Ano ang Lyme disease? Ang Lyme disease ay isang impeksyong dulot ng apat na bacteria na kabilang sa Borrelia group. Isa itong vector-borne illness. Ibig sabihin, nakukuha ng mga tao ang ganitong bacteria mula sa insekto kung saan namumuhay ang bacteria. Sa partikular na kasong ito, ang Ixodes tick o garapata ang vector na responsable sa paglilipat ng bacteria.
Mas karaniwan ang lyme disease sa USA at Europa dahil ang mga garapata na nagdadala ng ganitong bacteria ay nabubuhay sa malalamig na klima. Sa mga ganitong lugar, karaniwan ang makagat ng mga garapata na ito kapag umaakyat ng bundok o nagka-camping sa mga gubat at iba pang madamong lugar. Kaya naman kahit sa likod ng inyong bakuran ay maaaring mabuhay ang ganitong mga garapata.
Karaniwang nakukuha ng mga garapata ang ganitong bacteria mula sa usa at mga rodent (ang mas kinakapitan ng Borrelia) kung saan sila sumisipsip ng dugo upang sila ay lumaki. Maaari nilang maipasa ang bacteria na nasipsip sa mga tao kapag sumipsip ulit sila ng dugo.
Kung mahawahan ako nito, puwede ba akong makapanghawa?
Sa ngayon, wala pang mga patunay na kumakalat ang sakit mula sa tao patungo sa isa pa sa pamamagitan ng paghawak, paghalik, pakikipagtalik, o sa pamamagitan ng body fluids tulad ng laway at sputum. Gayunpaman, kung mayroon kang ibang sintomas tulad ng ubo at sipon, maaari itong tumukoy sa isa pang impeksyon na sabay na nabubuhay kasama ng lyme disease na maaaring maipasa sa iba.
Pagdating sa impeksyon habang buntis, maaaring mauwi sa inflammation ng placenta ang lyme disease. Bagaman pwedeng mailipat sa baby ang sakit, bihirang-bihira itong mangyari. Wala ring patunay na naililipat ito sa pamamagitan ng pagpapasuso, bagaman kailangan ng doktor ang impormasyon sa pagpapasuso upang makapagbigay sila ng antibiotics para sa inang nahawahan na hindi makasasama sa baby.
Bagaman walang mga kaso ang naiulat tungkol sa blood transfusion, maaaring mabuhay ang lyme disease bacteria sa blood donation na nakaimbak. Kaya naman, kung isa kang regular na nagbibigay ng dugo at nagkaroon ka ng lyme disease, iwasan munang magbigay ng dugo sa iba hanggang sa matapos mo ang gamutan.
Ano ang Lyme Disease: Mga Senyales at Sintomas
Maaaring magkaroon ng pantal ang balat na nakagat ng garapata. Mukha itong lesion na may hugis na parang target. Ang tawag sa pantal na ito ay erythema migrans. Napansin ito sa halos 80% ng mga pasyente 3 hanggang 30 araw matapos makagat ng garapata.
May ibang pasyenteng maaaring magkaroon ng erythema, bagaman hindi sa karaniwang target-like shape. Ang pantal ay maaari ding mainit hawakan, ngunit karaniwang walang sakit at hindi makati. Gaya ng katawagan dito, maaari itong magpalipat-lipat sa iba pang bahagi ng katawan.
Kabilang sa mga maagang sintomas na lumilitaw sa oras na mahawa nito ang:
- Lagnat
- Panginginig
- Pagsakit ng ulo
- Pakiramdam na pagod
- Pananakit ng kalamnan at kasukasuan.
Kumonsulta sa doktor kung mayroon ka ng alinman sa mga nabanggit na sintomas.
Ano ang mangyayari kung hindi magagamot ang sakit na ito?
Tatlumpong araw matapos makagat ng garapata, maaaring magkaroon ng mas matitinding sintomas sa magkakaibang sistema ng katawan. Kabilang dito ang:
Nervous system
- Matinding pananakit ng ulo
- Paninigas at pananakit ng batok (stiff neck)
- Pagtabingi ng mukha
- Pangingilig (tingling) ng mga kamay at paa
Musculoskeletal system
- Arthritis na may matinding pagsakit at pamamaga
- Paulit-ulit na pagsakit ng kalamnan
Cardiovascular system
- Mabilis na tibok ng puso o kumakalabog na tibok ng puso (palpitations)
- Iregular na tibok ng puso
Ipinapayo ang pagbisita sa doktor upang maitama ang pagkontrol dito dahil ang pangmatagalang epekto ng lyme disease ay maaaring makaapekto sa kalidad ng buhay ng tao.
Ano ang Lyme Disease: Paano nada-diagnose at nagagamot Ito?
Maaaring i-check ng iyong doktor ang mga aktibidad na iyong ginawa para sa posibleng exposure sa garapata, lalo na kung nakatira ka sa mga lugar kung saan mayroong Ixodes na garapata. Gumagamit ng laboratory testing upang makita kung nagkaroon ka ng antibodies laban sa impeksyon.
Maagang ginagawa ang gamutan upang maiwasan ang mas komplikadong sakit.
At dahil ang sanhi ng sakit ay bacteria, ang gamutan ay binubuo ng 14 hanggang 21 araw na gamutan ng iniinom na antibiotics. Ang pipiliing antibiotics ay depende sa pasyente, provider, at environmental factors. Ang pinakakaraniwang gamutang ginagamit ay Doxycycline, Amoxicillin, o Cefuroxime. Kadalasang hindi na kailangan ng intravenous antibiotics pwera na lang kung nagkaroon ka ng neurologic na mga sintomas.
Ano ang Lyme Disease: Pano Maiiwasan Ito?
Ang paraan ng pag-iwas sa lyme disease ay pareho sa iba pang vector-borne illness: personal na proteksyon at pagkontrol ng pinanggagalingan nito (garapata).
Karaniwang kasama sa personal na proteksyon ang:
- Pagsusuot ng tamang gear kapag nasa labas, tulad ng long-sleeves at pants
- Pagpapahid ng insect repellents (kadalasang ibinebenta sa supermarket at pharmacy na ay DEET o picaridin)
- Pananatili sa itinalagang trails habang nasa hiking trips
- Pagbabantay sa iyong balat, damit, at gear kung may garapata na maaaring kumapit dito matapos ang outdoor trip dahil baka madala mo ito sa pag-uwi sa bahay.
Mahalaga rin ang proteksyon sa mga alagang hayop dahil maaari ding mabuhay sa kanila ang mga garapata na pwedeng kumagat din sa iyo. Makatutulong ang pagpapaligo sa alagang hayop matapos ang matagal na paglabas ng bahay. Bagaman may mga pagtatangkang ginawa upang makontrol ang pagdami ng garapata at makagawa ng bakuna laban sa lyme disease, ang personal na proteksyon pa rin ang pangunahing dapat gawin.
Key Takeaways
Karaniwang nakakagat ng garapata ang mga tao sa Amerika at Europa na mahilig lumabas. At dahil maaaring mauwi ito sa Lyme disease, pinakamabuti pa rin ang umiwas kaysa ang gamutan. Mahalagang panatiling protekado ang iyong sarili at alagang hayop kapag lalabas ng bahay. Kumonsulta sa doktor agad kung sa tingin mo’y may lyme disease ka. Kung maagang magagamot, maaaring maiwasan ang mga sintomas na makaaapekto sa kalidad ng iyong buhay.
Matuto pa tungkol sa Nakahahawang Sakit ng mga Bata dito.