Ang breath-holding spell ay isang kondisyon kung saan tumitigil ang paghinga ng bata at nawawalan ng malay nang hanggang isang minuto. Maaari itong maranasan nang hindi sinasadya ng mga bata kapag sila ay frustrated o may nararamdamang masakit.
May dalawang uri ng breath-holding spells. Ito ang:
- Cyanotic spell na nangyayari kapag nagagalit ang bata o dala ng emosyon;
- Pallid spell na nangyayari kapag bumagsak ang heart rate ng bata.
Kadalasang dulot ng mga sumusunod ang mga spell na ito:
- Pagbabago sa pattern ng paghinga ng iyong anak
- Pagbagal ng kanyang heart rate dulot ng matinding emosyon o sakit
- Sa ilang mga kaso, maaaring dulot ito ng iron deficiency anemia, isang medikal na kondisyon kung saan hindi nagagawang magprodyus ng katawan ng kinakailangang dami ng red blood cells, na maaaring nararanasan ng iyong anak.
Ano ang mga sintomas ng tumitigil na paghinga ng bata?
Karaniwang nakararanas ng breath-holding spells ang mga bata sa pagitan ng edad 6 na buwan hanggang 4 na taon. Pinakamadalas itong nangyayari sa mga batang nasa edad 1 hanggang 3 taong gulang.
May mga batang minsan lang makaranas ng pagtigil ng paghinga, habang may mga bata namang nakararanas nito ng ilang beses araw-araw. Ang mga sintomas ng tumitigil na paghinga ng bata ay:
- Pagkawala ng malay na tumatagal ng hanggang isang minuto
- Muscle twist
- Seizure o paninigas ng katawan
- Pagbabago sa tibok ng puso o paghinga
- Sa cyanotic spell, maaaring mabilis ang paghinga o hirap huminga ang bata. Maaaring may mahabang pause bago ang sunod na paghinga.
- Sa pallid spell, maaaring mas mabagal kaysa sa kinakailangang rate ang tibok ng puso.
- Pagbabago sa kulay ng balat
- Maaaring maging mapula o blue-purple, lalo na sa paligid ng mga labi (sa cyanotic spell)
- Maaaring maging maputla at mas magpawis (sa pallid spell)
- Pag-iyak
- Sa cyanotic spell, pwedeng magkaroon ng maikli at matinding pag-iyak
- Sa kaso ng pallid spell, maaari itong sabayan ng isang pag-iyak o hindi talaga iiyak
May kaugnayan ba ang tumitigil na paghinga ng bata sa isang medikal na kondisyon?
Kadalasan sa mga ganitong kaso, nawawala nang kusa ang breath-holding spells nang walang anumang komplikasyon kapag lumaki na ang bata. Gayunpaman, sa ilang hindi magandang pagkakataon, ang tila karaniwan lang na pagtigil sa paghinga ay maaaring resulta ng mas seryosong medikal na mga kondisyon tulad ng seizure disorder o iron deficiency anemia.
Kaya’t kung makaranas ng pagtigil ng paghinga ang iyong anak, dalhin siya sa doktor para sa wastong diagnosis.
Paano nada-diagnose ang tumitigil na paghinga ng bata?
Kailangan mong isulat ang mga nangyayari sa bawat pagtigil ng paghinga ng bata dahil malaki ang maitutulong ng mga impormasyong ito sa pag-diagnose ng pinakasanhi ng tumitigil na paghinga ng bata.
Kung naniniwala ang iyong doktor na ang dahilan sa likod ng pagtigil ng paghinga ng iyong anak ay isang kondisyong pangkalusugan tulad ng seizure disorder at iron deficiency anemia, maaaring payuhan kang ipa-medical test ang iyong anak.
Paalala: Dapat tandaang hindi ka dapat nagda-diagnose ng mga sakit o kondisyon ng sarili mo nang walang tamang medical training.
Mga Gamutang Mapagpipilian
Karamihan sa mga breath-holding spell ay hindi nangangailangan ng gamutan. Ngunit upang bawasan ang pagdalas nito, bigyan ng sapat na pahinga ang iyong anak at tiyaking nararamdaman niyang ligtas siya.
Sa pagkakataong nangyayari ang pagtigil ng paghinga ng bata, panatilihin siyang nasa ligtas na lugar kung saan walang makapananakit sa kanya. Huwag mong bibigyan ito ng sobrang atensyon dahil baka maisip ng anak mong isa itong paraan upang makakuha ng atensyon mula sa iyo at magkunwaring nangyayari ito sa kanya.
Kung tumigil ang paghinga ng bata sa unang pagkakataon, dalhin AGAD ang inyong anak sa doktor upang masuri nang wasto. Dagdag pa, para sa mga batang talagang nakararanas na ng pagtigil ng paghinga, bantayan kung gaano katagal silang walang malay. Kung nangyari ito nang higit sa isang minuto, kumonsulta sa doktor dahil maaari itong indikasyon ng mas seryosong kondisyon.
Bilang mga magulang, matutulungan mo siya sa kanyang kondisyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga bagay na makapagdudulot sa kanya ng frustration na mauuwi sa pagtigil ng paghinga. Humanap ng ibang paraan upang disiplinahin ang iyong anak na istrikto ngunit hindi sila sobrang matatakot.
Maganda ring turuan ang iyong anak kung paano haharap sa mga negatibong pakiramdam. Magagamit at madadala niya ang ganitong aral sa buong buhay niya.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng bata dito.