Ang pagpapagatas ay isang natural na yugtong pinagdadaanan ng mga ina sa pagtatapos ng pagbubuntis. Maraming mga bagong ina ang nahihirapang magpasuso o mag-alaga ng sanggol. Kahit na tila madali lang na pagdaanan ang pagpapasuso, mayroon itong dalang sariling mga problema. Ang masakit na pagpapasuso ay isang karaniwang isyung hinaharap ng mga babae.
Bagaman hindi ito senyales ng seryosong kondisyon, pinakamainam pa ring malaman ang lahat ng bagay tungkol dito.
Masakit Na Pagpapasuso: Bakit Ito Nangyayari?
Thrush
Nangyayari ito kapag ang fungal infection ay nagdudulot ng hindi makayanang sakit sa suso. Kapag may thrush, walang nararamdamang masakit habang nagpapasuso, ngunit lumalabas ang sobrang sakit pagkatapos. Puwede ring magkaroon nito ang iyong baby. Maaaring magkaroon ng crack ang iyong mga utong o magkasugat dahil dito.
May dalawang paraan upang matingnan ito, ang isa ay sa pamamagitan ng pantal sa puwitan (diaper rash) ng iyong baby, at pangalawa, sa pamamagitan ng pagtingin sa white spots sa kanilang dila, labi, o gilagid.
Mahalagang mapanatili ang kalinisan kapag nagkaroon ka ng thrush. Labhan ang inyong feeding bras gamit ang mainit na tubig upang mahinto ang cycle ng impeksyon sa iyong mga damit.
Mastitis
Kabilang sa pagkakaroon ng mastitis ang pamamaga ng mga suso, na nagiging sanhi ng pananakit nito habang nagpapasuso. Dahil ito sa nabarang milk duct na hindi nailabas ang gatas nang maayos. Maraming maaaring sanhi nito gaya ng hindi tamang pagsipsip ng baby sa utong, o kung hindi natapos ni baby ang pagsuso sa isang utong at inilipat agad siya sa kabila.
May iba’t ibang paraan upang harapin ang mastitis. Ang isa ay ang patuloy na pagpapasuso. Mas maraming gatas ang naiinom ng iyong baby, mas nauubos ang laman ng baradong daluyan ng gatas. Isa pang paraan ay ang pagpapalabas o pagpiga upang lumabas ang gatas gamit ang iyong mga daliri o breast pump.
Maaari ding dulot ng bacteria na pumasok sa iyong suso ang mastitis. Kumonsulta sa iyong gynaecologist upang maunawaan ang eksaktong dahilan ng iyong mastitis at pananakit ng suso habang nagpapadede.
Breast Engorgement
Kapag nagsimula ka nang magpasuso, may posibilidad na maramdaman mong puno na ang iyong suso dahil sa suplay ng gatas. Minsan, may mga pagkakataon ding napupuno nang sobra ang gatas sa suso kaya’t nakararamdam ng pagsikip at pagsakit nito. Puwedeng magtuloy-tuloy ang breast engorgement kapag kaunti lang ang kailangan ng baby na gatas subalit napakarami mo namang gatas. Dahil dito, maaaring maging flat ang mga utong mo, na mauuwi sa maling pagsupsop ng baby.
Ang madalas na pagpapasuso ang unang solusyon sa breast engorgement. Nakatutulong ang madalas na pagpapasuso upang mabawasan ang tissue ng sobrang pagkapuno ng suso kalaunan. Dagdag pa, pwede kang mag-express ng breast milk gamit ang mga kamay mo o sa pamamagitan ng breast pump. Huwag gumamit ng masisikip na damit o hindi fit na bra, mapapalala lang nito ang problema.
Pwede mong subukan ang warm compress upang madagdagan ang sirkulasyon ng dugo na makapagpapawala ng sakit at bumabawas sa pamamaga. Puwede ring gumamit ng painkillers. Gayunpaman, kumonsulta muna sa iyong doktor tungkol dito upang maunawaan kung anong gamot ang puwedeng gamitin para sa masakit na pagpapasuso.
Baradong Milk Ducts
Nakararating ang gatas papunta sa iyong utong sa pamamagitan ng iba’t ibang daluyan. Puwede itong mabarhan kung hindi mauubos ng iyong baby ang gatas habang nagpapasuso ka. Maaari itong magdulot ng maliit na bukol sa iyong suso na dahilan upang sumakit ito habang nagpapasuso.
Ang pinakamabuting paraan upang matanggal ang mga nakabarang ito sa daluyan ng gatas ay sa pamamagitan ng madalas na pagpapasuso sa bahagi na may bukol. Puwede mo ring imasahe ang bukol papunta sa iyong utong habang nagpapadede ng iyong baby. Nakatutulong din ang warm compress upang matanggal ang bara sa mga daluyan ng gatas.
Bitak-Bitak Na Mga Utong
Bahagi na ng pagpapasuso ng sanggol ang pagkakaroon ng bitak, sugat, o madaling masaktang utong. Kadalasang nangyayari ito kapag hindi maayos ang posisyon ng baby habang nagpapasuso, o kung hindi maayos ang pagkakalapat ng bibig ni baby sa utong.
Kung magtuloy-tuloy ang nararamdamang sakit sa nabitak na mga utong, magpatingin na sa doktor. Isa pang solusyon ay sa pamamagitan ng pagtitiyak na nasa tamang paraan ng pagsupsop ang baby. Puwede mo ring padulasin ang iyong mga utong gamit ang iyong gatas. Makababawas ito sa sakit habang nagpapasuso.
Breast Abscess
Kapag hindi nagamot nang mabuti o sa tamang oras ang mastitis, puwede itong mauwi sa breast abscess, na isa pang dahilan ng masakit na pagpapasuso. Maaari din itong mangyari kung hindi tatalab sa mastitis ang madalas na pagpapasuso o pag-inom ng antibiotics. Gayunpaman, karamihan sa mga breast abscess ay dulot ng bacterial infection. Ang nana ay naiipon sa tissue ng suso at nagiging bukol.
Ang breast abscess ay puwedeng kusang lumabas, na may kasamang paglabas ng nana, o puwede itong tanggalin sa pamamagitan ng operasyon.
Maling Pag-latch
Nangyayari ang maling pag-latch kapag hindi makuha ng baby ang iyong utong at areola habang nagpapasuso. Magreresulta ito sa nabanggit na sa itaas na mga kondisyon gaya ng baradong daluyan ng gatas, sobrang suplay ng gatas, mastitis, o engorgement.
Kung nararamdaman mong mabigat ang iyong suso kahit katatapos mo lang magpadede, kumonsulta sa iyong doktor tungkol dito. Minsan, hindi magawa ng baby na mag-latch at hindi mo rin ito maiposisyon nang tama. Makatutulong ang iyong doktor upang masolusyonan ito sa simula pa lang.
Paano Masasabi Kung Gutom Na Si Baby
Ito ang mga karaniwang palatandaan na gutom na si baby, at makatutulong upang makapagtakda ka ng mas maayos na oras ng pagpapasuso:
- Ginagalaw nila ang kanilang mga kamay sa magkakaibang direksyon
- Gumagawa sila ng ilang hand gestures na parang nakakapit sila sa isang bagay
- Susubukan nilang ilagay ang kanilang kamao sa kanilang bibig
- Lilikha sila ng magkakaibang ingay
- Ginagalaw nila ang kanilang mga braso at binti
- Gagawa sila ng tunog o galaw na parang sumusupsop
- Sa oras na hawakan mo ang pisngi ng iyong baby, igagalaw niya ang kanyang ulo papunta dito na parang gusto niyang sumuso
- Ginagalaw nila ang kanilang mga mata na parang may hinahanap
Masakit Na Pagpapasuso: Mahalagang Dapat Tandaan
- Dahil ang maling pagpapasuso (latching) ay ang pinakaugat ng karamihan sa kaso ng pananakit ng suso na nabanggit sa itaas, tiyaking sa simula pa lang ay nagagawa na ito nang tama sa lalong madaling panahon
- Karaniwan ang pananakit ng suso sa yugto ng pagpapadede. Bagaman hindi dapat ito tumagal. Kumonsulta sa iyong doktor kung hindi mo na makaya ang sakit o kung magtuloy-tuloy pa ito nang higit sa tatlong araw.
- Huwag iinom ng anumang gamot nang walang reseta ng doktor. May posibilidad na humalo ang iniinom mong pain relievers sa iyong gatas at mapunta sa iyong baby. Mas makabubuting magtanong muna sa iyong doktor in case of emergencies.
- Ang pag-e-express ng iyong gatas ay maganda ring paraan upang madagdagan ang suplay mo ng gatas. Bukod sa sumususo sa iyo ang iyong baby, magbibigay rin ng hudyat sa iyong katawan na gumawa pa ng maraming gatas ang pagpipiga o pagpa-pump.
- Ang pananakit ng suso ay kadalasang may kasamang paninikip, sugat sa mga utong, o bukol. Tingnan ang mga senyales at maging lubos na maingat habang nagpapasuso. Maaari din itong hudyat ng mas malaking problema
- Kailangang ituloy ang pagpapasuso anuman ang sakit na maramdaman o problema. Huwag itong ihihinto maliban kung sabihin na ng doktor.
- Huwag magpapasuso pagkatapos mag-ehersisyo dahil nag-iipon ito ng lactic acid. At maaaring maging dahilan upang umayaw ang baby sa pagsuso.
- Makatutulong ang pagmamasahe ng iyong mga suso habang nasa yugto ng pagpapasuso upang magkaroon ng magandang sirkulasyon ng dugo at makatutulong din upang malaman mo kung may anumang masakit o bukol.
- Magsuot lamang ng maluluwag at preskong damit at huwag ikulong ang iyong suso. Tiyaking may suot kang nursing bra.
Tandaang anumang klase ng pananakit ng suso habang nagpapadede ay kailangang seryosohin.
Kaya naman, sundin ang tamang hakbang, at huwag mahiyang kumonsulta sa gynecologist kung kinakailangan.
Matuto pa tungkol sa Breastfeeding dito.