Masakit para sa isang anak na harapin ang paghihiwalay ng kanyang mga magulang dahil malaking hamon ito sa katatagan ng kanilang loob. Maaaring maramdaman nila na para bang nabaliktad ang kanilang mundo at tila isang panaginip lang ang lahat. Ngunit ang antas ng kanilang pagkabalisa ay pwedeng mag-iba-iba depende sa kanilang edad, pag-iisip, at paraan o dahilan ng paghihiwalay ng kanilang magulang. Kaya naman napakahalaga na malaman ang mga epekto ng paghihiwalay ng magulang sa anak, upang magkaroon tayo ng ideya sa kung ano ang maaaring iniisip, nararamdaman at pinagdaraanan ng isang anak kaugnay sa ganitong klaseng sitwasyon.
Mga Epekto Ng Paghihiwalay Ng Magulang Sa Anak
Sa paghihiwalay ng mga magulang ng anak narito ang ilan sa mga bagay na pwede nilang maramdaman:
- Pagkakaroon ng galit sa magulang na dahilan ng pagkasira ng kanilang pamilya
- Nahihirapan sa pagpili ng sasamahan at papakinggan na magulang
- Pag-aalala na sila ang dahilan ng paghihiwalay ng kanilang parents
- Nakakaramdam ng pagkainggit sa ibang tao, partikular sa mga anak na may buong pamilya
- Pagkakaroon ng isang pakiramdam ng pagkawala o “sense of loss”
- Pagkatakot na maiwang mag-isa
- Pagiging malayo ng loob sa magulang o buong pamilya
Ang mga epekto sa damdamin na nabanggit ay maaaring lumala depende sa magiging set-up at sitwasyon ng kanilang pamilya at buhay. Ngunit tandaan may posibilidad naman na malagpasan ng anak ang mga emosyon na ito lalo na kung makakuha siya ng sapat na suporta at gabay sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Paano Makakaiwas Sa Masamang Epekto Ng Paghihiwalay Ng Magulang?
Narito ang ilang tips na maaaring mong gawin bilang magulang upang maiwasan o maharap ng iyong anak ang mga epekto na dulot ng paghihiwalay:
- Iparamdam sa anak na hindi sila nag-iisa at walang kulang sa kanila.
- Siguraduhin na patuloy pa rin silang aalagaan at pinoprotektahan mula sa mga alalahanin at responsibilidad na dapat ay nasa mga matatanda.
- Linawin sa anak kung bakit kinakailangan ninyo maghiwalay bilang mag-asawa.
- Ipaliwanag sa kanya unti-unti ang sitwasyon ng pamilya.
- Maglaan ng oras para makasama ang anak at makausap.
- Ipakita na interesado ka sa hilig ng anak at pangarap.
Bilang magulang kailangan ay maging responsable tayo sa mga bagay na pwedeng maging resulta ng ating pakikipaghiwalay — lalo na para sa ating mga anak. Kaya mahalaga na dapat alam natin kung paano susuportahan ang ating mga anak sa panahon na sila ay nakakaramdam ng kalungkutan. Dahil sa oras na hindi siya makakuha ng sapat na suporta upang harapin ang mga negatibong emosyon dulot ng inyong hiwalayan, pwede itong maging sanhi ng pagiging “insecure” niya sa buhay. At sa mas malalalang kaso maaaring matutunan ng anak na maibuntong sa ibang tao ang mga frustration na kanyang nararamdaman.
Mahalagang Paalala
Bago kayo humantong sa hiwalayan, mahalagang isipin at pagkatimbangin ang sitwasyon na mayroon sa inyong mag-asawa dahil isa sa pinakaapektado ng magiging hiwalayan ay ang inyong mga anak. Kung kaya pang pag-usapan at ayusin ang mga bagay na hindi pinagkakasunduan — ayusin ito! Subalit kung hindi na talaga kayang isalba ang relasyon at mas makakabuti na para sa’yo, at sa inyong anak kung maghihiwalay kayong mag-asawa — gawin ito. Siguraduhin lamang na hindi pa rin mapapabayaan ang inyong anak sa gagawin na desisyon sapagkat malaki ang pagbabago ng inyong hiwalayan sa magiging buhay ng inyong anak.
Key Takeaways
Ang emotional at behavioural problem sa mga bata ay mas madalas kapag ang kanilang mga magulang ay naghiwalay o nag-aaway dahil maaaring makaramdam ang mga anak ng pagkainggit sa ibang tao — o maging “insecure” sa buhay. Tandaan mo rin na ang insecurity o kawalan ng kapanatagan ay pwedeng maging dahilan ng kanilang mga bangungot at pagkakaroon ng hindi magandang pag-uugali.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]