Takot ka bang magdalantao dahil palagi mong nakikita na may guhit sa tiyan ng buntis? Ang hirap kayang panatilihing makinis ang iyong katawan, pagkatapos bigla na lang magkakaroon ng linyang itim. Ang tawag nila dito ay linea nigra, na pangkaraniwang kondisyon sa balat sa panahon ng pagbubuntis.
Dumaraan sa maraming pagbabago ang iyong katawan kapag ikaw ay buntis. Sa panahong ito, ang balat sa tiyan ay umuunat upang mapaunlakan ang iyong lumalaking sanggol. Hindi ka nag-iisa kung nag-aalala ka sa pagbabagong ito, dahil maraming buntis ang nagkakaroon ng maitim na patayong linya sa kanilang tiyan.
Ano ang linea nigra?
Ang linea nigra ay isang maitim na patch sa pinaka-ibabaw na layer ng iyong balat. Hindi ito mapanganib at wala namang pangmatagalang epekto sa iyong kalusugan.
Ang guhit sa tiyan ng buntis ay isang manipestasyon ng mga pagbabagong nangyayari sa sa balat sa panahon ng pagbubuntis.
Mahigit sa 90% ng mga kababaihan ang nakakaranas ng ganitong pagbabago. At dahil magkaiba ang bawat pagbubuntis, ang ilan ay nagsabi na mas gumanda ang balat nila noong sila ay buntis. Maraming bagay ang dapat isaalang-alang kapag tinutugunan ang mga pagbabago sa balat.
May tatlong kategorya ang kondisyon ng balat ng buntis:
- Mga physiologic na pagbabago sa balat
- Dati nang kondisyon na nagbabago sa pagbubuntis
- Mga partikular na pagbabago na direktang nauugnay sa pagbubuntis
Bakit lumalabas ang guhit sa tiyan ng buntis?
Ang paglabas ng linea nigra ay nauugnay sa mas mataas na antas ng mga hormones sa panahon ng pagbubuntis. Maaaring epekto ito ng estrogen at melanocyte-stimulating hormone sa mga cells na nagtataglay ng melanin. Ang melanin ang nagbibigay kulay sa iyong balat. Subalit hindi lubos maunawaan kung bakit mas maitim ang ibang bahagi ng katawan kumpara sa iba.
Ang linea nigra ay isa lamang sa mga pagbabago sa balat ng buntis. Ang ilang mga kababaihan ay nagkakaroon ng mas maitim na mga patch sa kanilang mukha na tinatawag na melasma. Kadalasan nga ay mas maitim pa ang ibang mga pigmented na bahagi ng balat gaya ng:
- areola o ang lugar sa paligid ng nipples
- labia majora o ang tupi sa paligid ng iyong ari
- kilikili
- singit
Ang guhit sa tiyan ng buntis ay naroon na sa simula pa lamang ngunit maaaring di mo ito napansin. Tinatawag itong linea alba o puting guhit. Maaaring mapansin mo na umiitim ito sa kalagitnaan ng pagbubuntis lamang. Ito ay dahil nagiging maitim lamang ang linya habang tumataas ang mga antas ng hormones.
Kahit sino ay maaaring magkaroon ng linea nigra kapag nagbubuntis. Gayunpaman, mas malaki ang tsansa na magkaroon nito ang may maiitim na kutis kumpara sa may maputing balat.
Paano maiiwasan ang guhit sa tiyan ng buntis?
Sa kasamaang palad, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng linea nigra dahil ito ay konektado sa hormones. Ngunit maaaring mabawasan ang melasma at ang sobrang pangingitim sa pamamagitan ng:
- Gumamit ng sun protection
Ang pagkalantad sa ultraviolet rays ng araw ay mas nagpapatingkad ng pagbabago sa kulay ng balat. Gumamit ng broad-spectrum sunblock na may SPF 30 o mas mataas kahit hindi masyado maaraw.
Ang paggamit ng wax upang tanggalin ang mga buhok ay maaaring magresulta sa pamamaga ng balat. Pwedeng mas lumala ang melasma lalo na sa mga parte ng katawan na may pigmentation gaya ng iyong tiyan.
- Gumamit ng hypoallergenic na produkto para sa balat
Makakairita sa iyong balat ang paggamit ng face creams at cleansers na hindi hypoallergenic. Mas magiging seryoso ang pangingitim ng balat kapag nangyari ito.
Matatanggal pa ba ang guhit sa tiyan ng buntis?
Ang pangingitim ng balat sa iyong tiyan ay unti-unting maglalaho pagkatapos mong manganak. Maaaring itong maglaho ng konti sa loob ng ilang linggo o buwan. Gayunpaman, maaaring hindi ito lubusang maglaho para sa ibang babae.
Maaari kang gumamit ng skin whitening kapag may maitim na linya pa rin ang iyong tiyan ilang buwan matapos manganak. Siguraduhing kumunsulat sa iyong doktor kung ano ang mga produktong pwede mong gamitin lalo na kung ikaw ay nagpapasuso.
Matuto ng higit pa sa Pagbubuntis, dito.