Masakit para sa magulang ang pagsagot ng bata sa kanila— sa paraang nakakabastos at hindi maganda. Kung saan ang mga pagsagot ng pabalang ng anak ay nag-iiwan ng sugat sa puso ng bawat magulang, pero kung ating iisipin ano nga ba ang posibleng dahilan ng kanilang pagsagot at bakit nagkakaroon nagiging pabalang at bastos ang kanilang paraan ng pakikipag-usap?
Ayon sa pahayag ng isang bata na nainterbyu para sa artikulong ito, natuto siyang sumagot dahil naramdaman niya ang kawalan ng karapatan sa pagsasabi ng kanyang damdamin.
“Para po kasing naipon ‘yung mga bagay na gusto kong sabihin. Everytime na may argument kami ng mama ko pakiramdam ko nade-deprive ako dahil hindi ako pwede sumagot, kaya po one time sumabog na lang ako.”
Mula sa pahayag na sinabi ng bata sa artikulong ito, marahil ngayon ay mas napapaisip ka sa mga posibleng dahilan pa ng pagsagot ng bata sa magulang.
Basahin ang artikulong ito para malaman ang iba pang kadahilanan.
Pagsagot Ng Bata Sa Magulang Ng Pabalang
Hangga’t maaari pinipilit ng bawat magulang na maturuan at madisiplina ng wasto ang kanilang mga anak. Kaugnay nito hindi maiiwasan na may mga pagkakataon na nagagalit ang mga magulang kapag sumasagot-sagot ang mga bata, dahil pakiramdam nila ay wala ng respeto ang kanilang anak o nawawala na ang authority nila bilang magulang.
[embed-health-tool-child-growth-chart]
Para maiwasan ang pagkakaroon ng malalim na tampuhan at hidwaan sa pagitan ng anak at magulang, narito ang mga dahilan kung bakit sumasagot ng pabalang ang anak sa kanyang magulang:
-
Pagdedebelop Ng Independence Ng Bata
Mahalaga para sa mga bata na maipahayag ang kanilang damdamin at matutunan ang wastong paggamit nito, dahil habang lumalaki ang bata sinusubukan din nila i-test ang kanilang “independence ideas”. Kung saan maaaring maganap ang pagsang-ayon at hindi pagsang-ayon ng mga magulang sa ideya ng kanilang mga anak na maaaring mauwi sa pagtatalo nila at hindi pagkakasundo.
-
Pagsikap Ng Bata Na Balansehin Ang Kanilang Privacy
Maaaring hindi ito madalas mapansin ng mga magulang sa anak, pero ang mga bata ay sumusubok din na mabalanse ang kanilang pangangailangang pampribado o privacy. Nagiging dahilan ito kung bakit rude at disrespectful ang pagsagot ng bata sa kanilang mga magulang. Maaaring pakiramdam nila na nai-invade ang kanilang personal space.
-
Pagsagot Ng Bata: Pag-Unlad Ng Utak
Sa paglaki ng mga bata, nagkakaroon din sila ng brain development kung saan ang kanilang mood ay maaaring mabilis na magbago. At kaugnay nito, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya nilang i-handle ang pagbabago sa kanilang pakiramdam at reaksyon sa araw-araw. Ang mga pangyayari ay maaaring humantong sa pagiging over-sensitive ng bata. At ito’y nagreresulta ng pagiging bugnutin at pagsagot ng bata sa hindi magandang paraan. Dahil ang brain development ng bata ay maaaring makaapekto sa pag-emphatize at pag-unawa nila, partikular sa perspektibo ng ibang tao at kanilang mga magulang.
-
Ginagalawang Environment Ng Bata
Isa ito sa malaking factor kung bakit natututong sumagot ng pabalang ang bata sa magulang. Kung nakikita niya na normal lamang ito, malaki ang posibilidad na gayahin niya ito.
Makikita sa bahagi na ito na napakalaki ng papel na gampanin ng bawat magulang sa kanyang mga anak dahil ayon sa Child Development Specialist na si Claudette Tandoc, dapat na tingnan at suriin ng magulang ang kanilang paraan ng pagdidisiplina. Sapagkat may malaking impact ito sa pagdebelop ng kanilang pag-uugali at pagsagot ng bata sa magulang.
-
Pagpigil sa mga bata sa pagsagot
“Kapag kasi pinapagalitan ako ng mama ko, kailangan tahimik lang ako tapos hindi sasagot kasi bastos daw ako ‘pag sumagot, eh madalas nasasaktan na ‘ko minsan sa mga sinasabi.”
Ayon sa isang pahayag ng bata hindi naman daw n’ya ugali ang pagsagot sa magulang. Pero dahil sa mga naipon na sama ng loob kapag pinapagalitan, natuto siyang sumagot.
“No’ng time po na sobrang nasaktan ako sa away namin ng mama ko nakuha ko pong sumagot as in ang lakas po ng boses ko at hindi po nakaka-proud ‘yung ginawa ko kasi mali na maging bastos sa parent. Kaya lang after po ng pagsagot ko, medyo gumaan ang loob ko kasi pakiramdam ko po nasabi ko po ang nararamdaman ko.”
Mga Paraan Para Maiwasan Ang Pagsagot Ng Bata Sa Maling Gawi
Iba-iba ang dahilan at paraan ng mga magulang sa pagdidisiplina at pagpapalaki sa anak. Makikita na hindi talaga biro ang pagiging magulang. Isa sa mga pangunahing tungkulin ng magulang ang hubugin sa tamang paraan ang kanilang mga anak.
Narito ang mga sumusunod na tips para maiwasan ang pabalang na pagsagot sa magulang:
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay epektibo ang pagpapakita ng galit sa anak para maturuan sila ng wastong pag-uugali. Mainam na kausapin sila ng masinsinan kung saan dapat maramdaman ng bata ang iyong sensiridad at pagmamahal. Makatutulong ito para mas magkaunawaan kayo at maging mas malapit sa isa’t isa.
-
Pagkilala Sa Kanilang Privacy
Ang pagrespeto sa kanilang personal space ay nakatutulong upang maipadama sa bata na nagtitiwala ka sa kanila. Bilang magulang responsibilidad mo na bigyang pansin ang pangangailangan nila. Ngunit hindi mo dapat sila huhusgahan at gawin ito sa pamamagitan ng pagpapayo sa kanila sa mga bagay na dapat tandaan at isagawa.
-
Pagbibigay Ng Kalayaan Sa Paglalahad Ng Kanilang Damdamin At Opinyon
Tandaan, hindi dahil sumagot ang bata, bastos na agad ito. Maaaring nagbibigay lamang sila ng opinyon o nagpapahayag ng damdamin. Maganda na hayaan silang maging vocal para matutunan din nilang maging tapat at open sa magulang. Mahalaga din na masabi ng mga bata kung komportable ba siya sa paraan ng pagtrato sa kanya ng mga nakatatanda.
-
Pagtuturo Ng Wastong Pamamaraan Sa Pagsagot
Malaking bagay kung ang bawat magulang ay matuturuan ang anak na magpahayag ng damdamin at opinyon sa tamang paraan. Ang pagiging assertive ng mga bata na hindi nawawala ang paggalang sa mga nakatatanda ay maganda.
Para maturuan sila, papasok dito ang pamamaraan ng magulang sa pagdidisiplina. Kailangan maging maingat ang mga magulang at maging role model sa mga anak. Hindi rin sila kinakailangan na konsintehin sa mga bagay na ginagawa nila— lalo na kung mali. Ang pagpuna sa kanila sa wastong paraan ay makatutulong para maisip nila ang tama at mali sa pagsagot.
-
Pagrespeto Sa Kanilang Nararamdaman At Opinyon
Ang pag-validate ng kanilang nararamdaman, ideya at opinyon ay nakatutulong para maramdaman nila na may halaga at boses sila. Kapag naramdaman ng bata na may halaga sila mas madali para sa kanila na matutong gumalang sa kapwa.
Key Takeaways
Ang pagsagot ng bata sa paraan ng pagiging pabalang at bastos ay mali. At upang maiwasan ito magandang alamin ang sanhi nito. Ang pag-alam ng mga kadahilanang ito ang susi para malaman ang pinag-uugatan ng problema sa pabalang na pagsagot ng bata. Sa oras na makita ang ugat ng pag-uugali ng bata mas madali para sa atin na turuan at iwasto sila. Subalit dapat din tandaan na maging bukas sa lahat ng posibilidad kung bakit naging pabalang ang pagsagot ng mga bata. Ang pagtanggap ng mga kadahilanang ito ay isang mabisang paraan para matulungan ang isa’t isa na masolusyunan ang problema.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.