Sumasakit ba ang ulo mo sa mga anak mo dahil sa maya’t mayang pag-aaway nila? Sila ba ay parang aso’t pusa na kapag nagkita ay nagbabangayan? Kaya bilang magulang, sobrang nakakakilig kapag nakikita natin na magkasundo ang ating mga anak, at napapahinga ang ating tenga sa ingay ng kanilang pag-aaway. Ngunit alam mo ba na ayon sa mga eksperto ang pag-aaway ng magkapatid ay normal lamang at maaaring makabuti para sa kanila?
Sounds contradicting ‘di ba? Pero posible ito. Kaya patuloy na basahin ang artikulong ito upang malaman paano nagiging healthy at unhealthy ang away ng magkapatid. Subalit bago ang lahat alamin muna natin bakit nag-aaway ang magkapatid.
Bakit Nag-aaway Ang Magkapatid?
Sa totoo lang maraming iba’t ibang bagay ang maaaring maging dahilan ng pag-aaway ng magkapatid. Karamihan sa magkapatid ay nakakaranas ng pagseselos at kompetisyon na pwedeng sumiklab at mauwi sa mga pag-aaway at pagtatalo. Pero maaaring maimpluwensyahan din ng iba pang mga factor ang tindi at dalas pag-aaway nila. Kabilang dito ang mga sumusunod:
1. Pagkakaroon ng magkakaibang pangangailangan
Ang bawat bata ay unique at magkakaiba, kaya hindi nakapagtataka na hindi sila pare-pareho ng mga gusto at pangangailangan. Malaking factor din ang kanilang edad sa kung paano nila nanaisin at kakailanganin ang isang bagay. Bilang resulta ng kanilang pagkakaiba, pwede itong humantong sa pagtatalo ng magkapatid dahil sa pagkakabangga ng kanilang iba’t ibang perspektibo at gusto.
2. Individual temperaments and personality
Bagamat magkapatid sila, kahit kambal pa sila — siguradong magkaiba sila ng personalidad. Gaya ng iba’t ibang pagtugon nila sa bawat sitwasyon, mood, disposisyon sa buhay, adaptability ay may malaking role ito sa kung paano sila magkakasundo.
3. Selos
Ang selos ang isa sa madalas na dahilan ng away ng magkapatid. Isa ito sa mga damdaming maaaring magdulot ng matinding galit mula sa anak dahil nararamdaman nila na mas mahal o binibigyan mo ng atensyon ang kanilang kapatid. Pwede rin magresulta sa kompetisyon ang selosan na nagaganap sa magkapatid at maging sanhi nang mas malalim na hidwaan.
4. Role Models
Ayon sa artikulong “Sibling Rivalry” ang paraan ng paglutas ng mga magulang ng mga problema ay nagbibigay ng isang matibay na halimbawa para sa mga anak, kung paano pakikitunguhan ang kapatid. Kaya naman kung kayong mag-asawa ay humaharap sa mga salungatan sa paraang magalang, produktibo, at hindi agresibo, pinalalaki mo ang pagkakataon na ang iyong mga anak ay magpatibay ng mga taktikang iyon na nasaksihan nila, kapag sila naman ay nagkaroon ng mga problema sa isa’t isa.
Pero kung nakikita ka ng iyong mga anak na palagi kang sumisigaw, at nakikipagtalo kapag may problema ka, malamang na gayahin ka din nila.
Paano Nagiging Problema Ang Away Ng Magkapatid?
Ang away ng magkapatid ay normal lamang na kaganapan sa buhay nila na pwedeng makatulong upang maitulak sila na gumawa nang mas mahusay na desisyon sa buhay. Pero ang sobrang pag-aaway at kompetisyon ay maaari ring maging masakit, at maaaring magbunga ng malalim na hidwaan at long term effect sa kung paano tinitingnan ng isang anak ang sarili — at ang kanilang mga relasyon sa pamilya.
Sa katunayan, ayon sa artikulong mula sa “Harvard Health Publishing” iniuugnay ng isang pag-aaral sa family dynamics noong 2021 ang sibling bullying sa lower sense of competence, life satisfaction, at pagpapahalaga sa sarili. Natuklasan ng naunang pananaliksik na ang pagiging bully ng isang kapatid ay dumodoble sa pagkakaroon panganib ng depresyon at pananakit sa sarili sa early adulthood.
Lumabas din sa ilang mga pag-aaral na ang away ng magkapatid ay pwedeng humantong sa pagiging bully — o pagiging biktima ng bullying. Madalas nagiging bully ang anak kapag gusto niyang maging malakas sa kahit sino, lalo’t nakita niya na kayang-kaya n’ya ma-overpower ang kapatid. O kaya naman gustong maramdaman ng iyong anak na mas malakas siya sa ibang tao, dahil mahina siya pagdating sa kanyang kapatid — o lagi siyang talo.
Pwede rin maging biktima ng bullying ang iyong anak, kapag nararamdaman niya na wala siyang kakayahang lumaban at mahina siya dahil lagi siyang natatalo o dehado sa away nilang magkapatid.
Bukod pa sa mga nabanggit na masamang epekto ng away ng magkapatid, maaari rin magdulot ng depresyon at pagkabalisa sa kanila ang madalas na pag-aaway.
Paano Nagiging Healthy Ang Away Ng Magkapatid?
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik sa University of Cambridge, ang away ng magkapatid sa panahon na sila ay bata pa ay maaaring makatulong sa kanilang paglaki — emotionally at mentally. Lumabas rin sa pag-aaral na ang magkakaroon ng away sa kapatid ay nakakatulong para maging mahusay sa pangangatwiran. Ito’y dahil sa pakikipagsagutan sa kapatid sa tuwing kayo ay nag-aaway.
Bukod pa rito, ayon naman sa pag-aaral na pinamagatang “Toddlers Up”, narito ang ilan sa mga posibleng magagandang epekto ng away ng magkapatid:
1. Pagdevelop ng kanilang social skills
Kapag nagtatalo ang magkapatid, hindi maiiwasan na nagbibigay sila ng magkakaibang perspektibo. Kung saan ang paraan ng pagbalangkas ng kanilang mga argumento ay may mahalagang papel sa pagpapabuti ng kalusugan ng isip at maayos na pag-laki. Karamihan sa magkapatid ay nagsisikap na lutasin ang isang away sa salita at nagbibigay-daan ito sa kanila ng pagkakataong magkaroon ng mahusay na mental abilities.
2. Pagiging balanced person
Ang mga pagtatalo nila ay maaaring makatulong sa magkapatid na maging matalinong indibidwal. Dahil ang pakikipag-away sa kapatid ay maaaring maging praktis nila kung paano magdesisyon at magpatawad na tumutulong sa kanila na maging isang balanseng tao sa hinaharap.
3. Pagkatuto sa pagtanggap ng pagkakaiba-iba ng tao
Ang pagkakaiba ang ugat minsan ng pag-aaway ng magkapatid. Gayunpaman ang pag-aaway nila ang maaari rin maging sanhi para matanggap nila ang isa’t isa, dahil sa pakikipagpalitan nila ng opinyon sa bawat isa kapag nag-aaway.
Key Takeaways
Ang away ng magkapatid ay may negatibo at magandang epekto at hindi ito dapat isawalang-bahala ng magulang. Maganda pa rin na matuto tayong mamagitan sa kanila ng tama at maturuan silang magmahalan sa dulo.
[embed-health-tool-vaccination-tool]