backup og meta

Ano Ang Pwera Usog, At Ano Ang Kinalaman Nito Sa Mga Sanggol?

Ano Ang Pwera Usog, At Ano Ang Kinalaman Nito Sa Mga Sanggol?

Dito sa Pilipinas, maraming mga katutubong paniniwala tungkol sa mga sanggol. Isa na nga rito ang kilalang-kilalang “pwera usog” na karaniwan pa ring ginagawa hanggang sa ngayon. Ngunit ano ang pwera usog? Saan nga ba talaga nakabatay ang katutubong paniniwalang ito? Mayroon ba itong siyentipikong batayan? Magbasa pa para sa dagdag na kaalaman.

Ano Ang Pwera Usog At ‘Lawayan’

Ano ang pwera usog? Ang “pwera usog” ay karaniwang sinasabi ng mga tao kapag nakakakita o may kasamang bagong silang na sanggol. Kadalasang sinusundan ito ng pagpapahid ng kaunting laway sa noo ng bata, na kilala rin sa tawag na “lawayan.”

Nagmula ang pwera usog sa “usog” na maaaring may magkakaibang kahulugan sa Pilipinas, depende sa rehiyon. Ngunit sa pangkalahatan, ikinukunsidera itong nakapagdudulot ng pinsala sa isang sanggol, gaya ng sumpa o mga masasamang espiritu. Nakikita ito sa pamamagitan ng nararamdaman ng sanggol gaya ng matagal at matinding pag-iyak, lagnat, o biglang nag-aalburoto nang wala talagang dahilan.

Kapag nangyari ito, binibigkas kadalasan ng mga tao ang mga salitang “pwera usog” saka sunod na “binabasbasan” (pinapahiran) ang bata ng laway. May ilang tao na ginagawa na agad ito bago pa lang makaranas ng anumang problema ang sanggol upang maalis ang kahit na anong sakit na maaaring kumapit sa sanggol.

Kahit ngayon, laganap pa rin itong ginagawa sa Pilipinas. Mapapansin ito sa mga probinsya kung saan maraming mga katutubong paniniwala ang nananatiling bahagi ng kanilang kultura.

Ngunit may katotohanan ba ang kaugaliang ito? Talaga bang gumagana ang pagpapahid ng laway?

May Batayan Ba Ito Sa Tunay Na Buhay?

Isa sa mga posibleng paliwanag sa usog ay ang makaranas ang bata ng anxiety, lalo na kapag nakakakita ng mga bagong mukha, o makatagpo ng mga taong ngayon pa lang niya nakita. Kapag nangyari ito, bigla na lang iiyak ang sanggol nang walang dahilan. Ang paghawak sa noo ng bata ay nakatutulong upang mabawasan ang kanyang pag-aalala, dahil nakatutulong ang paghaplos sa sanggol upang kumalma siya at maramdamang siya ay mas ligtas.

Gayunpaman, hindi pa nakapagsasagawa ng malalim na pag-aaral ang mga mananaliksik tungkol dito, at hanggang ngayon, wala pa ring siyentipikong batayan ang paniniwalang ito.

Kaugnay ng iba pang posibleng epekto ng usog gaya ng matinding pag-iyak, lagnat at iba pang sakit, lahat ng kondisyong ito ay nakaaapekto sa mga sanggol. Hindi dahil sa bigla na lang nagkasakit ang isang malusog na bata, ibig sabihin na agad ay nabati ito o nalapitan ng masamang espiritu.

Hindi maitatanggi na ang usog at iba pang katulad nitong katutubong paniniwala ay bahagi na ng mayaman nating kultura at kasaysayan. Gayunpaman, magiging problema ang mga paniniwalang ito kung iisantabi ng mga tao ang modern medicine kaugnay ng mga kaugaliang ito. Ilan sa mga kaugaliang ito gaya ng “lawayan” ay maaaring makapagkalat ng mga sakit.

Kumonsulta sa iyong doktor kung paano maaalagaan nang mabuti ang iyong sanggol. Makapagbibigay sila ng mga epektibong payo sa kung ano ang gagawin kapag nagkasakit ang iyong anak, o anong mga senyales ng sakit ang dapat mong bantayan.

Ano Ang Dapat Gawin Kapag Nagkasakit Ang Iyong Sanggol?

Ngayong alam na natin kung ano ang pwera usog, tingnan natin ang mga pwedeng gawin kapag nagkasakit si baby. Kung sa tingin mo ay may sakit ang iyong anak, narito ang puwede mong gawin:

Para Sa Colic (Sobrang Pag-Iyak)

Maaaring mangyari ang colic dahil sa maraming dahilan. Minsan, dulot ito ng food sensitivity, sobrang pagpapakain, o general discomfort. Tiyaking komportable ang iyong sanggol, iwasan ang sobrang pagpapakain, at tiyaking napadidighay mo siya matapos dumede upang maiwasan ang gassy stomach.

Para Sa Lagnat

Normal lang na makaranas ng lagnat ang mga sanggol dahil hindi pa gaanong develop ang kanilang immune system. Ang pinakamainam na gawin ay panatiling komportable at nasa maayos na kalagayan ang iyong sanggol. Kung kailangan o ipinayo ng doktor, pwede mo silang painumin ng gamot sa lagnat. Puwede ring maligo nang maligamgam na tubig ang mga sanggol kung may lagnat sila upang maging komportable sila.

Kadalasang nawawala nang kusa ang lagnat at hindi isang seryosong problema. Gayunpaman, kung hindi gumagalaw ang iyong sanggol, hindi gumigising, o nahihirapang huminga, dalhin sila agad sa doktor.

Dagdag pa, dapat na maging alalahanin ng mga magulang kapag nilagnat ang mga sanggol na nasa edad 3 buwan pababa. Pinakamainam kung dadalhin sila sa doktor.

Iba Pang Mga Sakit

Pwedeng magkaroon ng ubo at sipon ang mga sanggol gaya rin ng karamihan sa atin. Mawawala rin ito at hindi kailangang ipag-alala. Ngunit kung nararanas ng mga sintomas ang iyong anak gaya ng pagtatae, kawalan ng ganang kumain, dehydration, o nahihirapang dumumi, makipag-usap sa iyong doktor sa lalong madaling panahon.

Matuto pa tungkol sa Pag-Aalaga ng Sanggol dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Understanding the concept of Usog among the Aetas of Nabuclod, Pampanga, Philippines, https://sigma.nursingrepository.org/bitstream/handle/10755/623747/Martinez_Usog_Aetas_Manuscript.pdf, Accessed May 25, 2021

Do You Believe in These Pinoy Health Superstitions? | News | Makati Medical Center, https://www.makatimed.net.ph/news-and-exhibits/news/do-you-believe-in-these-pinoy-health-superstitions, Accessed May 25, 2021

Colic Relief Tips for Parents – HealthyChildren.org, https://www.healthychildren.org/English/ages-stages/baby/crying-colic/Pages/Colic.aspx, Accessed May 25, 2021

Fever (0-12 Months), https://www.seattlechildrens.org/conditions/a-z/fever-0-12-months/, Accessed May 25, 2021

Sick baby? When to seek medical attention – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/infant-and-toddler-health/in-depth/healthy-baby/art-20047793, Accessed May 25, 2021

Kasalukuyang Version

03/22/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Ruben Macapinlac, MD, DPPS

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

5 Kalimitang Dahilan ng Rashes ng Baby sa Mukha, At Kung Paano Sila Malulunasan

Anu-Ano Ang Kinakailangan Na Nutrisyon Ng Lumalaking Sanggol?


Narebyung medikal ni

Ruben Macapinlac, MD, DPPS

Pediatrics · Philippine Pediatric Society


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement