Nakasasabik na panahon ang pagbubuntis, subalit ito ay maaari ding maging bahagyang nakakakaba. Maraming “tuntunin” ang kinakailangang sundin ng isang buntis, kaya mahalagang malaman kung ano ang mga maaari at hindi maaaring gawin. Halimbawa, alam mo bang may mga tiyak na pagkain na bawal sa baby sa tiyan? Ang pagkain ng mga ito ay maaaring makasama sa iyong anak, na maaaring humantong sa mga komplikasyon o pagkalaglag (miscarriage). Ano-ano ang mga pagkaing maaaring makasama sa sanggol habang ipinagbubuntis? Alamin sa artikulong ito.
Hilaw Na Isda o Seafood
Ang hilaw na seafood, tulad ng talaba, o mga pagkaing may sangkap na hilaw na isda, tulad ng sushi, ay posibleng may bakterya at parasites na maaaring mapanganib sa sanggol. Ang pagkain ng mga organismong ito ay maaaring humantong sa pagkakalason o maging allergy sa mga buntis.
Upang maiwasan ang panganib, tiyaking lutuin nang mabuti ang seafood bago kainin. Kung mahilig ka sa sushi rolls subalit nag-aalangan sa pagkain ng hilaw na isda, bakit hindi subukan ang pagkain ng sushi na walang hilaw na isda, tulad ng baked sushi?
Seafood Na Mataas Sa Mercury
Ang mga buntis ay hindi dapat kumain ng seafood na may mataas sa mercury kahit na lutong-luto ang mga ito. Ito ay pagkain na bawal sa baby sa tiyan ito ay dahil maaari itong negatibong makaapekto sa utak at nervous system ng sanggol.
Mga Deli o Pre-Cooked Na Karne
Ang deli o luncheon meat, na maaaring kainin agad mula sa lata, ay kadalasang may mataas na asin at preservatives. Ang nitrite preservatives ng mga produktong ito ay may kaugnayan sa cancer at problema sa kalusugan ng sanggol. Dagdag pa, kahit na ang mga ito ay pre-cooked, maaaari ding maging sanhi ang mga ito ng salmonella, listeria, o toxoplasmosis. Ito ay dahil ang mga ito ay maaaring makontamina sa proseso ng paghahanda nito.
Isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkalason sa pagkain ang salmonella. Bagama’t sinasabi ng mga ulat na ito ay maaaari lamang magkaroon ng kaunting epekto sa pagbubuntis, hindi ito tulad ng listeria at toxoplasmosis na maaaring maging sanhi ng pagkalaglag (miscarriage). Anu-ano ang pagkain na bawal sa baby sa tiyan? Kasama ang deli meat sa mga ito.
Tandaan:
Ang mga buntis ay kinakailangan ding umiwas sa mga hindi gaanong luto na karne, manok, at itlog. Ito ay dahil ang mga ito ay maaari ding maging sanhi ng pagkalason kung hindi niluto nang mabuti. Mahalagang malaman ang minimum na temperatura sa ligtas na pagluluto ng mga ito. Halimbawa, dapat lutuin ang mga hilaw na itlog hanggang ang parehong puti at burok nito ay maging buo (145°F/63°C). Ang mga itlog na may malambot o malabnaw na puti ay dapat hindi kainin.
Atay At Mga Produktong May Atay
Kahit niluto nang mabuti, ang atay ay dapat pa ring iwasang palagiang kainin. Ito ay dahil ito ay may mataas na bitamina A. Sinasabi ng mga ulat na ang pagkonsumo ng napakaraming (overdose) bitamina A ay maaaring makasama sa sanggol.
Mga Malalambot Na Keso
Ang mga malalambot na keso ay isang karaniwang sanhi ng listeria, isang bakterya na maaaring maging sanhi ng pagkalaglag (miscarriage) o pagkamatay ng sanggol bago pa man ito maisilang. Ayon sa CDC, kabilang sa mga malalambot na keso ang brie, camembert, feta, goat cheese, queso fresco (isang uri ng Mexican cheese), ricotta cheese at blue cheese (bahagyang malambot).
Hindi kinakailangang ihinto ang pagkain ng lahat ng mga keso habang nagbubuntis. Iwasan lamang kainin ang mga ito nang hilaw o unpasteurized.
Unpasteurized Na Gatas
Ang pasteurization ay isang proseso kung saan iniinit ang gatas upang patayin ang bakterya. Kinakailangang iwasan ng mga buntis ang pag-inom ng unpasteurized na gatas, tulad ng sariwang gatas ng baka o kambing. Ito ay dahil ang mga ito ay maaari ding maging sanhi ng salmonellosis at/o listeria.
Alak
Anomang uri ng alak ay maaaring maging sanhi ng Fetal Alcohol Syndrome na maaaring humantong sa congenital anomalies, pagkasira ng utak, at problema sa paglaki ng sanggol.
Hindi Hugas Na Mga Produkto
Hugasan muna ang mga sariwang prutas at gulay bago ihain o lutuin. Mahalagang tandaan na ang mga luntiang gulay, tulad ng lettuce, ay kinakailangang ganap na ilubog sa tubig habang hinuhugasan upang matanggal nang mabuti ang anomang buhangin o dumi. Huwag ding kalimutan ang mga labanos, karots, patatas, at mansanas. Bagama’t ang mga pagkaing ito ay hindi kadalasang inihahain nang hilaw, hindi ito nangangahulugang ang mga ito ay hindi posibleng makontamina ng mapanganib na bakterya.
Key Takeaways
Anu-ano ang mga pagkain na bawal sa baby sa tiyan? Mahalagang malaman kung anong mga pagkain ang ligtas sa sanggol na nasa sinapupunan. Sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga pagkaing nabanggit, makatutulong ang mga ito upang matiyak na ang iyong anak ay lalaki nang malusog at malakas. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang diet at nutrisyon ay isa lamang sa mga aspeto ng malusog na pagbubuntis. Kailangan ding isaaalang-alang ang mga pisikal na gawain, kasalukuyang sakit o allergies, at mga gamot.
Matuto pa tungkol sa Pagiging Buntis dito.
[embed-health-tool-bmr]