw bago ang petsa ng kanyang panganganak. Ang maternity leave ay nagbibigay ng 105 araw na bayad na leave sa karapat-dapat na empleyado, at dagdag pang 15 araw para sa mga manggagawang mag-isa lang na nagtataguyod ng anak (solo parent).
Bukod dyan, maaari ding humiling ng dagdag pang 30 araw na leave nang walang bayad ang mga babaeng manggagawa kung kailangan pa nila ng mas mahabang panahon upang magpagaling. Kailangan lang nilang ipaalam ito sa kanilang mga employer, may kasulatan, at 45 araw bago matapos ang kanilang maternity leave.
Paano paghahandaan ang patapos ng maternity leave?
Maaaring maging emosyonal, kapana-panabik, nakakakaba, at nakakapanibago ang pagbabalik sa trabaho matapos ang tatlong buwang pahinga. Upang magkaroon ng matagumpay na pagbabalik, dapat kang maging bukas sa katotohanan na marami kang pagbabago na dapat pagdaanan lalo pa’t hindi ka na lang basta full-time na manggagawa, kundi full-time na nanay.
Ito ang dahilan kung bakit pinakamainam na magplano nang maaga, sa halip na maghabol ng isang araw bago ang pagbabalik mo sa trabaho. Ang paghahanda sa sarili at sa iyong sanggol ng isa o dalawang linggo bago ka bumalik sa trabaho ay hindi lamang nakatutulong upang ma-enjoy mo ang mga huling araw ng iyong pahinga, kundi nakababawas din ito sa stress at pag-aalala.
Ang dapat gawin
Narito ang ilang mga tip kung paano maghahanda para sa patapos nai maternity leave at maging handa sa pagbabalik mo sa trabaho.
Huwag masyadong pahirapan ang iyong sarili
Maraming mga bagong hamon ang kailangan mong harapin sa pagbabalik mo sa trabaho. Ito ang dahilan kung bakit hindi ka dapat masyadong magpa-stress dahil may negatibong epekto ito sa iyong motibasyon at pagiging produktibo sa oras na bumalik ka na sa trabaho.
Unti-untiin mo lang ang mga dapat gawin, huwag masyadong mag-isip, at huwag lunurin ang sarili sa mga gawaing dapat mong matapos. Maaaring mahirap iwanan ang iyong maliit na anak sa bahay, ngunit tandaan mo lang na ginagawa mo ang nakabubuti para sa kanilang kinabukasan.
Makipag-ugnayan sa iyong boss at mga katrabaho
Dahil matagal kang nawala sa trabaho, mainam kung aalamin mo ang mga bagong pangyayari sa iyong pinapasukan mula sa mga kasama o sa iyong boss. Makatutulong ito upang makapag-adjust ka, sakaling may mga pagbabago, upang hindi ka mabigla.
Isa pang tip ay magtanong sa iyong employer ng mga dapat mong gawin sa unang araw ng iyong pagbabalik sa trabaho upang hindi ka magulat sa dami ng gagawin.
Maghanda para sa pumping breast milk sa trabaho
Kung ikaw ay nagpapasuso (breastfeeding), kailangan mong ihanda ang lahat ng gagamitin para sa breast milk pumping. Kung nagpapasuso ka lang habang nasa maternity leave, magiging madali na sa iyo kung magsisimula ka ng sanayin ang iyong baby na dumede sa bote at hasain ang iyong kakayahan sa pumping. Pwede kang maglagak ng breast milk sa refrigerator ng 4 na araw, o sa freezer nang 6-12 buwan, saka tunawin sa room temperature kapag kailangan mo na ito.
Kung higit 6 na buwan na ang iyong sanggol at inaawat mo na siya sa breast milk, pwede mo nang simulan ang paghahanap ng pinakamainam na formula milk para sa kanya. Maaaring kailangan nila ng panahon upang makapag-adjust sa magkakaibang formula milk. Ngunit tandaan, ang gatas ng nanay ang pinakamabuti para sa iyong anak.
Maraming workplaces ang sumusuporta sa breastfeeding. Bago ang araw ng pagbabalik mo sa trabaho, magtanong sa HR kung saan ang nakalaang lactation area na pwede kang mag-pump ng suso upang makakolekta ng gatas para sa iyong sanggol.
Magsagawa ng Pagsasanay
Ang pagkakawalay sa iyong anak sa loob ng ilang oras sa isang araw ay emotionally stressful lalo na kung nakabuo ka na ng matibay na ugnayan sa iyong sanggol. Ngunit upang masanay na ikaw at ang iyong sanggol sa ganitong sitwasyon, maaaring makatulong ang pagsasagawa ng pagsasanay.
Magsanay na iwanan ang iyong sanggol sa bahay kasama ng iyong asawa o ng tagapag-alaga sa loob ng ilang oras bago ang pagbabalik mo sa trabaho. Ang paggawa nito nang ilang beses ay magtuturo sa iyong sanggol na mawawala ka sa loob ng ilang oras, ngunit magbabalik ka rin. Makatutulong din ito sa iyo na mapagtantong ang paggugol ng oras na malayo sa inyong bahay ay makatutulong sa iyong mental at emosyonal na kalagayan.
Humingi ng suporta
Ngayong magbabalik ka na sa trabaho, medyo mahirap nang gawin ang mga gawain sa bahay. Upang mabawasan nang kaunti ang iyong alalahanin, pwede mong hingin ang tulong ng iyong kapartner (asawa) na gawin ang mga gawaing bahay habang inaalagaan mo ang iyong sanggol sa oras na makauwi ka na mula sa trabaho o vice versa.
Ngunit sa mga pagkakataong pareho kayong may trabaho ng iyong kapartner (asawa), dito na pwedeng humingi ng tulong mula sa isang miyembro ng inyong pamilya o maghanap ng tagapag-alaga ng iyong sanggol habang nasa trabaho ka.
Ihanda ang sarili ng mental at pisikal
Maaaring maging emosyonal ka paminsan-minsan kapag naiisip mo kung paano ka maghahanda para sa nalalapit na patapos na maternity leave. Normal lang ang pag-aalala na iwanan ang iyong sanggol sa bahay. Upang mabawasan ang iyong pananabik at pag-aalala, pwede kang magtakda ng oras kung kailan mo tatawagan ang tagapag-alaga ng iyong sanggol upang kumustahin ang bata.
Kung depressed ka, huwag magdalawang isip na kumonsulta sa isang healthcare professional. Ang postpartum depression ay isang normal na kalagayang nangyayari sa maraming ina matapos manganak. Huwag matakot na humingi ng tulong.
Upang maging handa ka ng pisikal , dapat ka nang kumain ng masusustasya, uminom ng mga bitamina, at mag-ehersisyo upang mapalakas ang iyong katawan at ang iyong immune system.
Pangunahing Konklusyon
Maaaring maging mahirap ang pag-aaral sa kung paano paghahandaan ang patapos na maternity leave ngayong nakabuo ka na ng ugnayan sa iyong sanggol. Pwedeng maging madali ito sa pamamagitan ng pagtitiyak na lahat ng kailangan ng iyong anak ay nakahanda na kapag wala ka sa bahay. Mapapanatag ka kahit nasa trabaho ka kung malalaman mong ligtas, nasa maayos, at inaalagaan ang iyong sanggol. At ito ang pinakadahilan kung bakit kailangang malaman ng mga nagtatrabahong nanay kung paano paghahandaan ang pagtatapos ng kanilang maternity leave.
Matuto pa tungkol sa Parenting dito.