Sa kultura ng Pilipino, maraming magulang ang natutuwa sa pagmumura ng kanilang anak sa murang edad. Habang ang iba naman ay labis na nababahala dahil isa itong senyales ng pagiging bastos ng bata, at pag-develop ng pag-uugaling hindi maganda.
“No’ng una tuwang-tuwa kami, kasi kahit nagmumura, atleast nagsasalita na ‘yung bata sa amin. Kaya lang no’ng nagtagal at talagang natuto, hindi na naging maganda. Medyo off na pakinggan, lalo na kapag may ibang tao sa bahay,” pahayag ni Karen. Hindi niya tunay na pangalan.
Si Karen ay ina ng 3 taong gulang na batang babae. Natutong magmura ang kanyang anak noong 2 taon na ang edad nito.
“Lagi n’ya ring kasing naririnig sa mga kapit-bahay. Tapos minsan ‘yung mga matatanda sa loob ng bahay namin naririnig na magmura. Kaya feeling ko, kahit ‘di tinuruan, na-adapt na lang,” ayon kay Karen.
Isang malaking suliranin para sa magulang ang pagmumura ng anak. Sapagkat, pwede itong maging dahilan ng pagkatuto ng bata sa maling paraan ng pagpapahayag ng damdamin. Basahin ang artikulong ito para sa ilang tips kung ano ang dapat gawin kapag nagmumura ang iyong anak.
Paano natutunan ng bata ang magmura?
Ayon kay Dr. Sperling, isang clinical psychologist, ang panggagaya o imitation ay malaking bahagi ng development ng bata. Sa madaling sabi, kung ano ang nakikita at naririnig ay pwedeng gayahin ng anak.
Dagdag pa ni Dr. Beresin, ang executive director ng Clay Center for Young Healthy Minds. Ang tahanan ay isang safe place para magalit. Kaya hindi nakapagtataka kung maririnig minsan ang bata o matanda na nagmumura sa bahay.
Malaking suliranin kung mismo sa bahay natutunan ng bata ang paggamit ng mura. Narito ang advices na maaaring gamitin ng magulang upang maitama ang anak.
Basahin dito.
Mga tips sa mga dapat gawin kapag nagmumura ang bata
1.Huwag magalit agad sa pagmumura ng bata
Mas maganda kung hindi magagalit agad sa anak kapag narinig na magmura. Bagkus, ang dapat gawin ay kalmadong kausapin ang anak — at tanungin bakit niya ito nasabi. Pagkatapos, saka paliwanagan ang anak na hindi dapat nagmumura. Lalo’t hindi angkop sa kanyang edad.
2.Tanungin kung saan narinig ang pagmumura
Mainam na alamin mo kung saan naririnig ng anak ang pagmumura. Sa ganitong paraan, makakatulong ito para mabawasan ang risk ng pagkatuto ng anak sa pagsasabi ng “mura” — at maiiwasan din na makalakihan niya ito.
3.Pagtatanong sa bata tungkol sa magiging damdamin ng ibang tao sa kanyang pagmumura
Ipinapayo na kausapin ang iyong anak tungkol sa damdamin ng ibang tao. Itanong sa kanya kung ano ang pwedeng maramdaman ng iba sa kanyang pagmumura. Malaking bagay ito, para mas maintindihan niya na pwedeng makasakit ang mga salita. Ang pagpapaunawa sa kanya na pahalagahan ang damdamin ng kapwa ay maganda para hindi niya tangkilikin ang pagmumura.
4.Turuan ng magandang asal ang bata
Habang nasa murang edad pa ang anak. Dapat turuan na silang gumalang sa kanilang kapwa. Isa sa maaaring ituro sa kanya, ang pakikipag-usap ng maayos sa tao. Pwede kang lumikha ng conversational activity sa pagitan ninyong dalawa para mapaunlad din ang kakayahan ng bata sa pagsasalita at maiwasan ang speech delay.
5.Gumamit ng ibang salita o vocabulary na mas angkop sa sitwasyon
Minsan kapag galit ang tao, hindi nito maiwasan na makapagmura. Mainam na kontrolin ang ating mga sarili at pag-isipan ang mga salitang bibitawan. Sapagkat, ang lahat ng mga naririnig na salita ng bata ay pwede nilang gayahin sa hinaharap. Kapag naman nagmura ang bata, hindi ito dapat murahin din. Dahil maaari itong mauwi sa pag-tantrums ng bata, o mas lumala ang sitwasyon. Ang pagsasabi nila ng mura ay hindi kaaya-aya at nakakagalit. Subalit, mas mainam na gumamit ng ibang angkop na mga salita para pagsabihan sila. Hindi pananakot at paninindak ang laging solusyon sa pagdidisiplina ng bata.
6.Pagiging mabuting halimbawa
Kung ang bata ay nagmura, mainam na pagsabihan sila. Ngunit, dapat ikaw sa sarili mo ay isang mabuting halimbawa. Hindi ka papaniwalaan ng bata sa sinasabi mo — na maaaring makasakit ang mura at maging nakakabastos. Kung ikaw mismo ay ginagawa ang pagmumura. Kaya dapat sikapin mo munang maging ehemplo o role model sa kanila.
Key Takeaways
[embed-health-tool-vaccination-tool]