backup og meta

Paano Gamitin Ang Electric Breast Pump?

Paano Gamitin Ang Electric Breast Pump?

Maaaring ikaw ay lubhang nabahahala ngayong malapit nang matapos ang iyong maternity leave. Marahil, gusto mo nang bumalik sa trabaho subalit natatakot kang hindi mo na maisasagawa ang pagpapasuso sa iyong anak. Maaaring may ilang kaibigan kang nagrekomenda ng paggamit ng electric breast pump upang makapaglabas ka pa rin ng gatas habang ginagawa ang iyong trabaho. Subalit paano nga ba ito gamitin?

Habang umuunlad ang mundo, nagiging madali ang pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Sa usapin ng pagpapasuso, ang teknolohiya ay nakatutulong sa mga ina na pagsabayin ang kanilang mga tungkulin bilang ina at manggagawa.

Ano Ang Electric Breast Pump?

Ang electric breast pump ay gumagamit ng kuryente upang makatulong sa paglabas ng gatas mula sa suso ng ina.

Angkop para sa iyo ang ganitong uri ng breast pump kung ikaw:

  • Madalas na kailanganing mag-pump at mag-ipon ng breastmilk
  • May problema sa pagpapasuso
  • Gustong makapagbigay ng breastmilk sa iyong anak subalit walang oras para sa madalas na pagpapasuso

Sa usapin ng efficiency, mas mainam ang electric pumps kaysa sa manual pumps. Nakatutulong ito sa mga ina na matamo ang produksyon ng gatas kung piliin man nilang magbigay ng breast milk gamit ang bote. Dagdag pa, ang ganitong uri ng breast pump ay nagbibigay ng mas mabilis na paraan upang makapaglabas ng gatas.

Pagpili Ng Angkop Na Electric Breast Pump

May ilang iba’t ibang uri ng electric breast pump mechanisms na maaari mong pagpilian. Mula sa handheld, battery-powered models, hanggang sa electric breast pumps na isinasaksak sa outlet.

Single-Breast Electric Breast Pump

Ito ang pinaka cost-effective na opsyon kung minsan lang o saglit lang magpa-pump.

Tinatawag din itong mini electric pump, na may motor. Ito ay gumagana sa pamamagitan ng kuryente o baterya. Isang suso lamang ang maaaring i-pump nito sa iisang pagkakataon.

Double-Breast Electric Breast Pump

Kung nagmamadali ka, ang opsyong ito ang para sa iyo. Sa pamamagitan nito, napadadali ang pagpa-pump nang kalahating oras kumpara sa single-breast electric breast pumps.

Hospital-Grade Pump

Pinakamainam na opsyon ang hospital-grade pump kung ang iyong anak ay may sakit o premature. Ito ay kadalasang may mas malaking motor na nagpa-pump nang mas episyente.

Itinuturing ito ng mga doktor bilang multiuser pump dahil maaari itong gamitin ng maraming mga kababaihan nang ligtas.

Mainam din ito kung sinusubukan ng isang inang magkaroon ng sapat na supply ng gatas para sa kanyang anak.

Paggamit Ng Electric Breast Pump

Narito ang ilang mga payo sa paggamit ng electric breast pump.

  • Laging siguraduhing malinis ang iyong kamay bago hawakan o ilantad ang iyong suso sa device.
  • Tiyaking ang pump, bote, at lahat ng iba pang mga bahagi ay malilinis din at pinakuluan.
  • Simulang imasahe ang iyong suso sa loob ng ilang minuto. Makatutulong ito sa let-down reflex.
  • I-on ang makina at ilagay ang breast shield o funnel sa ibabaw ng iyong utong. Magsimula sa mabagal na takbo, pinakamainam ang pinakamababang setting. Maaaring kailangain ng ilang minuto bago magsimulang dumaloy ang iyong gatas, subalit kapag nagsimula na ito, maaari nang bilisan ang takbo.
  • Kapag nagsimulang bumagal ang produksyon ng iyong gatas, mag-pump naman sa kabilang suso. Saka muli itong balikan dahil maaaring mas marami pang gatas ang lalabas. Natural lamang na ang isang suso ay makapagprodyus ng mas maraming gatas kaysa sa isa.
  • Tanggalin ang breast shield at lagyan ng takip ang bote matapos makapag-pump sa parehong suso.

Tulad ng anumang iba pang pumped breastmilk, maaaring ilagay ito agad sa refrigerator o iwan sa room temperature sa loob ng ilang oras. Huwag kalimutang hugasan at pakuluan ang lahat ng bahagi ng pump tuwing matapos gamitin.

Key Takeaways

Ang paggamit ng electric breast pump ay maaaring makatulong sa iyong trabaho habang naibibigay pa rin sa iyong anak ang mga benepisyo ng breastmilk. Subalit siguraduing humingi ng medikal na payo kung nakararanas ng pananakit at hindi komportableng pakiramdam habang gumagamit ng pump.

Matuto pa tungkol sa Pagpapasuso dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

5 Things to Know About Buying and Using Breast Pumps, https://utswmed.org/medblog/breast-pumps/, Accessed December 23, 2021

Expressing Your Breast Milk, https://www.nhs.uk/start4life/baby/feeding-your-baby/breastfeeding/expressing-your-breast-milk/expressing-with-a-pump/, Accessed December 23, 2021

Learning About Using a Breast Pump, https://myhealth.alberta.ca/Health/aftercareinformation/pages/conditions.aspx?hwid=ace2953, Accessed December 23, 2021

Breast Pumps, https://www2.hse.ie/wellbeing/babies-and-children/breastfeeding/expressing-pumping/breast-pumps/#mini-electric-pump, Accessed December 23, 2021

Using a Breast Pump, https://www.thewomens.org.au/images/uploads/fact-sheets/Using-a-breast-pump-060219.pdf, Accessed December 23, 2021

Kasalukuyang Version

01/16/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Milk Code: Ano Ito, at Bakit Ito Mahalaga? Alamin Dito

Maaari bang Uminom ng Multivitamins ang Nagpapadede?


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement