Ang paliligo sa ulan ay isang gawain na itinuturing na kasiya-siya para sa maraming tao, dahil sa mga benepisyong hatid nito sa atin, tulad ng pagpapahupa ng init ng ating katawan sa pamamagitan ng pagligo dito. Bukod pa rito, may mga pagkakataon na nagbibigay rin sa atin ng kakaibang karanasan ang pagligo sa ulan na maaaring magpapaalala sa atin sa simpleng kasiyahan ng buhay.
Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang pagligo sa ulan ay hindi laging ligtas, partikular sa ating mga anak. Kapag naulanan ang ating anak, maaari itong magdulot ng mga panganib sa kalusugan tulad ng pagkakasakit. Dahil ang mga pagbabagong temperatura at kahalumigmigan na kaakibat ng ulan ay maaaring magdulot ng pagbabago sa ating immune system. Kung saan ang mga batang may mahinang resistensya sa mga impeksyon ay lalong dapat mag-ingat upang hindi mahawa o magkasakit.
Kaya naman mahalagang maging maingat tayo bilang magulang sa mga panganib sa kalusugan na maaaring kaakibat ng paliligo ng ating anak sa ulan. Ang pagkakaroon ng tamang kaalaman, paghahanda, at pag-iingat ay importante upang mas maprotektahan natin ang ating mga anak mula sa sakit.
Para magkaroon ka pa ng mga kaalaman tungkol sa mga sakit na maaaring makuha ng iyong anak kapag naulanan, patuloy na basahin ang article na ito.
5 Posibleng Sakit Na Pwedeng Makuha Ng Iyong Anak Kapag Naulanan
Narito ang ilang mga posibleng sakit na maaaring makuha ng isang bata kapag sila ay naulanan:
- Sipon at Trangkaso
Ayon sa mga doktor ang exposure sa malamig at basang kapaligiran ay maaaring magdulot ng sipon at trangkaso sa isang bata, dahil sa pagbabago ng temperatura at kahalumigmigan. Kadalasan may mga kasama itong sintomas gaya ng lagnat, ubo, pamamaga ng lalamunan, at pagkahapo. Ang mga sintomas na ito ay maaaring magpalala sa kondisyon ng anak, kaya mainam kung hihingi ka ng medikal na payo sa mga doktor kung paano ito pwedeng gamutin.
- Pneumonia
Batay naman sa iba’t ibang pag-aaral at artikulo, ang malamig at basang kapaligiran ay pwedeng magdulot ng pamamaga ng baga o pneumonia. Ito’y isang uri ng impeksyon sa baga na nagdudulot ng lagnat, ubo na may plema, kahirapan sa paghinga, at pamamaga ng dibdib. Sa oras na makita ang mga sumusunod na sintomas sa anak, maaari kang kumonsulta sa doktor para makakuha ng angkop na diagnosis at paggamot.
- Skin Infections
Ang basang balat at kahalumigmigan ay maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng impeksyon sa balat tulad ng fungal infection o buni, cellulitis, at iba pa. Ito ay nagdudulot ng pamamaga, pangangati, at iba pang mga sintomas sa balat. Ang mga sintomas na ito ay maaaring maging sanhi ng pagkakatoon nila ng iritasyon sa balat.
- Sore Throat
Kapag naulanan ang isang bata, maaaring maging sanhi ito ng pamamaga ng kanilang lalamunan, na pwedeng humantong sa sakit sa lalamunan o sore throat. Kadalasan may kasamang kirot ang sore throat, at hirap sa paglunok ang isang indibidwal.
- Hypothermia
Ang matagal na exposure sa malamig na kapaligiran na dulot ng ulan ay maaaring magdulot ng hypothermia sa isang bata. Ito’y isang kondisyon kung saan bumababa ang temperatura ng katawan nang labis na maaaring maging mapanganib sa isang bata, at magdulot ng pagkapagod, pagkabalisa, at iba pang mga sintomas.
Paalala ng mga doktor
Kapag naulanan ang iyong anak, mahalagang bantayan mo bilang magulang ang mga sintomas ng pagkakasakit, at kumunsulta agad sa isang propesyonal na pangkalusugan, lalo na kung may mga alalahanin sa kalusugan ng bata matapos silang maulan.
Huwag mo ring kakalimutan na ang maingat na pangangalaga sa anak ay mahalaga para maiwasan ang mga komplikasyon at mapanatili silang malusog at walang sakit. Tandaan mo rin na ang paliligo sa ulan ay hindi laging mapanganib, lalo na kung maliligo ang iyong anak na may sapat na pag-iingat, at nagtataglay sila ng malakas na resistensya.
[embed-health-tool-vaccination-tool]