Ano ba ang mga dapat iwasan sa early pregnancy? Mahalaga itong malaman dahil pwedeng maging sanhi ng panganib sa baby ang anumang kapabayaan. Bukod sa pagbantay sa mga dapat kainin ng buntis at pag-monitor sa kanilang aktibidad, may ilang mga produkto sila at bagay na dapat iwasan sa kanilang pagbubuntis.
Ang pagiging maingat sa mga bagay na dapat iwasan sa early pregnancy ay makakatulong na mapababa ang birth defects, preterm birth — at iba pang mga problema.
Mga Dapat Iwasan sa Early Pregnancy
Maraming tao ang gumagamit ng cosmetics, skincare, cleaning products, medication at iba pang produkto sa pangangalaga ng balat. Ang mga indibidwal na gumagamit nito ay madalas hindi na iniisip kung ano ba ang mga kemikal na taglay ng produkto. Ito’y dahil nagtitiwala ang sila na hindi nakakapinsala ang anumang kemikal na taglay nila.
Subalit, para sa mga buntis, maraming bagay ang dapat gawin at isaisip. Bagama’t pwedeng hindi makapinsala sa ina ang exposure sa mga bagay na ito, maaari pa rin nito ilagay sa panganib ang baby.
Kaugnay nito, mahalagang maging maingat sa mga bagay na dapat iwasan sa early pregnancy. Dahil ang unang trimester ay isang napakahalagang oras sa pag laki ng baby. Kaya’t upang masigurado ang isang malusog na sanggol, at “worry-free” ang pregnancy, tiyaking iwasan ang mga bagay na ito:
1. Phenylephrine o pseudoephedrine
Ang phenylephrine o pseudoephedrine ay karaniwang matatagpuan sa cold medication. Ito’y gumaganap bilang decongestants at makikita sa mas malalakas na uri ng gamot sa sipon.
Sinasabi na ito ang mga kemikal na kailangan mong iwasan sa early pregnancy. Sapagkat, ang mga ito ay pwedeng magpababa ng daloy ng dugo sa matris. Maaari itong maging dahilan ng pagkalaglag o miscarriage, at pinsala sa’yong hindi pa isinisilang na anak.
Siguraduhing suriin ang mga label ng anumang decongestant na pinaplano mong gamitin. Kung hindi ka sigurado, kumunsulta sa’yong doktor tungkol dito.
2. DEET
Ang isa pang kemikal na dapat iwasan sa early pregnancy ay ang DEET. Karaniwan mong mahahanap ang DEET sa mga produkto. Gaya ng insect repellent o mosquito repellent spray at lotion.
Bagama’t ang ilang mosquito repellents sa mga araw na ito ay hindi naglalaman ng DEET. Mayroon pa ring ilang sikat na produkto sa merkado na nagtataglay nito. Kaya isang magandang ideya na suriin muna ang mga label ng mga produkto na iyong binibili. Siguraduhing walang DEET na nakasulat, o walang kemikal na tinatawag na N,N-Diethyl-m-toluamide na makikita sa mga sangkap.
3. Solvent-Based Paints
Kung inaayos mo ang iyong bahay o naghahanda ng silid para sa’yong bagong silang na sanggol, mahalagang piliin ang tamang uri ng pintura. Hangga’t pwede, subukang iwasan ang paggamit ng solvent-based paints. Maaaring naglalaman ito ng traces ng lead, na nakakapinsala sa’yong baby. Bagama’t totoo na ang ilang mga bagong formulation ng solvent-based paints ay hindi gumagamit ng anumang lead, ang mga usok naman mula dito ay hindi partikular na ligtas para malanghap.
Kaya hangga’t maaari, subukang gumamit ng water-based paints. Sapagkat, ang mga ito ay walang anumang usok na pwedeng makapinsala sa’yo o sa iyong sanggol.
4. Nail Polish
Pagdating sa mga bagay na dapat iwasan sa early pregnancy, ang nail polish ang karaniwang huling bagay na iniisip ng mga tao. Gayunpaman, pwedeng may formaldehyde ang ilang uri ng nail polish at mga produkto sa paglilinis ng kuko.
Maaaring nakakapinsala ang kemikal na ito, at posibleng masipsip ito ng balat. Partikular, kung gagamitin mo ito sa’yong mga kuko. Hangga’t pwede, subukang iwasan ang mga produktong naglalaman ng formaldehyde, o kung walang mga sangkap sa label. Iwasan na lamang ito nang ganap.
5. Retinoids
Ang retinoids ay isang uri ng chemical compound na nauugnay sa vitamin A. Mapapansin na ang mga compound na ito ay ginagamit sa mga produkto na nakakatulong sa skin aging, gayundin sa mga produkto na gumagamot sa acne. Bagama’t epektibo ito para sa mga alalahanin sa balat., pwede itong maging sanhi ng miscarriage, birth defects, at iba pang mga problema para sa pagdevelop ng embryo.
Kung mayroon kang mga problema sa balat, na karaniwan sa panahon ng pagbubuntis, tiyakin na suriin ang label. Mas mainam, kumunsulta sa’yong doktor kung aling produkto ang ligtas gamitin.
Key Takeaways
Mahalaga para sa buntis na magkaroon ng kamalayan sa mga bagay na dapat iwasan sa early pregnancy. Ang pinakamahusay at pinakamadaling paraan upang gawin ito ay ang makipag-usap sa’yong doktor, para tanungin sila tungkol sa mga produkto na pwede nilang irekomenda. Maaari nitong gawing mas madali ang pagbili ng mga produkto. Magbibigay din ito sa’yo ng kapayapaan ng isip at loob na hindi mo sinasaktan o ipinapahamak ang iyong sanggol.
Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.