Ano ang flesh-eating bacteria? Ito ay bacteria na nagdudulot ng necrotizing fasciitis. Kung pakikinggan, parang galing ito sa isang horror film. Ngunit isa itong seryosong medikal na kondisyon na maaaring magdulot ng masasamang epekto kung hindi matutukoy at magagamot nang tama.
Nagdudulot ito ng matinding pinsala at pagkasira sa muscle, connective tissues, at fat. Bihira ito, ngunit malala at mabilis ang progreso ng impeksyon na maaaring dulot ng magkakaibang bacteria. Isa sa mga karaniwang bacteria na sanhi ng necrotizing fasciitis ay ang Streptococcus pyogenes, na kilala rin bilang Group A streptococcus. Magbasa pa upang malaman kung ano ang flesh-eating bacteria na ito.
Mga sintomas ng flesh-eating bacteria
Ano ang flesh-eating bacteria? Kapag nagsimula ka nang makaranas ng mga sintomas ng necrotizing fasciitis, napakahalagang kumonsulta agad Kadalasang may kasabay itong:
- Pamumula ng balat
- Pamamaga
- Pagkakaroon ng matinding sakit
- Pagpapasa
- Pagkakaroon ng crepitus (isang hindi karaniwang pag-pop o crackling sound sa ilalim ng balat)
- Pagkakaroon ng lagnat
Mga apektadong bahagi
Ang karaniwang bahagi ng katawan kung saan nagkakaroon ng necrotizing fasciitis ay sa paa, braso, kamay, at binti. Gayunpaman, depende sa mga kondisyon at salik ng panganib, maaari ding magkaroon ng necrotizing fasciitis sa ulo, leeg, at bandang singit.
Ang ilang risk factor, tulad ng bitak sa balat o mucous membranes, mga malalim na sugat dulot ng pinsala, kamakailan lang na mga surgical procedure, immunosuppressive condition, at iba pa ay maaaring maging daan upang magkaroon ng necrotizing fasciitis.
Gaano kabilis magkaroon ng necrotizing fasciitis?
Kadalasang lumalabas ang mga unang sintomas ng flesh-eating bacterium infection sa loob ng 24 na oras mula nang mahawa. Ang ilang risk factor, tulad ng bitak sa balat, mga malalim na sugat dulot ng pinsala, sugat o hiwa galing sa opera, kondisyon na immunosuppressive, at iba pa, ay maaaring maging daan upang magkaroon ng necrotizing fasciitis. Kaya naman ipinapayong kumonsulta agad sa doktor kung makaranas ka ng mga sumusunod na sintomas matapos ang physical injury o surgery:
- Maiitim na patches, paltos, o nagnanaknak na sugat sa balat
- Pagbabago sa kulay ng balat
- May lumalabas na nana sa apektadong bahagi ng balat
- Nahihilo
- Fatigue (karaniwang pagkapagod)
- Pagduduwal
- Pagtatae
Paano nakokontrol ang necrotizing fasciitis?
Ang isa sa una at pinakamahalagang salik sa paggamot ng necrotizing fasciitis ay ang maagap na pagtukoy at diagnosis, kasabay ng agarang medikal na pangangalaga. Kabilang sa standard na treatment plan para sa necrotizing fasciitis ang agresibong pag-aalaga ng sugat na dulot ng opera, pagtatanggal ng apektadong tissue, at paggamit ng tamang antibiotics laban sa bacteria na nagdudulot nito. Ginagawa ito bukod pa sa karaniwang pangangalaga sa pasyente kapag nasa ospital upang matiyak ang tamang paggana ng dugo, baga at puso habang sumasailalim sa gamutan at nagpapagaling.
May gamot ba para sa necrotizing fasciitis?
Gaya ng nabanggit sa itaas, may ilang clinical factor ang nakaaapekto sa pagpapagaling ng pasyente mula sa necrotizing fasciitis. Gayunpaman, ang mga pasyenteng may ganitong impeksyon na isang banta sa buhay ay maaaring mabuhay at gumaling, lalo na kung maagang masusuri. Nakadepende talaga ang magandang kahihinatnan ng pasyente sa agarang gamutan.
Pwede bang mailipat sa ibang tao ang human flesh-eating bacteria na ito?
Kaiba sa madalas nating marinig at sa napapanood natin sa mga pelikula, bihirang mailipat mula sa isang tao papunta sa iba ang flesh-eating bacteria na ito at hindi rin lubhang nakahahawa. Gayunpaman, napakabilis lumaki ang mga bacteria na ito kaya’t nagiging mas mahirap matukoy at magamot. Mahalaga ang tamang paglilinis ng katawan at pag-aalaga ng sugat upang maiwasan ang magkaroon ng necrotizing fasciitis.
Nagdudulot ba ng sakit ang flesh-eating bacteria?
Ang mga unang senyales ng necrotizing fasciitis ay pamumula, paghapdi, o pamamaga ng bahagi ng balat na mabilis kumakalat, na pwedeng sabayan ng lagnat. Ang matinding discomfort, kasama na ang pagsakit na lumalagpas pa sa apektadong bahagi ng balat ay dapat ding asahan.
Key Takeaways
At dahil napakabilis ng progreso ng flesh-eating disease, kadalasang kasama ang surgery bilang paggamot sa necrotizing fasciitis. Ito ang paraan upang matanggal ang apektadong tissue, at tamang antibiotics upang labanan naman ang impeksyon. Dahil walang bakuna upang maiwasan ang flesh-eating disease, napakahalaga ng tamang paglilinis ng katawan at wastong pag-aalaga ng sugat upang maiwasan ang sakit na ito. Kumonsulta agad sa doktor kung may mapansin kang unang mga senyales at sintomas ng necrotizing fasciitis. Mas maganda ang kahihinatnan at paggaling ng pasyente kung maagang matutukoy, masusuri at magagamot ito.
Matuto pa tungkol sa Nakahahawang Sakit dito.