backup og meta

Hindi Pakikipag-usap sa Di Kakilala, Paano Maituturo sa Bata?

Hindi Pakikipag-usap sa Di Kakilala, Paano Maituturo sa Bata?

Imposibleng maprotektahan palagi ang mga bata sa pakikipag-usap sa mga hindi nila kilala. Kailangan nilang pumasok sa paaralan at makibahagi sa co-curricular activities kasama ang mga kaibigan. Pagdating sa tiyak na edad, magiging independent din sila. Mahalaga sa mga magulang na maturuan sila tungkol sa wastong pag-uugali. At kung ano ang dapat gawin kapag may hindi mabuting turing ang isang tao sa kanila. Makatutulong ang mga tip na ito sa iyong anak para manatiling ligtas habang hindi ka nila kasama.

Simulan Sa Pag-uusap Tungkol sa Pisikal na Kaligtasan

Sa pakikipag-usap sa iyong anak tungkol sa pakikipag-usap sa hindi nila kilala, simulan ito tungkol sa kanilang kaligtasan. Ipaliwanag sa kanila nang mabuti ang pagkakaiba ng ligtas at masamang paghawak sa kanila at kanilang katawan.

Nasa tamang edad na ang mga batang nasa apat na taong gulang pataas para maunawaan ang iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Gawing malinaw sa kanila na hindi katanggap-tanggap na hawakan sila ng karamihan sa mga tao. Sabihin sa kanila na sundin ang kanilang instinct para malaman ang ligtas at hindi ligtas na paghawak sa kanila. Bigyan sila ng lakas ng loob na magsabi sa iyo sa sandaling maging hindi komportable sa kanila na mahawakan sila. Kahit na mula pa ito sa kamag-anak o kakilala.

Ipaalam ang Konsepto ng Pakikipag-usap sa Taong Hindi Kilala

Karaniwang handa na sa usapin na ito ang mga bata kapag nasa apat na taong gulang na sila. Maaari mong umpisahan ang pag-uusap sa pagtatanong sa iyong anak kung alam nila kung sino ang “stranger”. Kung hindi sigurado ang anak, sabihin sa kanila na tinatawag na “stranger” ang sinumang hindi nila kilala.

Upang hindi matakot ang bata, linawin sa kanila na hindi agad nangangahulugan na mabuti o masama ang taong hindi niya kilala. Sila lamang ang mga taong hindi niya kilala. Kaya pinakamainam sa umpisa na mag-ingat sila at lumayo.

Ipakilala ang mga Pinagkakatiwalaang Matanda sa Iyong Anak

Ipakilala sa iyong anak ang ilang sa mga pinagkakatiwalaan mong kaibigan o mga nasa hustong gulang na maaari nilang hanapin kapag kailangan nila ng tulong. Maaaring isa pang pinagkakatiwalaang kamag-anak, guro, o tagapayo sa paaralan.

Magkaroon ng Patakaran sa Pakikipag-usap sa hindi kilala

Magkaroon ng patakaran tungkol sa pakikipag-usap sa hindi nila kilala. Dapat turuan ng mga magulang ang mga preschooler na dapat sila dumeretso sa pinagkakatiwalaan nilang matanda na kilala mo sa tuwing nilalapitan sila ng taong hindi kilala.

Dapat maturuan ang mga bata na mabuti ding batiin ang taong hindi nila kilala kung magkalapit sila. Ngunit hindi nila kailangan makipag-usap sa bawat taong hindi nila kilala na lumalapit sa kanila. Gayunpaman, kailangan nilang mag-ingat sa mga taong nakakasalamuha nila. Maging malinaw na hindi sila dapat pumunta kahit saan na kasama ang hindi nila kilala.

Ipinagbabawal ang Pakikipag-usap sa mga Hindi Kilala sa Internet

Dapat bantayan nang mabuti ang mga ginagawa ng iyong anak sa internet upang makontrol mo kung ano ang ginagawa nila online. Hindi dapat sumali sa mga chat forum ang mga maliliit na bata. Kadalasang mas nagiging target ng mga predator online ang mga batang wala pang 10 taong gulang. Sabihin sa mga bata na huwag kailanman magbahagi ng personal na impormasyon, sagutin ang mga tanong, o sagutan ang mga form online.

Magkaroon ng Patakaran sa Paggamit ng Pampublikong Banyo

Napakahalaga ng kaligtasan pagdating sa pakikipag-usap sa mga hindi kilala lalo na sa mga pampublikong banyo dahil karamihan sa mga batang nasa edad anim na taon ang handa nang gumamit ng pampublikong banyo nang mag-isa. Ngunit siguraduhing tumayo sa labas ng pinto at sabihin sa iyong anak na tawagin ka kung kailangan ka nila. Kung may ibang nag-aalok ng tulong, kailangang alam nila na dapat nila itong tanggihan sa pamamagitan ng pagsasabi ng, “Hindi, salamat. Matutulungan ako ng mga magulang ko.”

Ihanda ang mas Matatandang Bata na Mag-isa sa Bahay

Ituro sa kanila na hindi nila dapat buksan ang pinto kapag hindi nila kilala ang nasa labas ng pintuan. Kapag may dalang package ang isang tao, dapat nilang sabihin na bumalik na lamang ito sa ibang pagkakataon.

Kung may landline o mobile phone, magpasya kung gusto mong pasagutin ng telepono ang iyong anak. Kung balak mong tumawag sa bahay nang madalas kapag wala ka, gumamit ng caller ID para malaman ng iyong mga anak na tumatawag ka.

Mag-roleplay para Turuan Sila

Mabuting paraan ang roleplaying upang maturuan ang mga bata kung paano ligtas na makipag-usap sa hindi nila kilala. Makipag-usap sa iyong mga anak tungkol sa kung ano ang gagawin kung lapitan sila ng hindi nila kilala habang nasa parke. Halimbawa, kung nasa sasakyan ang isang tao at humingi ng address, sabihin sa iyong mga anak na umatras at saka ituro ang direksyon. Ngunit kapag lumabas ang tao sa kanilang sasakyan at lumapit sa kanila, dapat lumayo ang iyong anak, tumalikod, at pumasok sa loob ng bahay o paaralan para magtawag ng isang matanda.

Ulitin, Ulitin, Ulitin

Hindi kailangang mag-overreact. Ulitin lamang nang ulitin ang mga pangaral tungkol sa hindi pakikipag-usap sa hindi kilala sa mga partikular na sitwasyon, tulad ng Halloween, bakasyon, party o biyahe. O madalas sa tuwing nakakakita ng hindi kilala ang iyong anak. Huwag palampasin ang mga pagkakataon nang hindi nagpapaalala sa iyong anak tungkol sa hindi pakikipag-usap at mga panganib ng pakikipag-ugnayan sa mga hindi kilala.

Matuto pa tungkol sa Mga Isyu sa Kalusugan ng Bata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

How to talk to your child about interacting with strangers/https://www.babycenter.com/0_how-to-talk-to-your-child-about-interacting-with-strangers_3657124.bc /Accessed on 19/01/2020

How can I teach kids to be smart about strangers/https://kidshealth.org/en/parents/stranger-smarts.html/Accessed on 19/01/2020

Teaching your child about strangers/https://www.familyeducation.com/life/stranger-safety/teaching-your-child-about-strangers/Accessed on 19/01/2020

Stranger/Danger Safety Tips/https://www.carman.k12.mi.us/Page/409 /Accessed on 19/01/2020

How to talk to your child about strangers/https://www.babycentre.co.uk/a1021927/how-to-talk-to-your-child-about-strangers /Accessed on 19/01/2020

Kasalukuyang Version

01/28/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Paano Maiwasan ang Shaken Baby Syndrome

Alamin ang Komplikasyon ng Kawasaki Disease


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement