backup og meta

Pagdisiplina Ng Bata: Heto Ang Dapat Mong Tandaan

Pagdisiplina Ng Bata: Heto Ang Dapat Mong Tandaan

Hindi madali ang pagiging magulang. Kailangan mong pagsabay-sabayin ang maraming bagay — mula sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng iyong anak hanggang sa pag-aalaga ng kanilang mental health. At isa sa pinakamahirap na bahagi ng pagiging magulang ang pagtitiyak na tama ang ikinikilos o pag-uugali niya. May mga magulang na nagsasabing mahirap ang pagdisiplina ng bata dahil nangangailangan ito ng panahon at pasensya. Kung isa ka sa mga magulang na nahihirapang magtakda ng limitasyon sa iyong anak, narito ang ilang epektibong paraan sa pagdisiplina ng bata upang turuan ang iyong anak ng mga mabuting pag-uugali. 

Ano Ang Disiplina?

Ang salitang “disiplina” sa pangkalahatan ay nagbibigay ng imahen ng pagpalo sa puwit ng bata, paninigaw, pagkukulong ng bata sa bahay, at iba pang porma ng pagpaparusa. Ngunit ang salitang ito ay may taglay na mas positibong kahulugan.

Sa kaibuturan ng prosesong ito, ang pagdisiplina ng bata ay may layuning maabot ang mga sumusunod na tunguhin:

  • Protektahan ang mga bata sa posible o nakaabang panganib
  • Ituro ang pagkontrol at pagdisiplina sa sarili sa mga bata
  • Tulungan ang mga batang maging responsable sa kanilang ikinikilos
  • Tulungan ang mga batang linangin o pagyamanin ang values

Paano ngayon didisiplinahin ng mga magulang ang kanilang anak? Ang epektibong pamamaraan at estratehiya sa pagdisiplina ng bata ay nagtatakda ng limitasyon habang nagtuturo sa mga bata kung paano kokontrolin ang kanilang mga sinasabi, ikinikilos, at pag-uugali. Kailangang ikonsidera ang ugali mo bilang magulang, ugali ng iyong anak, at ang mga paniniwala ng inyong pamilya pagdating sa pagdisiplina ng bata. 

Ibig sabihin lang nito, ang epektibo para sa isang bata ay maaaring hindi maging epektibo para sa iba. Kaya’t lalong mahalaga na matutuhan mo ang iba’t ibang estratehiya upang ma-adjust ang pamamaraan ng pagdidisiplina sa iyong anak.

Mga Pamamaraan ng Pagdisiplina ng Bata

Sabihin At Ipakita

May mga teorya sa child development na nagsasabing natututo ang mga bata sa pamamagitan ng panonood at panggagaya sa matatanda. Ito ang mas mabisang paraan upang makakuha ng kaalaman, pag-uugali, kasanayan, at mga tradisyon ang mga bata mula sa mga naunang henerasyon. Ito rin ang mas mabilis at mas ligtas na paraan kaysa gawin ito sa pamamagitan ng independent study.

Kaya’t sadyain ang pagpapakita ng pag-uugaling nais mong gayahin ng iyong anak. Kung nais mong maging kalmado ang iyong anak, maging kalmado ka sa harap ng pressure. Kung nais mong matuto ang iyong anak na magbigay, magbahagi ka ng anumang bagay sa kapwa mo. At ipakita sa iyong anak na “Nagbibigay si Nanay ng pagkain.”

Magtakda Ng Tuntunin

Magtakda ng meeting ng buong pamilya upang mailatag at maipaliwanag ang mga tuntuning dapat sundin ng bawat isa. Maging consistent sa pagpapatupad nito at sa consequences na mangyayari sa iyong anak (maging sa lahat ng miyembro ng pamilya) kapag hindi sumunod sa tuntuning napag-usapan. Hindi naman ito kailangang maging spartan rules. Gawin ito na akma sa kanilang edad at ipaliwanag sa paraang maiintindihan ng iyong anak.

Halimbawa, pagdating sa mga paraan ng pagdisiplina ng bata, pwede kang magtakda ng tuntunin na nagsasabing kailangang itabi ng iyong anak ang kanyang mga laruan pagkatapos gamitin sa maghapon. Kapag hindi ito nagawa ng bata, agad na sinisigawan ng maraming magulang ang bata. Para sa mga malikhaing magulang, pwede kang magbigay ng positibong parusa gaya ng hindi pagpayag na magamit ng iyong anak ang mga laruan sa susunod na araw, na dahilan para makatulog siya nang maaga, o magdagdag ng gawain niya sa gabi. 

Para sa preschoolers, ang popular na parusa ay ang time-out. May mga magulang na nagtatakda ng tiyak na oras lamang ng time-out, habang ang iba ay hinahayaan ang kanilang mga anak na manatili sa time-out hanggang sa maging okay na sila. 

Makipag-Usap

Gaya ng nabanggit sa itaas, nais mong disiplinahin ang iyong anak upang may matutunan siyang aral. Gayunpaman, ang pagkatuto ay palaging “two-way street.” Maging handang makinig sa gustong sabihin ng iyong anak at maghanap ng mga posibleng solusyon sa problema. Maaaring maging mahirap ang proseso ng pagdisiplina ng bata lalo na kung masyado pang bata ang iyong anak. Ngunit gumamit ng simple, at eksaktong mga pangungusap, at huwag puputulin kapag nagsasalita ang iyong anak.

Makatutulong ang pakikipag-usap upang maituon mo ang atensyon sa iyong anak. Mayroon itong ilang positibong epekto. Isa na nga rito ang pagbibigay ng atensyon sa iyong anak na kanyang hinahanap mula sa kanyang magulang.

Subaybayan Ang Behavior Patterns Ng Iyong Anak

Kung nagpapakita ng hindi magandang pag-uugali ang iyong anak, kailangan mo ngayong alamin ang pinakadahilan ng problema. Makatutulong ito sa iyo upang makapagplano para sa mga event na maaaring magkaroon ng problema gaya ng family gatherings.

Sa pagsubaybay sa iyong anak, matututunan mo rin kung kailan kailangang ituon sa iba (redirection) ang kanyang masamang ikinikilos. Madalas na maraming energy ang mga bata, at ang hindi magandang ikinikilos ay resulta minsan ng pagkabagot. Sa pamamagitan ng pagtuon ng kanyang lakas sa ibang bagay gaya ng paglalaro o paggawa ng gawaing bahay, natuturuan mo ngayon ang iyong anak ng aral.

Ang redirection ay nakapagbibigay rin sa iyong anak ng kakayahang pumili sa dalawang gawain. Ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magdesisyon kung ano ang pipiliin nilang gawin ay isang exciting na gawain para sa isang preschooler

Ngunit kailangan mo ring malaman kung kailan hindi dapat pansinin ang pangit na ikinikilos ng iyong anak. Halimbawa, kung palaging sinisira ng iyong anak ang kanyang mga laruan, pwede mong sabihin na darating ang araw na wala na siyang laruang magagamit. Kung patuloy pa rin itong gagawin ng iyong anak, hayaan mo na lamang. Natural na mangyari ang resulta ng kanyang maling ginagawa (maubos ang kanyang laruan). 

Purihin Sila

Huwag mo lang pansinin ang pangit niyang ikinikilos o ugali. Pansinin mo rin ang maganda niyang ginagawa at purihin siya sa paggawa ng mabuti. Gamit ang nauna nang halimbawa, kung sinunod ng iyong anak ang pagtatago ng kanyang mga laruan sa gabi matapos gamitin, sabihan siya ng “Ang galing naman ng anak ko! Naitabi na niya ang mga laruan niya!“

Key Takeaways

Ang mga pamamaraan sa pagdidisiplina ng bata ay hindi tungkol sa pagpapahiya o pagpaparamdam na may kasalanan ang iyong anak. Sa halip, ang benepisyo ng pagdisiplina ng bata ay magtutulak sa iyong anak na matuto kung paano kumilos nang tama, ayusin ang kanyang mga naiisip at reaksyon, at sumunod sa mga tuntunin.

Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.

[embed-health-tool-vaccination-tool]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Pediatrics Child Health (2004). Effective discipline: A healthy approach, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2719515/, Accessed June 7, 2021

American Academy of Pediatrics (2018). What’s the Best Way to Discipline My Child, https://www.healthychildren.org/English/family-life/family-dynamics/communication-discipline/Pages/Disciplining-Your-Child.aspx, Accessed June 7, 2021

Meltzoff, A.N., & Williamson, R.A. (2017). Imitation and Modeling, http://dx.doi.org/10.1016/B978-0-12-809324-5.05827-2, Accessed June 7, 2021

Pediatrics Child Health (2004). Effective discipline for children,https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2719514/, Accessed June 7, 2021

Better Help (2019). 10 Positive Punishment Techniques & Their Effect, https://www.betterhelp.com/advice/punishment/10-positive-punishment-techniques-their-effect/, Accessed June 7, 2021

Child Development Institute (n.d.). 20 Ways to Talk So Your Kids Will Listen, https://childdevelopmentinfo.com/how-to-be-a-parent/communication/talk-to-kids-listen/#gs.5jl2l8, Accessed June 7, 2021

Kasalukuyang Version

11/23/2023

Written by Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Development At Paglaki Ng Toddler: Alamin Dito Ang Wastong Development

Apat Na Area Ng Child Development: Anu-Ano Ba Ang Mga Ito?


Written by

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement