Sa loob ng puso ng mga magulang, alam nilang ang bawat isa sa kanilang mga anak ay natatangi. Maaaring sila ay nakatira sa iisang bahay, pumapasok sa parehong paaralan, at nagsasalo sa parehong pagkain, ngunit ang kanilang pag-uugali, kakayahan, at personalidad ay maaaring magkaiba. Ang isa ay mahiyain; maingay yung isa. Ang nakatatandang bata ay may mahuhusay na marka; ang nakababata ay “magaling lang.” Kahit na halata ang mga pagkakaibang ito, okay lang bang ihambing ang mga bata sa bawat isa? Ano ang masamang epekto ng pagkukumpara ng magkapatid?
Ang Mga Posibleng Negatibong Epekto ng Pagkukumpara ng Magkapatid
Minsan, hinihikayat ng mga paghahambing ang mga tao na maging mas mahusay. Gayunpaman, sa mga bata, kailangang mag-ingat ang mga magulang. Nasa ibaba ang mga potensyal na negatibong epekto ng paghahambing ng magkakapatid:
Ang mga paghahambing ay maaaring humantong sa mababang pagpapahalaga sa sarili
Ang pagpapahalaga sa sarili ay kung gaano kahusay ang nararamdaman mo sa iyong sarili.
Ang mga batang may pagpapahalaga sa sarili ay nakadarama ng pagmamahal at pagtanggap, pagtitiwala, at pagmamalaki sa kanilang nagagawa. Sa kabilang banda, ang mga batang may mababang pagpapahalaga sa sarili ay nagdududa sa kanilang mga kakayahan sa paggawa ng mga bagay. Karagdagan pa, madalas nilang nararamdaman na sila ay “hindi kasinghusay ng iba.”
Ang paggawa ng mga paghahambing ay maaaring palakasin ang mga negatibong damdaming ito ng pagiging hindi sapat, na nagreresulta sa pagkasira ng pagpapahalaga sa sarili.
Maaari itong makakaapekto sa relasyon ng magulang sa anak
Isa sa mga posibleng negatibong epekto ng paghahambing ng mga kapatid ay ang alitan sa pagitan ng magulang at anak.
Sa isang pag-aaral na pinamagatang, Parents’ Social Comparisons of Siblings and Youth Problem Behavior: A Moderated Mediation Model, nabanggit ng mga mananaliksik na ang magkapatid na inihahambing sa isa’t isa ay kadalasang may magkaibang pananaw sa pagtrato na natatanggap nila mula sa kanilang mga magulang.
Ang batang iniisip ng mga magulang na may mas mabuting pag-uugali ay naiulat na may mas kaunting conflict sa kanilang mga magulang kumpara sa kanilang mga kapatid. Ayon sa pag-aaral, ang mga nanay at tatay ay may posibilidad na maging “hindi gaanong reaktibo” sa mga maliliit na paglabag na ginawa ng bata na nakikita nilang mas mahusay na kumilos.
Maaaring maapektuhan ng mga paghahambing ang kanilang academic performance
Sa isa pang ulat mula sa Parents’ comparisons make siblings different, natuklasan ng mga imbestigador na ang isa sa mga negatibong epekto ng pagkukumpara ng magkapatid ay ang poorer academic performance.
Inimbitahan ng mga mananaliksik ang mga pamilyang may dalawang anak. Pagkatapos ay tinanong ang mga magulang kung sino sa tingin nila ang mas matalino sa magkapatid. Nakita sa pag-aaral na karamihan sa mga magulang ay inakalang mas matalino ang mas nakatatandang anak, kahit na lumalabas na halos pareho lang naman ang average ng grades nila.
Nakababahalang ang mga paniniwala ng mga magulang ay tila nakaapekto sa magiging marka ng bata. Ang bata na sa tingin ng mga magulang ay hindi gaanong matalino ay nag-perform nang mas mahina sa sumunod na taon. Ang opinyon ay nag-translate sa GPA difference na 0.21.
Sinabi ng mga mananaliksik na hindi ito gaanong malaki, ngunit ang mga taon ng paghahambing ay maaaring magpatong-patong at makagawa ng higit pang mga pagkakaiba sa pagitan ng magkapatid.
Ipinaliwanag din nila na maaaring isipin ng mga magulang na ang nakatatandang kapatid ay mas matalino o mas may kakayahan dahil gumagawa sila ng mas kumplikadong mga gawain sa anumang oras. Kung tutuusin, natuto muna silang magbasa, magsulat, at magbilang.
Ang trick upang maiwasan ang pagkukumpara
Natural lang sa mga magulang na ikumpara ang kanilang mga anak. Sa katunayan, ang paghahambing sa mga ito ay isang mahusay na paraan upang makita ang mga problema nang maaga. Halimbawa: Kung ang nakatatandang kapatid ay nagsimulang magbasa noong anim na taong gulang at ang nakababatang kapatid ay hindi pa rin nakababasa sa edad na pito, ang mga magulang ay maaaring humingi kaagad ng tulong medikal.
Gayunpaman, para mai-set up ng mga magulang ang lahat ng kanilang mga anak para sa tagumpay, kailangan nilang maging maingat sa pagbibitaw ng salita kapag nagkukumpara ng mga anak. Gaano man kapansin-pansin ang kanilang pagkakaiba, tiyaking magtutuon sa bata at sa sitwasyon o problema.
Kaya, imbes na sabihing, “Lagi namang maayos ang kwarto ng kapatid mo, bakit hindi mo rin magawa?” sabihin ito nang “Bakit hindi ka pa naglilinis ng kwarto mo? Kailangan mo ba ng tulong?”
Gayundin, sa halip na magbigay ng papuri tulad ng “Palagi mo akong tinutulungan sa mga gawain, hindi tulad ng iyong kapatid,” pag-isipang sabihin, “Maraming salamat sa pagtulong mo sa akin. Talagang pinahahalagahan ko ito!”
Pangunahing Konklusyon
Kabilang sa mga posibleng negatibong epekto ng paghahambing ng magkakapatid ang pagkakaroon ng mababang pagpapahalaga sa sarili, pinsala sa relasyon ng magulang-anak, at poor academic performance. Upang maiwasan ang pagkukumpara ng magkapatid, tandaang tumuon sa bata at sa kasalukuyang sitwasyon.
Matuto pa tungkol sa Child Health dito.