Hindi na bago sa mga bata ang magising isang araw na sisinghot-singhot dahil sa sipon. Ano ang sanhi ng sipon sa bata? Paano natin sila matutulungang gumaling agad? Alamin ‘yan dito.
Ang Iba’t Ibang “Mukha” ng Sipon
Kapag may taong nagsabi sa atin na may sipon sila, nauunawaan na agad natin ang ibig nilang sabihin. Gayunpaman, dapat nating tandaan na magkakaiba ang karanasan natin sa pagkakaroon ng sipon.
May mga batang lalapit sa atin na sisinghot-singhot lang habang naglalaro at nag-aaral. Ang iba naman, nagrereklamo na sa maraming bagay, dahil sa:
- pagtulo ng sipon
- baradong ilong, na maaaring may tumutulo o walang tumutulong sipon
- masakit na tainga
- masakit na lalamunan
- pula at namamasang mata
- ubo
- lagnat
Ngunit ano ba talaga ang sanhi ng sipon sa bata?
Ano Ang Sanhi ng Sipon sa Bata?
Kapag nagkaroon ng sipon ang bata, nakahahawang respiratory infection ang kadalasang dahilan. Ang mga sumusunod ay maaaring mauwi sa sipon sa bata.
- Common cold – posibleng dulot ng virus ang common cold sa mga batang may sipon. Maraming virus ang nakapagdudulot ng sipon, ngunit ang pinakakaraniwan ay ang rhinoviruses.
- Influenza – isa pang viral respiratory infection na nauuwi sa sipon ay ang flu. Kung may flu ang iyong anak, maaari din siyang magreklamo dahil sa pagsakit ng ulo, pagsakit ng katawan, at lagnat.
- Impeksyon sa Sinus – nagkakaroon ng impeksyon sa sinus kapag naipon ang mga fluid sa dapat sana’y air-filled packets ng mukha (sinus), kaya’t nabubuhay ang mga germ. Ang mga allergy, nakaraang common cold infections, at exposure sa mga irritant ay maaaring mag-trigger ng impeksyon sa sinus.
- Respiratory syncytial virus – ang RSV ay isang uri ng respiratory virus, at kadalasan, nagreresulta lang ito sa mga common cold-like symptom. Gayunpaman, maaari itong maging malubha sa mga sanggol at mas matatanda.
- Mga allergy – nakararanas ba ang anak mong maliit ng mga allergy tulad ng allergic rhinitis? Kung oo, maaari din siyang magpakita ng mga sintomas ng sipon. Kadalasan, biglaan ang sipon dulot ng allergy kasabay ng iba pang sintomas tulad ng pagbahing, pamamasa ng mata, at makating ilong.
Gamutan
Ang gamutan ay depende sa sanhi ng sipon sa bata. Halimbawa, kung allergic rhinitis ang dahilan, ang kailangan ng anak mo ay mga gamot na pang-anti-allergy.
Kung viral naman ang dahilan, kadalasang mga home remedy lang ang kailangan maliban kung kailangan ng dagdag na pag-aalaga ang mga sintomas tulad ng acetaminophen para sa lagnat at pananakit ng katawan (flu) o decongestant para sa impeksyon sa sinus.
Para sa common cold sa mga bata, ikonsidera ang mga sumusunod na hakbang:
- Pagpahingahin nang lubos at tiyaking komportable ang iyong anak
- Bigyan ng maraming fluid ang bata tulad ng tubig, mainit na sabaw, at apple juice
- Bigyan sila ng paunti-unti ngunit madalas na masustansyang pagkain
- Para sa mga batang 6 o higit pa, magbigay ng drops para sa ubo upang mapawi ang pagsakit ng lalamunan
- I-check ang temperatura ng katawan ng iyong anak at dalhin sa doktor kung magkaroon sila ng lagnat na 38 C o mas mataas pa. Ganun din ang gawin kung mayroon silang paulit-ulit na lagnat na 40C.
- Para sa nasal congestion, pwedeng gumamit ng saline (saltwater) nasal drops.
- Huwag palalabasin ang bata sa bahay hanggang sa mawala na ang kanilang lagnat sa loob ng 24 oras.
- Upang matulungan silang matulog sa gabi, subukan ang cool-mist humidifier.
- Umiwas sa mga irritant tulad ng usok ng sigarilyo.
- Magpahid ng petroleum jelly sa ilalim ng ilong.
- Paliguan sila ng maligamgam
- Subukan ang steam inhalation (o maligamgam na shower upang magkaroon ng steam-filled bathroom)
Panghuli, maging maingat sa mga gamot. Hindi dapat binibigyan ng gamot sa ubo at sipon ang mga batang wala pang 6 na taon maliban kung inaprubahan ng doktor. Para sa lagnat, tiyaking gumamit lang ng mga gamot na kaya ng katawan ng bata. Huwag magbibigay ng aspirin sa mga batang 19 years old o mas bata pa.
Kailan Magpupunta sa Doktor
Kadalasan, hindi mo kailangang dalhin sa doktor ang batang may sipon, dahil mawawala rin ang mga sintomas nito sa loob ng isa o dalawang linggo. Gayunpaman, dalhin sila sa doktor kapag:
- Ayaw nilang uminom ng tubig o kumain
- Hindi pangkaraniwan ang kanilang panghihina at pagkapagod
- Maingay ang paghinga
- May lagnat na dalawang araw nang hindi bumubuti
- Namamagang lymph nodes
- Umuubo ng maraming plema
- Masakit ang tainga
Dagdag pa, dalhin agad sila sa ospital kapag:
- Namumutla na at inaantok
- Nahihirapang huminga o humihinga nang mas mabilis kaysa sa karaniwan
- Nagrereklamo dahil sa matinding pagsakit ng ulo
- Wala pang 3 buwang gulang at nagkaroon ng lagnat
- Nagkaroon ng mga pantal at hindi nawawala kapag pinisil mo ang mga ito gamit ang baso ng malamig na tubig.
Tandaan: huwag magdalawang isip na dalhin sila sa doktor kung nag-aalala kang hindi lang basta sipon ang nararanasan nila. Gayundin, humingi ng tulong medikal kung hindi gumagaling ang mga sintomas.