backup og meta

Epekto Ng Earphones Sa Pandinig Ng Bata, Ano Nga Ba?

Epekto Ng Earphones Sa Pandinig Ng Bata, Ano Nga Ba?

Sa mga araw na ito, ang paggamit ng earphone ay naging bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay. Mula sa pakikinig sa musika gamit ang telepono, panonood ng mga video, pati na rin sa pagkuha at pagtawag, ang mga earphone ay ginagamit araw-araw. Ngunit ano ang sinasabi nito tungkol sa mga epekto ng earphones sa pandinig?

Ano ang mga epekto ng earphone sa pandinig?

Dahil common na ang online classes at work from home, nagsimula nang gamitin ng mga tao ang mga earphone sa mahabang panahon.

Ang mga earphone ay maaaring magbigay sa iyo ng privacy kapag may tumawag. Gamit din ang earphone mas madaling makinig sa isang tao na nagsasalita kapag naririnig mo sila nang direkta. Mas maginhawa ring makinig ng musika sa iyong mga earphone lalo na kung ayaw mong makaistorbo ng ibang tao.

Kahit kapaki-pakinabang ang mga earphone, puwede din itong magdulot ng mga problema. Kapag nakikinig sa mas mataas na volume gamit ang earphone, puwede itong makapinsala sa mga tainga ng tao.

Paano nangyayari ang pagkapinsala sa tainga?

Dahil ang mga earphone ay direktang isinusuot sa loob ng mga tainga, direktang napupunta ang tunog nito sa eardrums. Ang tunog ay dumaraan sa gitnang tainga, at pagkatapos ay sa panloob na tainga (inner ear) kung saan dinadala ito ng maliliit na selula ng buhok sa isang bahagi na tinatawag na cochlea. Gayunman, ang malalakas na ingay ay puwedeng makapinsala sa mga selula sa cochlea, na nakakaapekto naman sa ating kakayahang makarinig.

Ang isa sa mga pangunahing problema dito, kumpara sa ibang bahagi ng katawan, hindi nito kayang ayusin o i-repair ang sarili. Ibig sabihin, kung ang iyong panloob na mga tainga ay dumaranas ng anumang uri ng pinsala, ang pinsala ay mananatili doon habang buhay. Kaya naman, sa kalaunan, lalala ang kondisyon nito kapag patuloy na nakinig sa malalakas na ingay.

Dapat na maging matalino ang mga mas nakababata sa paggamit ng earphone. Habang tumatanda ang mga tao, normal para sa kanila na dumanas ng ilang uri ng pagkawala ng pandinig. Sa katunayan, ang mga nakababata ay nakakarinig ng mas malawak na hanay ng mga tunog kumpara sa mga nasa hustong gulang o sa matatanda.

Ito ang dahilan kung bakit ang pagkawala ng pandinig ay hindi dapat maging problema para sa mga bata, dahil sa kanilang edad, ang kanilang pandinig ay dapat na maayos.

Sa mga araw na ito, ang pagkawala ng pandinig sa kabataan ay mas seryosong kaso. Sa ngayon, halos isa sa limang kabataan ang dumaranas ng isang uri ng pagkawala ng pandinig. At naniniwala ang mga eksperto na maaaring ito’y dahil sa malawakang paggamit ng earphone.

Ano pa ang epekto ng earphones sa pandinig?

Ang isang posibleng dahilan sa likod nito ay ang ilang mga kabataan ay nakikinig ng malakas na musika sa kanilang mga earphone sa loob ng mahabang panahon. Sa kanilang edad, maaaring hindi nila maramdaman kaagad ang epekto ng mga earphone sa pandinig. Ngunit habang tumatanda sila ay mapapansin nilang maaaring mayroon silang ilang problema sa pandinig.

Ang pakikinig sa malakas na musika sa loob ng isang oras at 15 minuto ay maaaring magdulot ng pinsala sa tainga ng isang tao. Maiisip mo na lang ang magiging epekto nito kung ang isang teenager ay nakikinig ng musika sa buong araw.

Kailan ka dapat mag-alala?

Ang mga epekto ng pagkawala ng pandinig ay hindi palaging agaran. Ito ang dahilan kung bakit may posibilidad na balewalain ng ilang kabataan ang payo sa pagpapababa ng volume ng kanilang pinakikinggan.

Ngunit sa paglipas ng panahon, maaari nilang mapansin ang mga sumusunod na sintomas:

  • Ang tumutunog (ringing) sa tainga pagkatapos makarinig ng malalakas na ingay
  • Ear fatigue o pagkapagod ng tainga, discomfort, at pagkawala ng sensitivity
  • Nakarinig ng mga muffled o distorted na tunog
  • Nahihirapang marinig ang sinasabi ng ibang tao
  • Pakikinig ng musika o radyo sa mas mataas na volume upang marinig nang maayos

Ibig sabihin ng mga sintomas na ito ay, ang isang tao ay may ilang antas ng pagkawala ng pandinig. Kaya mahalagang alagaan ng mga tao ang kanilang mga tenga lalo na kung mapansin nila ang mga sintomas na ito.

Paano mo aalagaan ang iyong mga tenga?

Kapag nagsimula na ang pagkawala ng pandinig, wala nang paraan para maayos ito. Gayunman, may ilang hakbang na puwedeng gawin ng mga tao upang maiwasan ang pagkawala ng pandinig.

Narito ang ilan sa mga bagay na maaaring gawin ng mga tao:

  • Sundin ang 60/60 na panuntunan. Ibig sabihin, gamitin ang iyong mga earphone sa loob ng 60 minuto sa isang araw, na may hindi hihigit sa 60% volume.
  • Kung hindi mo masusunod ang panuntunang ito, magpahinga nang madalas upang makatulong na ipahinga ang iyong mga tainga.
  • Iwasang makinig ng malakas na musika gamit ang iyong earphones.
  • Kung maaari, gamitin ang mas lumang istilong headphone na nakalagay sa ibabaw ng tainga.
  • Ang isang dapat tandaan ay kung hindi mo naririnig ang anumang ingay sa labas, ibig sabihin, masyadong malakas ang volume mo.
  • Gumagana nang maayos ang mga earphone na may noise cancellation dahil karaniwang hindi mo kailangang lakasan ang volume.
  • Maaari ka ring gumamit ng mga speaker sa halip na mga earphone upang maiwasan ang anumang pagkawala ng pandinig.
  • Kung tumatawag ka, subukang gawin ito sa isang tahimik na lugar para hindi na kailangang lakasan pa ang volume.
  • Mas mapangangalagaan mo ang iyong mga tainga at maiiwasan ang anumang pagkawala ng pandinig kung susundin ang mga tip na ito.

Matuto ng higit pa sa Pagiging Magulang dito

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Earbuds (for Teens) – Nemours KidsHealth, https://kidshealth.org/en/teens/earbuds.html, Accessed October 16, 2020

5 ways to prevent hearing loss – NHS, https://www.nhs.uk/live-well/healthy-body/top-10-tips-to-help-protect-your-hearing/, Accessed October 16, 2020

Headphones & Hearing Loss | American Osteopathic Association, https://osteopathic.org/what-is-osteopathic-medicine/headphones-hearing-loss/, Accessed October 16, 2020

Headphone Listening Habits and Hearing Thresholds in Swedish Adolescents, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5501022/, Accessed October 16, 2020

Ear Infection and Hearing Loss Amongst Headphone Users, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3406203/, Accessed October 16, 2020

Are Earbuds Safe? | UPMC Pinnacle, https://www.pinnaclehealth.org/wellness-library/blog-and-healthwise/blog-home/post/are-earbuds-safe, Accessed October 16, 2020

What you need to know about earbuds and hearing loss | Ohio State Medical Center, https://wexnermedical.osu.edu/blog/earbuds-and-hearing-loss, Accessed October 16, 2020

Kasalukuyang Version

12/02/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Jezreel Esguerra, MD

In-update ni: Jezreel Esguerra, MD


Mga Kaugnay na Post

Paano Maiwasan ang Shaken Baby Syndrome

Alamin ang Komplikasyon ng Kawasaki Disease


Narebyung medikal ni

Jezreel Esguerra, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement