Ang mga unang beses pa lang na magiging magulang ay maaaring magtanong tungkol sa paghinga ng kanilang anak. Maaaring mapansin nila na hindi tulad sa matatanda, madalas na mabilis at iregular ang paghinga ng sanggol. Sa katunayan, ganito talaga humihinga ang mga sobra pang batang mga sanggol. Kaya’t ang tanong na lang ay, kailan ka dapat humingi ng tulong? Alamin ‘yan dito.
Normal na Paghinga sa mga Bagong Panganak na Sanggol
Gaya ng nabanggit kanina, normal lang ang mabilis na paghinga ng sanggol, kung ikukumpara ito sa normal na paghinga ng matatanda.
Kung makikita mo, ang normal na paghinga sa unang taon ng buhay ng tao ay nasa 40 – 60 paghinga kada minuto. Triple na mas mabilis ito sa paghinga ng matatanda.
Bukod sa rate, pag-usapan din natin ang katangian nito. Ang paghinga ng bagong panganak ay maaaring:
- maging iregular – habang karaniwang may “ritmo” ang paghinga ng matatanda, maaaring maging iregular ang paghinga ng bagong silang na sanggol
- may mga hinto – huwag magulat kung huminto sa paghinga ng ilang segundo ang iyong baby, huminga nang mabilis, at saka babagal kalaunan.
Sa iregularidad na ito, kailan dapat mag-alala ang mga magulang sa mabilis na paghinga ng kanilang anak?
Mga Senyales ng Respiratory Distress sa Bagong Panganak
Upang malaman kung talaga bang mabilis huminga ang isang bagong panganak, kailangan mong bilangin ang kanyang paghinga kada minuto. Kung lumagpas ito ng 60 na paghinga bawat minuto, maaaring kailangan na itong ipag-alala.
Gayunpaman, dapat isaalang-alang na may mataas talagang respiratory rate ang mga sanggol kung masyado silang naiinitan o umiiyak. Ngunit babagal din ang kanilang paghinga sa oras na kumalma sila o hindi na nakararamdam ng init.
Ang iba pang senyales na dapat mong bantayan ay ang mga sumusunod:
- Apnea – nabanggit nating maaaring huminto nang ilang segundo ang paghinga ng sanggol. Gayunpaman, ang paghintong tumatagal ng 20 segundo o higit pa ay maikokonsiderang apnea, at maaaring maging isang seryosong problema.
- Grunting – grunting ang tawag sa tunog na nililikha ng sanggol habang sinusubukan nilang panatilihin ang hangin sa kanilang mga baga. Para itong tunog “ugh” sa bawat paghinga.
- Lumalaking butas ng ilong – bagaman normal ang mabilis na paghinga ng sanggol, ang paglaki ng butas ng kanilang ilong ay hindi normal. Tinatawag rin itong nasal flaring. Nangyayari ito kapag ang parehong butas ng kanilang ilong ay lumalaki kapag humihinga. Senyales ito na nahihirapan silang huminga.
- Chest retraction – isa pang senyales ng hirap sa paghinga ang chest retraction. Nangyayari ito kapag ang balat sa pagitan ng leeg at ng tadyang ay lumulubog kapag humihinga.
- Cyanosis – Panghuli, isa pang senyales na may respiratory distress ang sanggol ay ang pangingitim o pagiging kulay blue ng mga labi at kuko ng baby. Senyales ito na hindi sila nakakakuha ng sapat na oxygen.
Masyadong Mabilis ang Paghinga ng Sanggol? Ito ang Maaaring mga Dahilan
Napansin mo bang masyadong mabilis huminga ang iyong baby? Narito ang maaaring mga dahilan:
Transient Tachypnea of the Newborn
Ang transient tachypnea of the newborn (pansamantalang mabilis na paghinga) ay self-limiting, hindi delikado at karaniwan sa mga bagong silang. Nangyayari ito dahil sa delay na kakayahan ng baby na tanggalin ang mga fluid sa kanyang mga baga.
Impeksyon o Karamdaman
May ilang karamdaman, lalo na ang nakaaapekto sa mga baga, ay maaaring maging dahilan upang maging mahirap sa sanggol na huminga.
Aspiration
Nangyayari ang aspiration kapag nakasinghot ang bata ng mga fluid, tulad ng gatas, papunta sa daluyan ng hangin o baga. Bukod sa mabilis ang paghinga ng bata, maaari din silang magpakita ng iba pang sintomas, tulad ng mahinang pagsuso o pag-ubo.
Pisikal na pinsala
Ang pisikal na pinsala o trauma, lalo na sa bahagi ng baga ay pwede ring makaapekto sa paghinga ng sanggol.
Key Takeaways
Mabilis ba ang paghinga ng bagong silang ninyong sanggol? Pakitandaan na ang normal na bilis ng paghinga sa unang taon ng buhay ay nasa 40 – 60 paghinga kada minuto. Maaari ding maging iregular o may paghinto ang paghinga ng bagong silang.
Kaya naman, mabilis talaga ang paghinga ng sanggol kapag humigit sa 60 na beses ang kanilang paghinga kada minuto. Bukod dyan, tingnan din ang iba pang senyales ng hirap sa paghinga, tulad ng cyanosis, retraction, nasal flaring, apnea, at grunting. Kung may ganito ang iyong baby, dalhin siya agad sa doktor.
Matuto pa tungkol sa pagiging magulang dito.