Ang mga pulgas ay maliliit na insektong sumisipsip ng dugo ng makakapitan nito. Ito man ay daga, aso, pusa, o tao. Kapag nakagat ng pulgas, maaari kang mahawahan ng ilang pathogens o magkaroon ng allergic reaction, na maaari rin mauwi sa local dermatitis. Maaari din itong maging masakit.
Walang pakpak ang mga pulgas kaya’t nagpapalipat-lipat sila sa pamamagitan ng pagtalon. Maraming uri ng pulgas. Sa Pilipinas, 34 na uri ng pulgas ang natuklasan. Upang matuto pa tungkol sa kondisyong ito at paano makikilala at magagamot nang epektibo, ipagpatuloy ang pagbabasa ng artikulong ito.
Pangkalahatang Impormasyon
Ano ang kinakagat ng mga pulgas?
Ang mga tao at iba pang mammal ay maaaring makagat ng pulgas. Kadalasang nagdudulot ito ng pangangati, sakit, at kawalan ng ginhawa. Dagdag pa, ang maliit na insektong ito ay may potensyal na maging tagahatid ng pathogens at madala ito sa mga tao, tulad ng plague.
Hindi madali ang tanggalin ang lahat ng pulgas sa loob ng bahay. Maaari silang mabuhay nang higit 100 araw nang hindi nakakakain ng dugo ng kanyang biktima. Karamihan sa mga nakakagat ng pulgas ay nagdudulot ng allergies at iritasyon sa balat, ngunit hindi naman ito kadalasang nagdudulot ng malubhang sintomas.
Ano ang itsura ng kagat ng pulgas?
Kadalasang sa paa, bukong-bukong, o ibabang bahagi ng binti lumilitaw ang mga kagat. Kung hindi mo mapapansin at hindi mapananatiling malinis, maaaring mapunta sa buong katawan ang mga pulgas at mag-iwan ng bakas, lalo na sa mga bahaging makapal ang buhok.
Kadalasan, may ganitong mga paglalarawan ang mga kagat ng pulgas:
- Napakaliit na mga kagat sa balat na may pulang tuldok sa gitna
- Kadalasang lumilitaw na grupo ng tatlo o apat na kagat. Minsan, sa isang mahabang pulang guhit.
Gayunpaman, may mga pulgas na walang iniiwang anumang marka kapag nakakakagat ng tao, kaya’t hindi sila napapansin.
Mga Sintomas
Ano ang mga senyales at sintomas ng kagat ng pulgas?
Karamihan sa mga taong nakakagat ng pulgas ay walang kapansin-pansing senyales o sintomas. Sa pangkalahatan, wala itong naidudulot na problemang kailangang katakutan.
Kapag nakagat ng pulgas, madalas na nakararamdam ng pangangati at ang paligid ng nakagat na balat ay masakit o mahapdi. Maaari kang magkaroon ng pantal o hives malapit sa kagat ng pulgas. Dagdag pa, ang sobrang pagkamot ay maaaring magpalala sa pinsala sa balat at maging sanhi upang makapasok at mabuhay dito ang secondary bacterial infection.
Maaari kang makaranas ng iba pang sintomas na hindi nabanggit dito. Kung may mga tanong ka tungkol sa mga senyales ng sakit, kumonsulta sa doktor.
Kailan Dapat Magpunta sa Doktor
Magpunta sa doktor kung mayroon ka ng mga sumusunod na sintomas:
- Kinakapos ng paghinga
- Naduduwal
- Namamagang labi o mukha
- Ang kagat ng pulgas ay maaari ding mauwi sa impeksyon. Kung may namamagang kulani ang taong may impeksyon, matinding pananakit ng bahaging may kagat, o sobrang pamumula, magpunta sa doktor.
Sa ilang mga kaso, maaaring makapagdala ng ilang mas seryosong sakit sa pamamagitan ng kagat ang pulgas tulad ng typhus, plague, at impeksyon dulot ng cat scratches.
Ano ang sanhi ng kagat ng pulgas?
Kadalasang pangalawa lang tayo sa pinagpipiliang makakagat ng pulgas dahil hindi tayo magandang host ng insektong ito. Kadalasan, kinakagat lang ng matatandang pulgas ang tao kapag sila ay gutom at hindi makahanap ng tamang hayop na mabibiktima.
Anong nakapagpapataas ng tsansang makagat ng pulgas?
Ang pagkakaroon ng alagang hayop sa bahay ay nagpapataas ng panganib na makagat ng pulgas. Gayunman, kung wala kayong alaga, nasa panganib ka pa ring makagat ng pulgas dahil maaari itong mabuhay sa bakuran, doormat, mga sofa, magkakapatong na kahoy, at mga imbakan.
Diagnosis at Treatment
Hindi pamalit ang impormasyong ibinigay dito sa payong medikal. Palaging kumonsulta sa doktor.
Anong mga medikal na pamamaraan ang ginagamit upang ma-diagnose ang kagat ng pulgas?
Karamihan sa mga kagat ng pulgas ay hindi nangangailangan ng diagnostics. Gayunpaman, kailangan mo pa ring bantayan ang mga unang senyales ng allergic reaction o impeksyon tulad ng puting paltos o kakaibang pantal para sa agarang gamutan.
Mga paraan upang gamutin ang mga kagat ng pulgas
Ang mga klase ng gamutan para sa kagat ng pulgas ay mula sa simpleng home remedies hanggang sa over-the-counter (OTC) medication, kabilang ang:
- Tea tree oil
- Skin cream na may calamine
- Cortisone
- Suka
- Antihistamines
Tamang Paraan ng Pamumuhay
Anong lifestyle ang makatutulong upang mabawasan ang panganib na makagat ng pulgas?
Upang malaman kung nasa panganib ka ng kagat ng pulgas, tingnan ang iyong mga alagang hayop. Maghanap ng pulgas o stings sa kanilang balat sa pamamagitan ng pagsusuklay ng kanilang balahibo pataas at pababa. Dagdag pa, kung mapansin mong panay ang kamot ng iyong alaga, maaaring senyales ito na mayroon silang pulgas.
Dalhin ang iyong alaga sa vet, na maaaring magbigay ng topical anti-flea medication. Ito ang paraan upang makontrol mo ang kanilang mga pulgas at upang maiwasan ang lalong pangangati at pagkakamot. Upang maiwasang magkaroon muli ng pulgas ang inyong mga alagang aso, pusa, subukan ang flea collar.
Kung may anumang tanong ka, kumonsulta sa doktor para sa pinakamainam na gamutan.
Matuto pa tungkol sa Nakahahawang Sakit ng mga Bata dito.