Ang klasikong poster1 para sa Newborn Screening Program sa Pilipinas ay nagtatampok ng dalawang bata – isang malusog na 7-taong gulang na babae at 14-taong gulang na lalaki na nasa wheelchair na tila nagpapamalas ng mabagal na paglaki at kapansanan sa pag-iisip. Ang parehas na mga bata ay mayroong congenital hypothyroidism, isang kondisyon na humahantong sa kakulangan ng thyroid hormone.
Ibinunyag ng mga detalye sa poster na ang batang babae ay sumailalim sa Newborn Screening ng bata (NBS) at naging positibo sa congenital hypothyroidism ngunit ito ay nabigyan ng agarang lunas. Sa kabilang banda, ang batang lalaki ay hindi sumailalim sa NBS at nabigong makatanggap ng kalingang medikal na kanyang kailangan.
Kung inaasahan ng inyong pamilya na may paparating na munting pumpon ng kaligayahan, ito ang kailangan ninyong malaman tungkol sa Newborn Screening Program sa Pilipinas.
Ang Newborn Screening ng bata ay nakapagliligtas-buhay
Ang pinakamahalagang bagay na dapat malaman sa Newborn Screening Test ay ito ay nakapagliligtas ng buhay. Sa pamamaraang ito, matutukoy ng mga doktor ang mga congenital na kondisyon tulad ng mga hormonal at metabolic disorder na maaaring humantong sa iba’t ibang “mga kondisyong medikal” mamaya.
Marami sa mga sanggol na may malubhang metabolic disorder ay maaaring magmukhang malusog pagkapanganak, na nagiging sanhi upang maniwala ang mga magulang na ang kanilang anak ay maayos. Bilang resulta, ang bata ay hindi nakatatanggap ng agarang kalinga upang maiwasan ang mga posibleng kondisyon sa kalusugan, na may malubhang epekto sa hinaharap.
Mayroon na tayong ‘mas pinalawak’ na Newborn Screening ng bata
Sa simula, ang newborn screening ng bata ay nagsasagawa lamang ng test para sa anim (6) na disorder, ito ay:
- Congenital hypothyroidism – hindi sapat na thyroid hormones na maaaring humantong sa mabagal na paglaki at kapansanan sa pag-iisip.
- Phenylketonuria – isang minanang disorder na kung saan hindi makaya ng isang bata na paghiwa-hiwalayin ang amino acid phenylalanine sa kanyang katawan, na maaaring humantong sa pagkapinsala sa utak.
- Congenital adrenal hyperplasia (CAH) – isang grupo ng genetic disorder na nakaaapekto sa adrenal glands – mga estruktura na lumilikha ng mahahalagang hormone sa katawan. Ang mga sanggol na may CAH ay may kulang na isang enzyme na makabubuo sa mahahalagang hormone at nasa bingit ng adrenal crisis, isang nakapagbabanta sa buhay na kondisyon.
- Glucose-6 phosphate dehydrogenase (G6PD) deficiency – isang minanang kondisyon na ang mga sanggol ay kulang sa G6PD enzyme. Maaari itong magresulta sa hemolytic anemia, na nakamamatay kung hindi magagamot nang maayos.
- Galactosemia – kawalan ng kakayahan na tunawin ang galactose, isang uri ng sugar na kadalasang matatagpuan sa gatas ng ina. Ang kondisyon na ito ay banta sa buhay kung hindi magagamot nang maayos.
- Maple syrup urine disease – katulad ng phenylketonuria, ang mga sanggol na may MSUD ay hindi kayang tunawin ang ilang tiyak na protina. Ang mga sanggol na may ganitong kondisyon ay may ihi na kasing-amoy ng maple. Kapag hindi nagamot, ang MSUD ay nakamamatay.
Sa kabutihang palad, mayroon na tayong Expanded Newborn Screening (ENBS) Program sa Pilipinas. Sinusuri ng ENBS ang hindi bababa sa 22 karagdagang mga karamdaman tulad ng mga amino acid disorder at hemoglobinopathies, na nakakaapekto sa hugis at pula ng dugo.
Ang Newborn Screening ng bata ay isang simpleng proseso
Mahalagang matandaan na ang pagsasagawa ng test ay mabilis at simple lamang.
Ang isang propesyunal sa pangangalaga sa kalusugan (doktor, nurse, nakapagsanay na midwife o medical technologist) ay mangongolekta lamang ng blood sample mula sa talampakan ng iyong sanggol. Ipapatak nila ang dugo sa isang special absorbent na papel at dadalhin ang specimen sa National Screening Center.
Ang pagsasagawa ng test ay sensitibo sa oras
Ang mahalagang tanong ay “Kailan dapat isagawa ang Newborn Screening sa Pilipinas?”
Laging isaisip na ang pagsasagawa ng test ay sensitibo sa oras. Ang dugo ay kinakailangang makolekta kaagad – kadalasan 24 hanggang 48 oras pagkatapos ipanganak ng sanggol, bago umalis ang ina at anak sa lying-in clinic o sa ospital. Mas ninanais ng ibang mga pediatrician/pediatric endocrinologist ang 48 oras. Mas nagiging matatag ang mga hormone sa puntong iyon.
Ang ENBS ay bahagi ng Newborn Care Package sa ilalim ng PhilHealth
Ang ENBS ay nagkakahalaga ng PHP1,750, pero pwede itong makuha ng mga magulang sa ilalim ng Newborn Care Package ng PhilHealth kung kwalipikado ang ang bagong panganak. Kwalipikado ang mga bagong panganak na sanggol kung makapapasa sila sa mga sumusunod na pamantayan:
- Ang isa sa kanyang mga magulang ay lehitimong miyembro ng PhilHealth.
- Sila ay pinanganak sa mga pasilidad na kinikilala ng PhilHealth.
- Tinanggap ang serbisyo pagkatapos na manganak
Mayroong oras ng paghihintay para sa resulta
Ang resulta ng NBS ay lumalabas mula 1 hanggang 2 buwan pagkatapos na matanggap ng National Screening Center ang specimen.
Ang mga negatibo o normal na resulta ay maaaring makuha sa ospital o lying-in clinic kung saan isinagawa ang test. Kapag ang resulta ay positibo, ibig sabihin ay may natuklasan ang doktor at ang pasilidad pangkalusugan ay makikipag-ugnayan sa inyo upang ang inyong sanggol ay sumailalim sa karagdagang pagtataya.
Ang doktor ay maaaring humiling na ulitin ang test
Isa pang mahalagang bagay na dapat mong malaman tungkol sa NBS ay maaaring humiling ang doktor na ulitin ang test. Ito’y lalong lalo na sa mga premature na sanggol.
Ang iba pang sitwasyon na nangangailangan ng pag-ulit sa test ay ang kakulangang sa dami ng blood sample o mga test na may hindi malinaw na resulta.
Matuto pa tungkol sa Pag-Aalaga ng Sanggol dito.