backup og meta

CPR sa Bata: Heto Ang Tips Kung Paano Ito Gawin

CPR sa Bata: Heto Ang Tips Kung Paano Ito Gawin

Tinatawag na cardiopulmonary resuscitation, o CPR sa madaling salita, ang karaniwang life-saving procedure na natututunan ng maraming tao bilang first-aid sa panahon ng emergency. Isa itong mahalagang teknik na magagawa kung makakita ng isang taong nalulunod o inaatake sa puso, na nagdudulot sa baga at puso na tumigil sa paghinga at pagtibok. Maaaring kailangan din ang CPR sa bata.

Karaniwan itong ginagawa sa pamamagitan ng pinagsamang chest pumping (compressions) at rescue (mouth-to-mouth) breathing upang makatulong sa pagpapagalaw ng dugo mula puso papuntang katawan at ng oxygen papuntang baga.

Unawain Kung Paano Nagtatrabaho ang Baga at Ang Puso

Tumutulong ang baga na magpasok (inhale) ng hanging taglay ang maraming oxygen sa katawan. mahalaga ito upang patuloy na mabuhay. Habang responsable naman ang puso sa pagpapadala ng dugo sa baga at sa buong katawan.

Mga Senyales na Kailangan ang CPR sa Bata

Halos katulad lang ng CPR sa bata ang karaniwang ginagawa na CPR para sa matanda, bukod sa ginagawa ang CPR sa bata para sa mga nasa edad na 1 hanggang 8 na taon. Umaabot din ang pediatric age mula infancy hanggang late adolescence (0 hanggang 18 na taon). Kaya kabilang pa rin sa parehong kategorya ang mga batang nasa kanilang teen years.

Kung magpakita man ang bata ng alinman sa mga sumusunod na senyales at pahiwatig, marapat na isagawa ang CPR sa bata:

  • Hindi humihinga
  • Walang pulso
  • walang malay

Maaaring huminto ang tibok ng puso at paghinga ng bata dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Nalulunod
  • Nabubulunan
  • Nalalason
  • Sakit sa baga
  • Labis na pagdurugo
  • Pagkakoryente
  • Trauma sa ulo o iba pang malubhang injury
  • Hindi makahinga dahil sa suffocation

Paano Gawin Ang CPR sa Bata?

Ang pag-alala at pagsunod sa tatlong madaling hakbang gamit ang acronym na CAB ang isa sa madaling paraan para malaman kung ano ang dapat gawin sa panahon ng emergency:

C – Gawin ang Chest compressions

A – Suriin ang Airway

B – Gawin ang rescue Breathing

Narito ang mga detalyadong hakbang na dapat sundin ng tao sa pagsasagawa ng first aid:

  1. Marahang tapikin ang bata para tingnan kung alerto ito. Suriin kung paano gumagalaw o gumagawa ng ingay ang bata. Maaaring sumigaw upang itanong kung maayos lang ang bata.
  2. Kung hindi tumugon ang bata, tumawag kaagad ng ospital o anumang numero ng local emergency na maaaring magdala ng ambulansya sa lalong madaling panahon. Hindi dapat iwanan ang bata nang mag-isa hanggang sa maisagawa ang CPR sa loob ng dalawang minuto.
  3. Maingat na pahigain ang bata sa kanilang likod. Kung may posibilidad na may spinal injury ang bata, dapat hawakan ng dalawang tao ang bata upang maiwasang gumalaw ang kanyang ulo at leeg sa maling direksyon.
  4. Pagkatapos nito, maaari nang simulan ang chest compressions.

Paano gawin ang chest compressions?

  • Karaniwan itong ginagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng dulo ng iyong palad sa ibaba ng nipple area ng breastbone ng bata.
  • Panatiliing nakatuwid ang ulo ng bata habang nakaalalay ang iyong isang kamay sa kanilang noo.
  • Pindutin ang dibdib ng bata sa lalim na one-third hanggang kalahati ng lalim ng dibdib ng bata.
  • I-compress sa loob ng 30 na segundo ang dibdib ng bata. Hayaang tumaas nang kusa ang dibdib sa bawat compression. Hindi dapat tumitigil sa pagitan ng bawat compression. At mabilis dapat ang pagbilang sa 30 na compression.
  • Maaari ding gawin ng mga rescuer na mayroong CPR training ang “two-thumb encircling hands technique”. Para magawa ito, ipalibot ang dalawang kamay sa dibdib ng bata. I-compress ito gamit ang dalawang hinlalaki sa humigit-kumulang one-third hanggang kalahati ng lalim ng kanilang dibdib.

