Ang panganganak ng cesarean, o C-section ay isang uri ng surgery na ginagawa upang ipanganak ang sanggol mula sa uterus ng ina palabas ng tiyan. Puwedeng planado ang pagsasagawa ng cesarean section, o puwede ring gawin dahil emergency.
Maaari irekumenda ang panganganak ng cesarean upang matugunan ang mga sitwasyon kung:
- May seryosong banta sa kalusugan ng sanggol at/o ng ina
- Ang normal delivery ay mahirap isagawa dahil sa laki o posisyon ng sanggol
- May higit sa isang sanggol sa sinapupunan ang ina
- May abnormal na takbo ng panganganak
Ligtas ang panganganak ng cesarean para sa ina at sa sanggol, bagaman may kalakip itong panganib, tulad rin ng lahat ng uri ng surgeries. Nangangailangan ng mas mahabang panahon upang gumaling ang isang ina sa C-section kumpara sa kaso ng vaginal birth.
[embed-health-tool-due-date]
Para Saan Ang Panganganak Ng Cesarean?
Pinipili ang cesarean section kaysa sa vaginal delivery kapag may problemang nangyayari sa ina at/o sa fetus, o kapag may biglaang problemang nangyari habang nanganganak. Tingnan natin ang ilan sa mga kadalasang dahilan kung bakit ginagawa ang panganganak ng cesarean:
Mabagal Na Panganganak
Ang panganganak na hindi naaayon sa inaasahang bilis ay banta sa buhay ng ina at ng sanggol. Maaari itong mangyari kapag ang cervix ng ina ay hindi sapat ang laki upang makalabas ang sanggol sa kabila ng matitinding contractions sa loob ng ilang oras. Isa ito sa pinakakaraniwang dahilan kung bakit inirerekomenda ng mga gynecologists ang panganganak ng cesarean.
Abnormal Na Tibok Ng Puso Ng Fetus
Ang fetal heart rate habang nanganganak ay indikasyon kung gaano kabuti mag-react ang sanggol sa contractions. Ang normal na heart rate ay nasa pagitan ng 120 hanggang 160 tibok bawat minuto. Senyales na hindi maganda ang lagay ng fetus sa sinapupunan kapag ang heart rate nito ay mababa o mataas sa rate na ito. Susuriin ng medical team ang kondisyon ng ina at ng sanggol bago gawin ang cesarean section.
Abnormal Na Posisyon Ng Sanggol Habang Ipinapanganak
Ang normal na posisyon ng sanggol habang ipinapanganak ay una ang ulo pababa at nakaharap sa likod ng ina. Kapag hindi ganito ang posisyon ng sanggol, magiging mahirap ang paglabas ng sanggol mula sa sinapupunan, na nagdudulot ng hamon sa buhay ng ina at ng sanggol.
Prolapsed Umbilical Cord
Kapag unang lumabas ang umbilical cord sa cervix bago pa ang sanggol, maaaring kailangan nang gawin ang C-section.
Komplikasyon Sa Inunan (Placenta)
Ipinapayo ang panganganak ng cesarean kapag lumitaw ang placenta sa opening ng cervix o tinatawag na placenta previa.
History Ng Cesarean Section
Ang mga babaeng nakaranas nang ma-C-section sa nauna nilang panganganak ay maaaring mairekomendang sumailalim muli sa susunod.
Kapag May Health Concern Ka
Maaaring irekomenda ang panganganak ng cesarean kung may kaso ng malalang problema sa kalusugan. Kung sakaling mayroon kang kondisyong medikal sa utak o puso, o na-diagnose kang may genital herpes infection sa oras na manganganak ka na, malaki ang tsansang ipayo sa iyo na sumailalim sa C-section.
Ano Ang Mga Panganib Ng Panganganak Ng Cesarean?
Dulot ng pag-unlad ng medical techniques, naging ligtas na ang pagsasagawa ng C-section. Pero mayroon pa ring iilan. Ang mga sumusunod ay mga karaniwang panganib ng cesarean section sa mga bagong ina:
- Urinary bladder injury
- Matinding pagdurugo habang at pagkatapos manganak
- Pamumuo ng dugo mula sa deep vein thrombosis sa deep vein na nasa pelvic organs at mga binti. Sakaling umabot sa baga o bumara sa daanan ng dugo ang namuong dugo, maaari itong ikamatay ng pasyente.
- Impeksyon sa uterus
- Maimpeksyon ang lugar kung saan ginawa ang surgery
- Impeksyon sa lining ng uterus o endometritis
- Urinary tract infection
- Tumaas ang panganib ng transient tachypnea, isang problema sa paghinga na nagdudulot ng abnormal na pagbilis ng paghinga sa unang mga araw matapos manganak
- Pagkaantala ng pagbalik ng normal na pagdumi
- Allergic reactions sa anaesthesia
- Lumiliit ang tsansang manganak nang normal delivery or VBAC sa susunod na panganganak
Paano Paghahandaan Ang Panganganak Ng Cesarean?
Sakaling piliin mo ang planadong C-section, magkakaroon ka ng panahon upang maghanda para sa surgery. Narito ang tips na dapat tandaan upang maging lubos na handa para sa panganganak ng cesarean.
- Ipaliliwanag sa iyo ng doktor ang mga hakbang sa pagsasagawa ng panganganak ng cesarean.
- Pipirma ka ng consent form bilang record ng iyong pagpayag na isagawa ng medical team ang cesarean section.
- Ipaalam agad sa iyong doktor kung mayroon kang allergic reactions sa ilang gamot, anaesthesia, latex, tape, at/o iodine.
- Ipaalam sa iyong doktor ang mga gamot na iniinom mo sa kasalukuyan — niresetang gamot, OTC (over-the-counter) na gamot, supplements, vitamins, herbals, at maging ang illicit drugs. Ang aspirin at anti-coagulant na gamot ay kilalang nakadaragdag ng pamumuo ng dugo. Ipapayo sa iyo kung kailangan mo bang ihinto pansamantala o i-adjust ang pag-inom ng gamot bago gawin ang cesarean section. Maaari ka ring resetahan ng gamot upang mabawasan ang acid level sa iyong tiyan at mapahinto ang secretion mula sa iyong bibig at sa mga daanan ng paghinga.
- Sakaling gagawin ang planadong cesarean section na may kasamang spinal general o epidural anaesthesia, tiyak na papayuhan kang mag-fasting sa loob ng hindi bababa sa walong oras bago ang surgery.
Ano Ang Nangyayari Habang Isinasagawa ang Cesarean Section?
Incision (Paghiwa)
Ginagawa ang paghiwa ng balat hanggang sa uterus na matatagpuan sa ibabang bahagi ng tiyan. Ang paghiwa sa balat ay puwedeng transverse (pahalang) o longitudinal (patayo).
Ang pahalang na paghiwa sa uterus na umaabot sa pubic hairline ay madalas piliin kaysa sa patayong paghiwa. Mas mabilis kasi itong gumaling at mas kaunti ang pagdurugo.
Sa kabilang banda, ang patayong paghiwa sa uterus ay umaabot mula sa malapit sa pusod papunta sa public hairline. Ang uri ng paghiwa na gagawin sa iyo sa panganganak ng cesarean ay nakadepende sa iyong kasalukuyang kondisyong pangkalusugan at sa pasya ng iyong surgeon.
Anesthesia
Kadalasang isinasagawa ang cesarean section nang may kasamang epidural o spinal anaesthesia. Sa mga ganitong uri ng anaesthesia, mararamdaman mo ang epekto nito mula sa bewang pababa. Mananatili kang nasa ulirat sa kabuuan ng iyong operasyon at makikita mo ang iyong baby paglabas nito.
Pre-Op
Bago magsimula ang panganganak ng cesarean, kakabitan ka ng urinary catheter, at lalagyan ng intravenous (IV) line sa kamay o ugat. Tatakpan ang tiyan ng sterile material habang naglalagay ng harang sa ibabaw ng iyong dibdib upang masuri ang lugar na ooperahan. Makatutulong ito sa iyong anaesthesiologist upang ma-regulate nang mabuti ang iyong blood pressure, tibok ng puso, blood oxygen level, at paghinga.
Operation
Ang susunod, magsasagawa na ng vertical o transverse na paghiwa sa ibabaw ng pubic bone. Gagamit ng electrocautery machine upang mahinto ang pagdurugo.
Ginagawa ang mas malalim na paghiwa sa muscle at tissues papunta sa uterine wall at isa pang vertical o transverse na paghiwa sa uterus. Ito ang paraan upang marating ng surgeon ang amniotic sac na bumabalot sa sanggol. Inilalabas na rito ang sanggol saka pinuputol ang umbilical cord. Ang gamot na ginagamit upang mag-contract ang uterus ay pinadadaan sa IV. Ito ang naglalabas ng placenta, saka ito tinatanggal. Susuriin ngayon ng surgeon kung may mga punit sa uterus at kung mayroon pang natirang bahagi ng placenta.
Ang hiwa sa kalamnan ng uterus ay isasara gamit ang sutures (pagtatahi) saka ibabalik ang uterus sa dati nitong kinalalagyan sa pelvic cavity. Sa huli, ang muscle, layers ng tissue, at hiwa sa balat ay isinasara sa pamamagitan ng pagtahi rito. Ang in-sterile na benda o pantapal ay ilalagay sa lugar na may tahi.
Gaano Katagal Ang Recovery Period?
Di hamak na mas mahaba ang proseso ng paggaling ng cesarean section kaysa sa mga vaginal birth. Kaya naman, nananatili sa ospital ang mga babaeng sumailalim sa cesarean section nang 3-4 pang araw.
May ilang karaniwang sintomas na maaari mong maranasan matapos ang cesarean section. Ilan sa mga ito ang:
- Pangangati at pagkirot sa paligid at sa mismong lugar na may tahi
- Pagkapagod
- Nahihirapang dumumi (constipation)
- Pagsakit ng tiyan kapag umuubo, tumatawa, o bumabahing
Pag-Aalaga Sa Pasyente: Post Surgical Care
Maaari kang resetahan ng painkillers upang mabawasan ang iyong nararamdamang sakit. Tandaang ligtas naman ito habang nagpapasuso.
Sa oras na mawala na ang epekto ng anaesthesia, sasabihan kang maglakad upang mapanatiling aktibo ang sarili, at papayuhan ka ring dagdagan ang pag-inom ng tubig. Nakatutulong ito upang maiwasan ang constipation at deep vein thrombosis na karaniwang panganib ng cesarean section.
Kung mayroon kang bladder catheter habang nasa operasyon, tatanggalin na ito ngayon.
Hihikayatin ka nang magsimulang magpasuso sa iyong sanggol sa oras na bumalik na muli ang sapat mong lakas.
Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga pag-iingat na dapat sundin matapos kang makalabas ng ospital
Alamin sa iyong doktor ang mga kinakailangang bakuna at tiyaking nakatatanggap nito nang tama.
Matuto pa tungkol sa Labor at Panganganak dito.