Matapos mong malaman na ikaw ay nagdadalantao, normal lamang na maging mas conscious sa iyong katawan. Halata na ba ito? Malaki na ba ang tyan ko? Masyado ba itong maliit? Hindi rin nakatutulong na maraming mga tao ang nagkokomento ukol sa laki ng iyong baby bump batay sa kanilang alam o kung paano nila naranasan ang pagbubuntis. Ngunit totoo bang ang tiyan ng buntis ang nagsasabi kung gaano kalaki ang iyong sanggol?
Kailan ka Magsisimulang “Magmukhang” Buntis?
Bago natin talakayin ang normal na laki ng tiyan ng buntis, sagutin muna natin ang tanong kung kailan ito magsisimulang mahalata.
Sinasabi ng mga doktor na karamihan sa mga babae ay hindi pa magpapakita ng baby bump bago ang ikalawang trimester. Sa karamihang mga kaso, maaari mong asahan na magmumukha kang buntis sa pagitan ng ika-12 at ika-16 na linggo ng pagbubuntis.
Gayunpaman, hindi lahat ng mga ina ay magpapakita ng baby bump sa pare-parehong panahon, kaya maaari kang magkaroon ng baby bump nang mas matagal sa nabanggit na panahon.
Indikasyon ba ng Laki ng Sanggol ang Laki ng Baby Bump?
Kung may mas malaki kang baby bump, may tyansa na may mas malaki kang anak. Gayundin, kung maliit naman ang iyong baby bump, maaaring maliit din ang sanggol na dinadala mo. Sa madaling sabi, ang laki ng iyong sanggol ay maaaring makaapekto sa laki ng iyong baby bump. Gayunpaman, hindi lamang ito— o hindi ito ang pangunahing salik na nakaaapekto rito.
Binibigyang-diin ng mga eksperto na ang laki ng iyong baby bump ay hindi tumpak sa sumasalamin sa laki at bigat ng iyong sanggol. Ito ay dahil ang bawat babae ay nagdadalantao nang iba-iba. Gayundin, maraming mga salik ang maaaring makaapekto kung gaano kalaki o kaliit ang iyong baby bump.
Ano-anong mga Salik ang Nakaaapekto sa Normal na Laki ng Baby Bump?
Kung ang isang kakilala o kamag-anak ang nakapapansin na tila hindi ka “lumalaki,” huwag mag-alala. Tandaan na ang laki ng iyong baby bump ay hindi naman tiyak na nagtatakda ng laki– o maging ng timbang— ng iyong anak dahil may ilang mga salik na dapat isaalang-alang.
Ang ilan sa mga salik na maaaring makaapekto sa laki ng baby bump ay ang sumusunod:
Kondisyon ng Core Muscles
Ang mga ina na may banat na core muscles dahil sa regular na abdominal exercises ay maaaring magkaroon ng maliit na baby bump. Ito ay dahil ang banat na abdominal muscles ay nangangahulugang ang matres o sinapupunan ay lalaki na mas nakadikit sa core ng katawan.
Sa kabilang banda, ang abdominal muscles na maaaring nabanat mula sa mga dating pagbubuntis ay maaaring magresulta ng mas malaking bump.
Build ng Ina
Nakapagtutukoy ba ng laki ng sanggol ang laki ng baby bump? Hindi sumasang-ayon dito ang mga eksperto sa larangang medikal. Ayon sa kanila, ang build ng isang ina ay may ginagampanang tungkulin sa kung ano ang magiging laki ng baby bump.
Ipinaliwanag nila na ang mga matatangkad na mga kababaihan ay maaaring mas mahuling magpakita ng baby bump kaysa sa mga hindi gaanong matatangkad. Karagdagan pa, ang mga mas maliliit na babae ay mas nagiging malapad dahil ang sanggol ay “may mas maliit na espasyo parang gumalaw pataas at pababa.”
Progreso ng Pagbubuntis
Isang salik na nakaaapekto sa laki ng baby bump ay ang paraan ng progreso para sa bawat babae. Halimvawa, ang isang ina na kadalasang nagduduwal at nagsusuka ay maaaring makaranas ng pagbaba ng timbang. Ang pagbaba ng timbang na ito ay maaaring magdulot ng mas maliit na baby bump.
Sa kabilang banda, kung ang isang ina ay nakararanas ng pagtaas ng timbang sa unang yugto ng pagbubuntis, maaari siyang lumaki nang mas mabilis at magkaroon ng mas malapad na baby bump.
Sa huli, ang biglaang pagtaas ng progesterone hormones ay maaaring magdulot ng pagkabunsol na maaaring makapagpabago sa tiyan ng buntis.
Ang Dami ng Amniotic Fluid
Nakamamanghang isipin na sa kabila ng pagbabago-bago nito kada oras, ang dami ng amniotic fluid ay nakaaapekto rin sa laki at hugis ng baby bump.
Sinasabi ng mga ulat na sa maagang yugto ng pagbubuntis, kalakhan ng amniotic fluid ay nililikha ng katawan ng ina. Gayunpaman, sa paglaon ng pagbubuntis, ang sanggol ay gagawa rin ng fluid sa pamamagitan ng urine outputs. Kung ikaw at ang iyong sanggol ay gumagawa ng maraming fluid, maaaring mabago nito ang hitsura ng iyong baby bump.
Ang Posisyon ng Sanggol
Bagaman hindi tinutukoy ng laki ng tiyan ng buntis ang laki ng sanggol, maaari namang makaapekto rito ang posisyon ng sanggol. Dahil ang sanggol ay gumagalaw-galaw, ang iyong baby bump ay maaaring magmukhang mas malaki o mas maliit depende sa kung ano ang posisyon ng iyong sanggol sa sinapupunan.
Sa kadahilanang ito, huwag kang magugulat kung minsan mukha itong malaki, at kung minsan naman ay mukha itong maliit.
Mahalaga ba ang Laki ng Baby Bump?
Para sa maraming mga doktor, ang laki ng tiyan ng buntis ay hindi naman mahalaga basta ang sanggol sa loob ay nasa tamang laki at bigat para sa gestational age.
Malalaman mo ang laki at bigat ng iyong sanggol sa pamamagitan ng mga prenatal check-ups. Ang mga ultrasound report ay makatutulong din para sa pagtatantya ng bigat ng iyong sanggol.
Prenatal Care at Kung Kailan Kailangang Humingi ng Medikal na Tulong
Para sa mga nagdadalantao, napakahalaga ng regular na prenatal check-ups.
Pagkatapos mong makumpleto ang iyong unang prenatal check-up, ang iyong doktor ay magbibigay sa iyo ng iskedyul kung kailan ulit ang susunod mong pagbisita. Ito ay upang ma-monitor nila ang paglaki ng sanggol sa iyong sinapupunan. Karagdagan pa, nais din nilang mabantayan ang iyong kalusugan habang lumalaon ang pagbubuntis.
Mabilis na masusuri ng mga doktor ang paglaki ng iyong sanggol sa pamamagitan ng fundamental height measurement.
- Sa katotohanan, ang fundal height ay ang distansya sa pagitan ng matres (itaas na bahagi ng baby bump) at ng pubic bone.
- Ang rule of thumb ay ang sukat (sa sentimetro) ay dapat na hindi nalalayo sa bilang ng linggo ng pagbubuntis.
- Kaya naman, kung ikaw ay nasa ika-28 linggo na ng pagbubuntis, ang fundal height ay dapat na hindi nalalayo sa 28 sentimetro.
Kung ang sukat ay malayo sa kung ano ang karaniwan, ang iyong doktor ay magbibigay ng order para sa isang ultrasound scan upang makita ang kondisyon ng sanggol.
Sa bahay, kung mapapansin mong hindi na lumalaki ang iyong baby bump, huwag nang maghintay pa sa iskedyul ng iyong susunod na pagbisita, kaagad na kumunsulta sa doktor. Gayundin ang marapat na gawin kung napapansin mong sobra ang paglaki ng iyong baby bump. Higit pa rito, damhin ang paggalaw ng iyong sanggol. Ang dalas ng kanyang paggalaw o pagsipa ay maaari ding may kinalaman sa kanyang kalusugan.
Key Takeaways
Ang normal na sukat ng baby bump ay nag-iiba-iba sa bawat nagdadalantao na nakabatay sa ilang mga salik gaya ng: Ang kondisyon ng mga core muscles, ang build ng ina, ang posisyon ng sanggol, ang dami ng amniotic fluid, at lalo’t higit ang paraan ng pagprogreso ng pagbubuntis.
Matuto ng higit pa ukol sa Pagbubuntis rito.