Paano gawin ang two-thumb encircling hands technique?

  1. Marahang buksan ang bibig o airway ng bata. Sa isang kamay, itaas ang kanilang baba at itulak naman pababa ang kanilang noo gamit ang kabilang kamay para tumingala ang kanilang noo.
  2. Suriin ang anumang senyales ng paghinga sa pamamagitan ng paglapit ng iyong tainga sa bibig at ilong ng bata. Siguraduhin ding obserbahan ang paggalaw ng dibdib nila at pakiramdaman ang hininga nila sa iyong pisngi.
  3. Kung hindi pa rin nagpapakita ng senyales ng paghinga ang bata:
  • Mahigpit na takpan ang bibig ng bata gamit ang iyong bibig.
  • Pisilin ang ilong ng bata habang nananatiling nakataas ang baba at nakatingala ang ulo nila.
  • Magbigay ng dalawang rescue breath na dapat tumagal ng halos isang segundo ang bawat isa para tumaas ang dibdib ng bata.
  1. Patuloy na gawin ang rescue breathing at chest compression hanggang sa gumaling ang bata o dumating ang rescue. Kung isa lamang ang rescuer, dapat magbigay ng dalawang rescue breath pagtapos ng bawat 30 na chest compression. Kung may dalawa namang rescuer, dapat makakuha lang ng dalawang rescue breath ang bata kada 15 na chest compression.
  2. Ilagay ang bata sa recovery position kapag nagsimula na uli silang huminga. Hanggang sa dumating ang tulong, patuloy na suriin ang kanilang paghinga.

Key Takeaways

Mahalagang first aid technique na dapat malaman ng lahat ang CPR sa bata, lalo na sa mga may anak. Kung maaari, sumailalim sa CPR training. Kung sakali hindi ka kampante o confident na gawin ang CPR, tumawag kaagad sa ospital, o pinakamalapit na health care provider sa iyong lugar (tulad ng barangay health care center, mga clinic na malapit, at iba pa). 
Kapag mayroong batang walang malay at hindi humihinga, mahalaga ang oras. Paglagpas lang ng 4 na minutong walang oxygen, maaaring magkaroon ng permanenteng brain injury, at magresulta sa pagkamatay sa sunod na 4 hanggang 6 na minuto. Parating tumawag para sa emergency.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Bata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Child & Baby CPR, https://www.redcross.org/take-a-class/cpr/performing-cpr/child-baby-cpr Accessed September 28, 2021

CPR: A Real Lifesaver, https://kidshealth.org/en/kids/cpr.html Accessed September 28, 2021

How to resuscitate a child, https://www.nhs.uk/conditions/baby/first-aid-and-safety/first-aid/how-to-resuscitate-a-child/ Accessed September 28, 2021

CPR for children and teenagers: in pictures, https://raisingchildren.net.au/toddlers/safety/cpr-first-aid/cpr-for-children Accessed September 28, 2021

How to do CPR on a child, https://www.sja.org.uk/get-advice/first-aid-advice/paediatric-first-aid/how-to-do-cpr-on-a-child/ Accessed September 28, 2021

CPR – child (1 to 8 years old), https://www.mountsinai.org/health-library/injury/cpr-child-1-to-8-years-old Accessed September 28, 2021

Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) for Infants, https://www.nationwidechildrens.org/family-resources-education/health-wellness-and-safety-resources/helping-hands/cardiopulmonary-resuscitation-cpr-for-infants Accessed September 28, 2021

 

Kasalukuyang Version

06/21/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Paano Maiwasan ang Shaken Baby Syndrome

Alamin ang Komplikasyon ng Kawasaki Disease


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement