Mahigit 15,000 na katao ang naiulat na namatay at nasa libu-libo ang mga nasugatan sa mapangwasak na lindol na yumanig sa Turkey at Syria noong Lunes, Pebrero 6, 2023. Mabilis na kumalat ang balitang ito sa buong mundo na nagdulot ng takot at pangamba sa mga batang nakapanood ng trahedya sa Turkey at Syria.
Sa katunayan, mas makakayanan ng mga bata ang ganitong klaseng balita at sakuna, kapag naiintindihan nila kung ano ang nagaganap sa kanilang paligid, at alam nila kung ano ang pwede nilang gawin para makatulong na protektahan ang kanilang sarili, pamilya, at mga kaibigan.
Ang pagbibigay sa kanila ng pangunahing impormasyon upang matulungan silang maunawaan ang nagaganap ay malaking bagay para mapabuti ang kanilang kalagayan. Kaya mahalaga na alam natin bilang magulang kung paano ipaliwanag sa bata ang sakuna.
Para bigyan kayo ng tips narito ang mga payo mula sa mga eksperto at post mula sa “Save The Children”.
Paano Ipaliwanag Sa Bata Ang Sakuna?
Pagiging safe face ng mga magulang sa anak
Gumawa ng espasyo o paraan upang maramdaman ng iyong anak na maaari siyang magtiwala sa iyo. Maaari na gawin ito sa anyo ng matapat na pakikinig sa hinaing at nararamdaman ng anak. Kapag naramdaman ng iyong anak na mapagkakatiwalaan ka nila mas madali para sa kanila na unawain ang mga bagay na ipaliliwanag mo tungkol sa sakuna.
Pakikinig at pagsagot sa mga tanong ng anak
Sa iba’t ibang napapanood na balita ng iyong anak tungkol sa sakuna, hindi maiiwasan na magkaroon sila ng sariling opinyon at damdamin kaugnay sa napanood. Mahalaga na pakinggan at sagutin mo ang kanilang mga tanong dahil makakatulong ito para mabigyang linaw mo ang mga bagay na bumabagabag sa kanila, at maiwasan ang pagkabalisa dahil sa sakuna na nabalitaan. Maaari na itanong ng iyong anak ang mga sumusunod:
- Bakit nangyayari ang bagay na ito sa mundo?
- Bakit nagaganap ito sa akin?
- May masama pa bang mangyayari sa hinaharap?
Ang mga tanong na ito ay maaaring bunga ng kanilang kuryosidad at iba’t ibang emosyon, at bilang magulang mahalaga na mapagtuunan natin ng pansin ang pakikinig at pagsagot sa mga bagay na ito.
Huwag mong iwasan ang mga mahihirap na paksa at kaisipan
Ipaliwanag nang maayos at matapat ang buong sitwasyon. Iwasan ang mga hindi kinakailangang detalye ng karahasan o kalupitan. Gumamit ng pang-araw-araw na pananalita upang maging conversational ang pag-uusap upang madali nilang maintindihan ang nagaganap sa paligid.
Iwasan na gawing bahagi ang bata sa pag-uusap ng mga matatanda o adult conversations
Ang pagsama mo sa iyong anak sa isang adult conversation ay pwedeng maging sanhi upang makakuha ang bata ng mga detalye tungkol sa sakuna at iba pang nakababahalang mga kaganapan na hindi makatuwiran sa kanila. Maaari rin nila punan ang mga bagay na hindi nila maintindihan tungkol sa sakuna gamit ang sariling imahinasyon na naimpluwensyahan ng mga bagay na narinig nila mula sa adult conversations. Mas maganda na kausapin ang anak sa pamamagitan ng heart to heart talk upang mas maunawaan mo ang damdamin at iniisip ng iyong anak kaysa isama ito sa adult conversations, lalo’t maraming bagay siya na pwedeng ma-misinterpret.
Iwasan ang overexposure sa balita
Kung marunong gumagamit ang iyong anak ng social media, sabihin mo sa kanya na iwasan itong tingnan nang sobra o gamitin. Hilingin sa kanila na huwag mag-share ng mga marahas o nakakatakot na bagay, at ipaalala sa kanila na hindi lahat ng bagay sa social media ay totoo at magiging totoo.
I-encourage ang pakiramdam o pagkakaroon ng pag-asa
Kapag ang iyong anak ay namamahala ng isang gawain sa panahon ng isang sakuna, nararamdaman nila na may papel sila sa pagtulong, at pwede nilang maipahayag ang kanilang sariling damdamin at pangangailangan. Ito ay lumilikha rin ng pakiramdam ng pag-asa na makakatulong upang makapagpatuloy sila.
Kung sila naman ay nakapanood ng balita tungkol sa sakuna, maaari mo silang i-encourage o sabihan na tumulong o turuan mag-donate para matutunan nila ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa. Ang ganitong paraan ng pagtuturo sa mga anak ay malaking bagay upang maramdaman nila na may silbi at pag-asang naghihintay pagkatapos ng anumang sakuna.
[embed-health-tool-vaccination-tool]