Tinuturing na kultura ang pagbubutas ng tainga at marami sa atin ang gumagawa nito. Nakita na ito mula pa sa ating mga ninuno. Ginagawa ito para malagyan ng hikaw ang tainga. Karaniwang binubutasan ng mga magulang ang tainga ng kanilang anak habang baby pa sila. Madalas na binubutasan ng tainga ang mga batang babae. Bagaman hindi masyadong mapanganib ang pagbubutas ng tainga, may ilang kontrobersiya kung ligtas ba itong gawin sa mga bata o hindi. Ligtas ba ang hikaw para sa baby?
Tinatawag na piercing ang pagbubutas sa gilid ng tainga o sa earlobe para makabitan ng hikaw. Kadalasan itong ginagawa gamit ang piercing gun o ayon sa tradisyunal, gamit ang karayom.
Hikaw para sa Baby: Panganib ng Pagbubutas ng Tainga
Nakadepende sa magulang ang pagbubutas ng tainga ng baby. Maaari nilang pabutasan ang tainga ng baby ng kasing aga ng 5 buwang gulang pero maaari din nila itong gawin sa ibang pagkakataon.
Bago pumili ng hikaw para sa baby, narito ang ilang bagay na dapat isipin:
Kaligtasan
Ligtas ang pagbubutas ng tainga kung tama itong ginawa. Ngunit kung ginawa ito sa maling parte ng tainga o kung hindi ligtas ang mga kagamitan na ginamit, maaari itong magdulot ng malaking panganib sa baby.
Kabilang sa mga komplikasyon ng hikaw para sa baby o pagbubutas ng tainga ang:
Contact Allergy
Maaaring allergic ang baby sa ilang metal na ginamit sa alahas at posible itong humantong sa allergic reaction. Pinakakaraniwan ang allergy sa nickel.
Bloodborne Disease
Kung hindi malinis ang kagamitang ginamit sa procedure, maaari itong humantong sa pagkakaroon ng baby ng mga bloodborne disease tulad ng hepatitis, HIV, at tetanus.
Impeksyon sa Balat
Kung hindi naalagaan nang maayos ang sugat, maaaring makapasok ang bakterya sa sugat at magsanhi ng pangangati at impeksyon. Kung nilalagnat ang baby dahil sa pagbubutas ng tainga, maaaring kailangan silang i-admit sa ospital.
Panahon ng Paggaling
Tumatagal ng humigit-kumulang 6 na linggo o higit pa bago gumaling ang sugat sa pagbubutas ng tainga. Kailangang alagaan ng magulang ang sugat para maiwasan ang anumang impeksyon. Sa puntong ito, maaaring makaranas din ng pananakit at pangangati mula sa sugat ang baby.
Benepisyo ng Pagbutas sa Tainga ng Baby
Delikado ang pagbubutas ng tainga lalo na kung hindi ito ginawa nang tama. Ngunit maliban sa aesthetics, may ilan ding benepisyo ang pagbubutas sa tainga ng baby.
- Hindi nila maaalala ang sakit – Magiging masakit ito para sa baby pero hindi ito uri ng sakit na maaalala nila habang lumalaki.
- Mas madali silang butasan ng tainga – Mas madaling magdala ng baby para pabutasan ng tainga kaysa magdala ng isang batang maaaring alam na ang sakit na kanilang pagdadaanan. Kung bubutasan ng tainga ang nasa edad 3 pataas, malamang na matatakot sila sa procedure at mas ramdam nila ang pangangati dala ng pagbubutas ng tainga.
- Hindi madaling kapitan ng mga impeksyon – Kung ikukumpara sa mga baby, mas posibleng kalikutin ng mga maliit na bata ang hikaw nila nang marumi ang mga kamay, na magiging dahilan ng impeksyon.
Tips sa Ligtas na Pagbubutas ng tainga
Kung nais ng mga magulang na pabutasan ang tainga ng kanilang anak, narito ang ilang tip na dapat tandaan:
- Ipagawa ito sa propesyonal – Magpabutas ng tainga sa isang malinis at ligtas na kapaligiran at posible din sa isang healthcare professional o experienced technician. Nag-aalok ng pagbubutas ng tainga ang ilang medical clinic. Siguraduhing malinis ang mga kagamitan na ginamit at gumamit ng guwantes ang taong nagbubutas. Iwasan ang paggawa ng anumang tradisyunal na paraan ng pagbubutas sa baby tulad ng manual piercing. Lubha kasing mapanganib ang gawaing ito.
- Gumamit ng ginto o anumang hypoallergenic na hikaw para sa baby – Para mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng allergy, pinakamabuting gumamit ng sterling silver o gold stud baby earrings. Iwasan ang paggamit ng mga hikaw na may nickel dahil karaniwan itong nagdudulot ng pangangati at allergy. Iwasan ang mga hikaw na nakalawit dahil maaari itong sumabit sa anumang bagay at magsanhi ng pagkasugat.
- Huwag pabutasan ang baby kung may autoimmune disease – Kung may mahinang immune system ang baby o sakit na maaaring lumala, iwasan silang agad pabutasan ng tainga. Makabubuting komunsulta muna sa doktor bago magpabutas ng tainga ng baby.
Karagdagang Tips sa Pagbubutas ng Tainga
- Linisin ang tainga ng baby – Tumatagal ng humigit-kumulang 6 na linggo bago gumaling ang sugat. Habang gumagaling pa, dapat linisin ito ng mga magulang. Lagyan ng antibiotic ointment ang earlobe nang hindi inaalis ang hikaw para sa baby. Dapat ito gawin lalo na sa mga unang araw pagtapos butasan ang tainga.
- Araw-araw ikutin ang hikaw para sa baby – Pinapayuhan na huwag tanggalin nang hindi bababa sa 4 na linggo ang unang pares ng hikaw para sa baby para maiwasan na magsara ang butas nito. Sa loob ng 4 na linggo, araw-araw ikutin ang hikaw para sa baby upang hindi ito dumikit sa balat habang gumagaling. Inirerekomenda na panatilihing suot ang unang pares sa loob ng 6 na buwan.
Key Takeaways
Tradisyunal na ginagawa ang pagbubutas ng tainga para makabitan ng hikaw ang earlobe. Hindi lang ito ginagawa sa matatanda, ngunit para sa mga bata rin. Karaniwang ligtas ang pagpapabutas ng tainga ngunit maaari ito maging delikado lalo na sa baby. Hindi pa kasi nila kayang alagaan ang sugat nang mag-isa.
Mas mababa ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon kapag magpapabutas ng tainga sa isang propesyonal at sa malinis na lugar. Dapat ding maglaan ng oras ang mga magulang para linisin ang tainga ng bata. Magbigay din ng magandang pares ng hypoallergenic na hikaw para maiwasan ang anumang impeksyon o allergic reaction.
Matuto pa tungkol sa mga tip sa pangangalaga ng sanggol dito.