backup og meta

Ano Ang Grasp Reflex, At Iba Pang Mga Newborn Reflexes?

Ano Ang Grasp Reflex, At Iba Pang Mga Newborn Reflexes?

Ang reflexes ng mga bagong silang na sanggol, tulad ng plantar grasp reflex, ay ang paggalaw ng isang sanggol nang hindi boluntaryo o nang hindi pinipilit. Sinasabi ng mga eksperto na ang karamihan sa mga paggalaw ng mga bagong silang na sanggol sa mga unang linggo ay sanhi ng reflex. Ano ang grasp reflex, Moro reflex, rooting reflex at iba pa?

Para sa maraming mga magulang, ang pagtingin sa reflex ng kanilang anak ay nakatutuwang karanasan. Subalit mahalagang tandaan na ang pagkakaroon at ang lakas ng reflex ay may malaking klinikal na pagpapakahulugan: mayroon itong ipinahihiwatig tungkol sa pagdebelop ng nervous system ng bata.

Halimbawa: Ang kawalan ng plantar grasp reflex ay maaaring indikasyon ng spasticity o paninikip ng muscle dulot ng matagal na contraction ng muscle. Gayundin, ang pagkakaroon ng rooting reflex nang higit pa sa oras na dapat itong mawala ay maaaring indikasyon ng congenital cerebral injury.

Narito ang ilan sa reflexes ng mga bagong silang na sanggol na maaaring masuri sa bahay:

1. Ano Ang Moro Reflex?

Kung ang ulo ng bagong silang na sanggol ay mabilis magpalit ng posisyon, o kung ang  malakas na tunog ay nakagugulat sa kanya, iuunat niya ang kaniyang leeg, braso, at mga binti nang palabas at mabilis na pagsasamahin ang kaniyang mga braso.

Ang Moro o startle reflex ay taglay ng isang bagong silang ng sanggol sa kanyang pagkapangangak, tumitindi sa ika-2 buwan, at nawawala matapos ang ika-4 na buwan. Ang tuloy-tuloy na Moro reflex ay may kaugnayan sa intellectual disability at cerebral palsy.

Paano Ito Suriin:

Buhatin ang iyong anak habang sinisigurong ang kaniyang ulo, katawan, at mga binti ay may suporta. Matapos nito, mabilis na ibaba ang kaniyang ulo at katawan na parang mahuhulog. Mapapansin mong bigla niyang iuunat ang kanyang mga braso at binti, at mabilis na ilalapit ang mga ito sa kanyang katawan.

Tandaan na ang Moro reflex ay dapat makita sa parehong bahagi ng katawan. Kung ito ay nasa isang bahagi lamang, dalhin ang iyong anak sa pediatrician.

2. Ano Ang Grasp Reflex (Palmar Grasp Reflex)?

Ano ang grasp reflex? Upang hindi malito sa plantar grasp reflex, ang palmar grasp reflex ay nauugnay sa palad ng mga sanggol. Mapapansin mong kung may ilalagay kang bagay sa kanyang kamay, mahigpit niya itong hahawakan.

Ang reflex na ito taglay ng sanggol sa kanyang pagkasilang at nawawala sa kanyang ika-5 hanggang ika-6 na buwan.

Paano Ito Suriin:

Ilagay ang iyong daliri sa bukas na palad ng iyong anak; hintayin itong kusa niyang hawakan.

Tandaan na ang paghawak ng sanggol ay maaaring sobrang lakas sa puntong maaari mo siyang maiangat sa kanyang hinihigaan. Subalit huwag itong susubukan dahil ang mga sanggol ay walang kontrol sa kanilang pagkahawak at maaaring biglaan nila itong bitawan.

3. Ano Ang Rooting Reflex?

Ang isa pang reflex na maaaring suriin sa bahay ay ang rooting reflex. Makatutulong ang reflex na ito upang mahanap ng sanggol ang utong o bote ng gatas upang makakain.

Ang rooting reflex ay taglay ng sanggol simula sa kanyang pagsilang at tumatagal lamang ng 4 hanggang 6 na buwan. Kung ito ay nananatili pa rin makalipas ang nasabing buwan, ang sanggol ay maaaring maglaway at ang kanyang dila ay labis na mapoposisyon sa unahan ng bibig. Ang tuloy-tuloy na rooting reflex ay may kaugnayan din sa cerebral palsy.

Paano Ito Suriin:

Dahan-dahang haplusin ang pisngi ng iyong anak o ang paligid ng kanyang bibig. Panoorin mong igalaw ang kanyang ulo sa direksyon kung saan mo ito hinaplos.

4. Ano Ang Sucking Reflex?

Kung ang rooting ay nakatutulong sa sanggol mahanap ang pinagmulan ng pagkain (utong, bote), ang sucking reflex ay nakatutulong sa kanilang pagkain hanggang sa madebelop ito sa isang kakayahan.

Ang sucking reflex ay taglay na ng sanggol bago pa man ito ipanganak; maaari makita ang sanggol na isinasagawa habang sumasailalim sa ultrasound. Matapos ang 2 hanggang 3 buwan, ang pagsuso ng sanggol ay hindi na isang reflex; ito ay isa ng kusang gawi ng sanggol.

Paano Ito Suriin

Ilagay ang utong (bote o dede), pacifier, o malinis na daliri sa loob ng bibig ng sanggol. Kusa nila itong pipisilin sa pagitan ng kanilang dila at ngalangala.

5. Ano Ang Grasp Reflex (Plantar Grasp Reflex)?

Ang plantar grasp reflex ay kung ang hinlalaki ng paa ng sanggol ay tumiklop palikod at ang ibang mga daliri sa paa ay naghiwalay-hiwalay habang hinahawakan mo ang kanyang paa.

Taglay ito ng sanggol sa kanyang pagsilang pa lamang at dapat mawala matapos ang 9 hanggang 12 buwan. Ang matinding plantar grasp reflex ay may kaugnayan sa tiyak na uri ng cerebral palsy.  Samantala, ang matagal na pagkakaroon ng plantar grasp reflex  ay maaaring may kaugnayan sa mental retardation.

Paano Ito Suriin:

Dahan-dahang haplusin ang paa ng iyong anak mula sa talampakan patungo sa palad sa ilalim na bahagi ng mga daliri ng paa. Panoorin kung paano tumiklop ang kanyang mga daliri sa paa.

6. Tonic Neck (Fencing) Reflex

Nangyayari ang tonic neck reflex kung iniunat ng bagong silang na sanggol ang kanyang mga braso at binti kung saan bumaling ang kanyang ulo.

Taglay na ng sanggol ang reflex pagkasilang pa lamang sa kaniya at nawawala pagsapit ng ika-5 hanggang 7 buwan.

Paano Ito Suriin:

Habang ang sanggol ay nakahigang nakalapat ang likod, dahan-dahang ibaling ang ulo nito pakanan. Pansinin kung paano niya iuunat ang kanyang kanang braso at binti at  kung paano niya ibaluktot ang kanyang kaliwang paa (parang posisyon sa fencing). Kung ibabaling mo ang kanyang ulo pakaliwa, mangyayari ang kabaligtarang posisyon.

Ang reflex na ito ay banayad lamang kaya’t maaaring hindi mapansin. Dagdag pa, hindi ginagawa ng mga sanggol ang reflex na ito kung sila ay naiistorbo o umiiyak.

Gayunpaman, mapapansin na ang fencing reflex ay pantay lamang sa parehong bahagi. Kung ito ay makikita lamang sa isang bahagi, kumonsulta sa doktor.

Key Takeaways

Ano ang grasp reflex, rooting reflex, Moro reflex at iba pa? Ang reflexes ng mga bagong silang na sanggol ay mahalagang indikasyon ng pagdebelop ng nervous system at paggana nito. Kung mapansin na may mali sa reflexes ng iyong anak, huwag mag-alinlangang kumonsulta sa pediatrician tungkol sa iyong obserbasyon.

Matuto pa tungkol sa Pag-Aalaga ng Sanggol dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

1 Neural Mechanism and Clinical Significance of the Plantar Grasp Reflex in Infants, https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S0887899410001773, Accessed October 7, 2021

2 Rooting Reflex, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK557636/, Accessed October 7, 2021

3 Moro Reflex, https://www.sciencedirect.com/topics/medicine-and-dentistry/moro-reflex, Accessed October 7, 2021

4 Newborn Reflexes, https://www.healthychildren.org/English/ages-stages/baby/Pages/Newborn-Reflexes.aspx, Accessed October 7, 2021

5 Infant reflexes, https://medlineplus.gov/ency/article/003292.htm, Accessed October 7, 2021

6 Newborn Reflexes, https://www.urmc.rochester.edu/encyclopedia/content.aspx?ContentTypeID=90&ContentID=P02630, Accessed October 7, 2021

Kasalukuyang Version

11/07/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Rubilyn Saldana-Santiago, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Hindi Mapatahan Si Baby? Narito Ang 5 Tips!

Anong Marapat Gawin Kung May Singaw Si Baby?


Narebyung medikal ni

Rubilyn Saldana-Santiago, MD

Pediatrics


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement