backup og meta

Sanhi Ng Dyslexia, Ano Nga Ba? Heto Ang Dapat Mong Malaman

Sanhi Ng Dyslexia, Ano Nga Ba? Heto Ang Dapat Mong Malaman

Kilalang-kilala ang dyslexia, ngunit madalas pa ring magkaroon ng maling pagkakaintindi ang mga tao sa learning difficulty na ito. Ito ang dahilan kung bakit napakahalagang magkaroon ng kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ano ang mga sanhi ng dyslexia, at ano ang mga paraan na pwedeng gawin upang magamot ito?

Ano Ang Dyslexia?

Kapag naririnig ng mga tao ang tungkol sa dyslexia, maaaring isipin nila na isa itong kondisyong nakaaapekto sa kung paano nakikita ng isang tao ang mga salita. Ngunit higit pang masalimuot ang dyslexia kaysa dito.

Ang dyslexia ay isang kondisyong nakaaapekto sa pagpoproseso ng tao ng impormasyon. Naaapektuhan nito ang kakayahan ng isang taong magbaybay (spell), magbasa, o bumigkas ng mga salita.

Ang karaniwang maling akala ng mga tao tungkol sa dyslexia ay may kinalaman umano ito sa talino ng isang tao. Impluwensiya kasi ito ng katotohanan na ang mga mag-aaral na may undiagnosed dyslexia ay nagiging mahina sa paaralan.

Gayunpaman, mahalagang linawin na hindi isang learning disability ang dyslexia. Gaya ng iba, may normal na katalinuhan at may kakayahan din ang mga taong may dyslexia. Nangangahulugan ito na sa tamang suporta at teknik sa pagkatuto, pwedeng gumaling sa academics ang mga taong may dyslexia at maging matagumpay gaya rin ng iba. Ang mga taong may dyslexia ay maaaring magaling din sa iba pang bagay; kasanayan sa pagkamalikhain gaya ng pagdidisenyo, at pamamaraan sa kritikal na pag-iisip gaya ng problem solving, interaktibong kasanayan, at maging sa pagsasalita.

Ano Ang Mga Sintomas Ng Dyslexia?

Ang mga sintomas ng dyslexia ay kadalasang hindi kapansin-pansin hanggang sa magsimula nang pumasok sa paaralan ang bata. At habang nag-aaral sila, maaaring mapansin ng mga magulang ang mga sumusunod na sintomas na mas madali nang mahalata:

  • Napakabagal kung magbasa o magsulat
  • Hindi nila mabaybay (spell) nang tama ang mga salita
  • Hindi mabigkas o hindi mabasa ang ilang mga salita
  • Napaghahalo-halo ang mga letra sa mga salita
  • Kayang umunawa ng mga bagay kapag pasalita, ngunit nahihirapan na kapag nakasulat
  • Nahihirapan silang magplano at mag-organisa
  • Nahihirapan din silang sumunod sa mga direksyon

Ano Ang Mga Sanhi Ng Dyslexia?

Sa ngayon, hindi pa rin matukoy ng mga siyentipiko kung ano ang mga sanhi ng dyslexia. Ngunit narito ang ilang mga posibleng sanhi nito.

Genetics

Ano ang mga sanhi ng dyslexia? Mas madalas na magkaroon ng dyslexia ang ilang pamilya kumpara sa iba. Kaya’t maaaring mayroong genetic component sa mga taong may dyslexia.

Natuklasan ng mga pag-aaral na 49% ng mga magulang na may anak na may dyslexia ay mayroon din nito. Bukod dyan, 40% ng mga kapatid ng may dyslexia ay mayroon ding ganitong kondisyon.

Mga Pagkakaiba Sa Utak

Tiningnan din ng mga siyentipiko kung paano gumagana ang utak ng mga taong may dyslexia, at natuklasan nilang may pagkakaiba ito sa mga taong walang dyslexia. Isa ito sa mga nakasosorpresang dahilan ng pagkakaroon ng dyslexia.

Partikular, ang aktibidad ng utak sa mga bahaging may kinalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at pagkatuto ay may malaking pagkakaiba. Gayunpaman, gamit ang tamang pamamaraan at estratehiya sa pagtuturo, natuklasan nilang ang aktibidad ng utak ng mga taong may dyslexia ay unti-unting nagbabago.

Sa oras na matukoy na ng mga siyentipiko ang mga sanhi ng dyslexia, makabubuo na ng mas mainam na paraan upang matulungan ang mga taong may ganitong kondisyon. Ngunit hangga’t hindi pa ito nangyayari, ang therapy, specialized learning methods, at iba pang kaparehong mga teknik ay ang pinakamainam na paraan upang harapin ang kondisyong ito.

Paano Naaapektuhan Ng Dyslexia Ang Pagkatuto Ng Bata?

Ano ang mga sanhi ng dyslexia at paano nito naaapektuhan ang pagkatuto ng bata? Maaaring magkaroon ng mga negatibong epekto ang dyslexia sa kung paano natututo ang bata. Kung tutuusin, ang pagbabasa at pagsusulat ay napakahalagang kasanayang dapat matutunan ng bata, kaya’t kung nahihirapan silang magbasa at magsulat, mahihirapan din silang matuto.

Kung hindi ma-diagnose nang maaga ang dyslexia, maaaring mapaghulihan ang bata sa paaralan, o patuloy na magkaroon ng mababang mga marka. Magdudulot ito ng insecurity sa kanila tungkol sa kakayahan nilang matuto, at pwede ring pumigil sa kanilang subukan na matuto nang magkakasama.

Pwedeng mahiya ang mga batang may dyslexia na magbasa o magsulat dahil nararamdaman nilang mabibigo sila o mahihirapang gawin ito. Pwede ring mahiya silang magbasa nang malakas sa loob ng klase, dahil baka mapahiya sila.

Maaari ding mahirapan ang mga batang may dyslexia na makipag-usap sa ibang tao, na dahilan din upang mahirapan silang magkaroon ng mga kaibigan.

Ang mga nabanggit ang maaaring magdulot ng stress at emotional problems sa mga batang may dyslexia. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga na maging maingat ang mga magulang sa mga ganitong bagay, at huwag matakot na humingi ng tulong kung sa tingin nila ay kailangan ng tulong ng kanilang anak.

Isa pang dapat tandaan na ang dyslexia ay isang panghabambuhay na kondisyon. Ibig sabihin, kahit ang matatandang may dyslexia ay maaari pa ring magkaroon ng problema sa pagbabasa o pagsusulat.

Paano Ma-Manage Ang Dyslexia?

Dahil kilalang kondisyon ang dyslexia, maraming epektibong pamamaraan na nabuo upang matulungan ang mga taong may dyslexia.

Matapos matukoy ang mga sanhi ng dyslexia, gumagamit ang mga tutor o therapist ng mga natatanging pamamaraan ng pagtuturo upang higit na matulungan ang mga batang may dyslexia. Kasama rito ang multisensory approach at paggamit ng sistema ng pagkatuto na idinisenyo upang tulungan ang mga batang may dyslexia na matuto nang mas mabuti. Kadalasan, kasama rito ang one-on-one teaching dahil may sari-sariling bilis sa pagkatuto ang mga bata.

May ilang mga paaralan na nagbibigay ng mga rekomendasyon o pagbabago sa kanilang curriculum upang matulungan ang mga batang may dyslexia. Magandang ideya kung makapagtatanong ang mga magulang sa kanilang natitipuhang paaralan kung mayroon silang programa para sa mga may dyslexia upang mas maging madali sa mga batang matuto.

Nakatutulong para sa mga estudyanteng may dyslexia ang paggamit ng audiobooks at text reading programs pagdating sa kanilang pag-aaral. Magandang paraan ito upang matuto ang mga bata sa halip na magtuon lang sa pagbabasa at pagsusulat.

Mahalaga ring isaalang-alang ang mental health ng isang bata pagdating sa dyslexia. Ilan sa kanila ay maaaring makaramdam ng pagkabigo. Makatutulong ang pagkakaroon ng therapist upang malagpasan ang ganitong negatibong pakiramdam. Pinakamainam na kumonsulta sa iyong doktor upang matukoy ang mga sanhi ng dyslexia at paano makauusad sa pagpapalaki ng iyong anak.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Bata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

What is dyslexia? – British Dyslexia Association, https://www.bdadyslexia.org.uk/dyslexia/about-dyslexia/what-is-dyslexia, Accessed September 07, 2020

Dyslexia – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/dyslexia/symptoms-causes/., Accessed September 07, 2020

Dyslexia – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/dyslexia/, Accessed September 07, 2020

What Is Dyslexia, https://www.understood.org/en/learning-thinking-differences/child-learning-disabilities/dyslexia/what-is-dyslexia, Accessed September 07, 2020

Dyslexia Basics – International Dyslexia Association, https://dyslexiaida.org/dyslexia-basics/, Accessed September 07, 2020

Developmental reading disorder, https://medlineplus.gov/ency/article/001406.htm, Accessed September 07, 2020

 

Kasalukuyang Version

03/29/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Epekto Ng Screen Time Sa Child Development, Ano Nga Ba?

Karaniwang Sakit Ng Bata Sa Preschool, Anu-ano Nga Ba?


Narebyung medikal ni

Nicole Aliling, MD

Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement