Nagsasaya ang buong pamilya mo isang gabi sa loob ng inyong bahay nang biglang may binitawang hindi magandang salita ang iyong anak. Ano ang iyong gagawin kapag nagmura ang iyong toddler o preschooler? Narito ang paraan kung paano pagbawalan ang bad words sa inyong anak.
Speech Development Ng Inyong Anak
Ang diskurso hinggil sa best practices upang paano pagbawalan ang bad words ay nangangailangan ng pag-unawa sa kanilang speech development.
Nagsisimula madalas ang mga sanggol na magsalita sa edad na isang taon. Mula sa mga salitang may isang pantig (monosyllabic), lumalawak ang kanilang bokabularyo nang hanggang 50 salita sa pagsapit nila ng 18 hanggang 24 na buwan. Bigyan mo sila ng isa pang taon, magagawa na nilang bumuo ng pangungusap na may 3 hanggang apat na salita, may alam na silang hanggang 200 salita, matutukoy na nila ang pinakakaraniwang mga gamit sa bahay, at makagagamit na sila ng mga panghalip tulad ng “ako,” “ko,” at “siya” nang tama.
Kapag nasa preschool na ang mga bata, mas kawili-wili at masalimuot na ang makipag-usap sa kanila. Karaniwang may 2,000 salita nang alam ang isang 5 taong gulang na bata, kaya na niyang magsalita nang may tamang pangungusap, at nakapagbibigay na ng mga mapanghamong tanong gaya ng “paano” at “bakit.”
Ang totoo, hindi pa alam ng toddlers at preschoolers ang pagkakaiba ng good at bad words. Basta tinatanggap lang nila ang lahat ng naririnig. Kapag narinig mo silang magsalita ng bad words, ibig sabihin, narinig nila itong sinabi ng iba. Tandaang malaking bahagi ng kanilang development ang panggagaya sa edad na ito. Kadalasan nilang kinokopya ang nakikita at naririnig.
Paano Pagbawalan Ang Bad Words Sa Bata
May mga magulang na bigla na lang magagalit kapag narinig ang kanilang anak na magmura. Maaaring ipinag-aalala agad nila kung saan narinig ng kanilang anak ang mga salitang ito at mahigpit na pagsasabihan ang anak na huwag na itong uulitin. Ngunit ayon sa mga eksperto, hindi ito ang pinakamainam na paraan upang patigilin sila sa pagmumura.
Pag dating sa kung paano pagbawalan ang bad words, inirerekomenda nila ang mga sumusunod na hakbang:
1. Huwag Agad Mag-Re-React
Kung magmura ang mga bata, maaaring dahil:
- Natutuwa sila sa narinig na bagong salita at gusto nilang subukan itong sabihin
- Gusto nilang ilabas ang kanilang galit o frustration. Kapag nakaririnig ang mga bata ng matatandang nagmumura dahil sa galit, ginagaya nila ito kapag sila naman ang nakararamdaman ng galit o frustration.
- Kapag gusto nilang makuha ang reaksyon o atensyon ng matatanda
Kung naghahanap sila ng atensyon, pinakamagandang paraan upang mapahinto sila sa pagsasabi ng bad words ay sa pamamagitan ng hindi pag-re-react agad. Sa ganitong paraan, maiisip nilang hindi epektibo ang pagmumura upang makuha ang atensyon mo.
2. Mahinahong Itanong Sa Bata Kung Bakit Niya Sinabi Iyon
Matapos mong hindi pansinin ang pagbibitaw niya ng bad words, tanungin ang anak mo kung bakit niya nasabi iyon. Hindi mo kailangang magbigay ng tahasang tanong. Sa halip, pwede mong itanong ang “Ano ang nararamdaman mo kapag sinasabi mo iyan?”
Maaaring maglaro ang sagot niya sa “Gusto ko lang po” hanggang sa “Nakakatuwa lang pong sabihin,” o “Naiinis/nagagalit po kasi ako.”
3. Tanggapin Ang Kanilang Sagot At Gumawa Ng Solusyon
Ngayong alam mo na kung bakit siya nagmumura, pag-isipin mo siya ng mas akmang paraan upang ipakita ang kanyang nararamdaman.
Kung natatawa siya sa salita, sabihin sa kanyang ang pagmumura ay “pangmatandang salita.” At hindi ito dapat sinasabi ng mga bata. Masyado pang bata ang mga toddler at preschooler upang maunawaan kung bakit pangmatatanda ang pagmumura, kaya’t hindi na kailangang ipaliwanag pa ito.
Kung nagmumura naman siya dahil sa galit o frustration, hikayatin siyang ipahayag ang kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng paggamit ng tamang mga salita. Upang mapigilan ang bata sa pagmumura, turuan siyang magsabi ng “Nagagalit ako kasi . . .”
At huli, kung may minumura siyang tao, sabihing mali ang kanyang ginagawa. Ipaliwanag na ang pagmumura sa kapwa ay katumbas ng pananakit sa kanila.
4. Magtakda Ng Rules Sa Mga Salitang Dapat Gamitin Sa Loob Ng Bahay
Mas madaling mapigilan ang bata sa pagbibitaw ng bad words kung malinaw ang rules sa kanyang pananalita. Upang maiwasan ang pagkalito, ang rules ay dapat sundin ng lahat ng tao sa bahay, kahit ng mga matatanda.
Ilista ang mga katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap na mga salita. Kapag nagawa mo na ang listahan, magtakda ng rules tuwing maririnig mo ang mga salitang ito sa loob ng bahay. Pwede mong sabihing “Hindi tayo gumagamit ng ganyang klase ng salita dito,” o “Sabihin mo ‘yan nang maayos.” Pagdating sa rules, kailangan mong maging direct.
5. Purihin Ang Iyong Anak Kapag Na-Handle Niya Nang Mabuti Ang Kanyang Emosyon
At bilang huli, kung napapansin mong pilit sinusubukan ng iyong anak na i-handle ang kanyang mga emosyon nang hindi nagmumura, purihin mo siya. Lalo niyang maiisip na hindi kailangang magmura sa paglalabas ng kanyang galit o frustration.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]